KUNG TUMANGKILIK ANG ADA

Nagpabagu-bago ang anyo ng hari dahil sa mga pagkakasalang ginawa niya…

Ni SEVERINO REYES

(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 23, 1962)

MAY isang haring may katandaan na. Ang kanyang nag-iisang anak na si Prinsipe Ludovic ang tanging tagapagmana ng kanyang korona. Matalas ang ulo ng prinsipe, at madaling natuto ng mga kaalamang panghukbo. Hinangaan siya ng mga punong-kawal, at ang heneral ay giliw na giliw sa kanya.

            “Lalabas na mabuting puno ang ating prinsipe, makita ninyo,” ang papuri ng mga kawal.

            Ang prinsipe, palibhasa’y nasa kabataan pa, ay may tagapag-alaga, isang matandang konde. Ang konde ang tagapagturo rin ng prinsipe at siyang namamahala sa mga gawain at kagamitan nito. Kapag nangangaso ang mahal na hari at isinasama niya ang anak na prinsipe, ang konde ay kasama rin.

            Isang araw, samantalang nangangaso ang hari, nakita niya ang isang kunehong puting-puti na pinaghahabulanan ng kanyang mga alagad. Ang kuneho ay biglang tumalon sa balikat ng hari.

            “Huwag ninyo itong patayin!” ang utos ng hari sa mga alagad.

            Iniuwi ng hari ang kuneho sa palasyo, at inalagaan. Ang hari ay sadyang mahilig sa pag-aalaga ng mga hayop. Mayroon siyang malalaking haula sa halamanan ng palasyo na kinakukulungan ng sari-saring hayop: mababangis na tigre, leon, at iba pa.

            Palibhasa’y matanda na ang hari, dinapuan siya ng malubhang karamdaman. Ayon sa mga pantas na manggagamot, ang sakit ng hari ay bunga ng katandaan.

            Sa palasyo ay may nakatirang isang binatang kasinggulang ni Prinsipe Ludovich. Ang binata, si Percival, ay kapatid ng prinsipe sa gatas sapagka’t anak ng sisiwang nagpasuso sa kanya noong maliit pa.

            Si Percival ay may masamang ugali. Mapang-api sa kapwa, at ang tingin niya sa mga dukha ay mistulang hayop. Nahahawa tuloy ang prinsipe sa kanyang masamang kaugalian.

            Isang gabing ang hari ay nag-iisa sa kanyang silid at hinihimas-himas ang kanyang alagang kuneho ay bigla siyang nagulat. Sapagka’t ang kuneho ay biglang naging isang magandang babae. Isang ada.

            “Huwag kang magtaka, mahal na hari,” anang ada.

            “Naririto ako’t nagbabantay sa iyo pagka’t kumikilala ako ng malaking utang na loob. Utang ko sa iyo ang aking buhay.”

            “Walang ano man iyon,” ang tugon ng hari.

            “Naghihintay ako ng iyong utos, mahal na hari. Tungkulin kong paglingkuran ka habang nabubuhay.”

            “Salamat, magandang ada. Subali’t ang nais ko’y paglingkuran mo rin ako kung sakaling patay na. Matanda na ako’t malapit nang pumanaw sa mundong ito.”

            “Magturing ka, mahal na hari. Ano ang nais mong ipaglingkod ko sa iyo kung patay ka na?”

            “Ibig kong tangkilikin mo ang aking bugtong na anak na siyang magmamana ng aking korona.”

            “Huwag kang mag-alala, mahal na hari. Hindi ko pababayaan. Tatangkilikin ko ang iyong bugtong na anak.”

            Hindi nga nagluwat at ang hari ay namatay. Ipinagluksa ng buong kaharian ang kanyang pagyao.

NALUKLOK sa trono si Prinsipe Ludovich. Sa simula ng kanyang paghari ay nagpamalas siya ng kabutihan kaya napamahal siya sa mga mamamayan. Ngunit ang kanyang kabutiha’y nagmaliw kapagdaka, sa kagagawan ni Percival na may masamang budhi.

            Isang araw, ang magandang ada ay napilitang pakita kay Ludovich.

            “Ludovich, ikaw ay ipinagbilin sa akin ng nasira mong ama. Huwag kang makikinig sa mga himok ni Percival. Kaiingat ka. Kapag nakinig ka sa kanya ay makararanas ka ng malaking kasawian.”

Pagkasabi niyon ay nawala ang ada.

            Matamang nag-isip si Ludovich. Marami na nga siyang nagawang kasamaan, sa pagbubuyo ni Percival.

            Paris noong isang araw, samantalang sila ni Percival ay namamasyal, sakay ng kabayo, sa labas ng bayan, ay nakita nila ang isang magandang dalaga na nag-aaboy ng alagang maraming pabo.

            “Napakagandang dalaga niyon, Percival.”

            “Madali iyan, Ludovich,” ani Percival, at pagdaka’y umibis sa kabayo at lumapit sa magandang dalaga. “Bakit ba napakaganda mo?” magaspang na bati ni Percival sa dalaga.

            “Huwag mo akong uyamin, ginoo.”

            “Hindi kita inuuyam. Ano ba ang pangalan mo?”

            “Celia po.”

            “May gusto sa iyo ang aking hari. Sumama ka sa amin sa palasyo. Iwan mo na iyang mga pabo.”

            “Ako’y lubhang napakababa, ginoo, at ang hari ay napakataas. Isinasamo kong hayaan na ninyo ako rito. Bakita siya bababa sa kanyang trono dahil lamang sa akin?”

            Nang marinig ni Ludovich ang tinuran ng dalaga ay umibis siya sa kabayo at lumapit dito:

            “Celia… narinig kong ang pangalan mo pala’y Celia. Huwag mong sabihing ako’y bababa sa aking trono. Hindi gayon. Ikaw ang itataas ko hanggang sa aking trono upang iluklok sa aking piling.”

            Ngumiti lamang si Celia at nagpakatanggi-tanggi.

            Makaraan ang tatlong araw, buhat nang makilala ng Haring Ludovich ang babae ay dala na ito ng mga kawal na pinamumunuan ni Percival. Sa isang madilim na silid sa palasyo ikinulong si Celia.

            “Marahil, Ludovich, ay malapit mo nang makamtan ang babaing nagustuhan mo,” ani Percival nang humarap siya sa hari.

            “Bakit mo sinabi iyan? Ang puso ng babaing iyo’y matigas pa sa batong buhay. Marahil ay talagang wala siyang gusto sa akin.”

            Ipinagtapat na ni Percival ang kanyang pagdakip kay Celia.

            “Ikaw ay haring makapangyarihan,” ang wika pa ni Percival. “Bakit hindi mo gawin ang iyong maibig na gawin? Loko tayo pag hinayaan nating makapulas pa ang kalapating dinala ko sa iyo.”

            Noo’y pinag-isipan ni Ludovich ang dapat gawin. Nang limang araw nang nakakulong si Celia ay iniutos ng hari kay Percival na kunin sa piitan ang dalaga upang makausap niya nang tapatan.

            Nguni’t nang buksan ni Percival ang kinakukulungan ng dalaga ay wala na ito. Nagtaka si Percival, sapagka’t ang susi ng silid na iyon ay siya ang nag-iingat. Ang napagtuunan niya ng hinala ay ang kondeng tagapag-alaga ni Ludovich buhat pa sa pagkabata. Naisip niyang marahil ay pinasukatan ng konde ng susihang pinto ng silid na pinagkulungan niya kay Celia.

ISANG araw, ang magandang ada ay muling napakita kay Ludovich at muli itong pinaalalahanan na huwag makikinig sa masamang himok ni Percival.

            “Sisikapin kong sundin ang payo mo, magandang ada,” ang pangako ni Ludovich.

            Hinugot ng ada sa kanyang daliri ang isang sinsing at isinuot sa daliri ni Ludovich.

            “Mahiwaga ang sinsing na iyan. Kapag nakakaisip kang gumawa ng masama sa kapwa, ang tinik niyan ay titimo sa iyong daliri. Sa gayo’y maaalaala mo ang pangakong magpakabuti na. Sa tuwing makagagawa ka ng pagkakamali, duduruin ka ng tinik ng sinsing na iyan.”

            Buhat noo’y laging suot ni Ludovich ang sinsing na bigay ng Ada. Gayon man, madalas na hindi rin siya makatanggi sa masasamang himok ni Percival. Masasabi ngang si Ludovich ay parang natalian sa nguso o hipnotisado, wika nga ng mga espiritista, at maaaring dalhin maski saan ng kanyang kapatid sa gatas.

            Nang malaon, inabot na ng yamot si Ludovich dahil sa madalas na pagduro sa kanyang daliri ng mahiwagang sinsing. Hinugot niya iyon at itinapon. At lalo nang naging masama ang hari, hanggang sa isipin niya tuloy na ang matandang konde, na laging nagpapaalaala sa kanya na magpakabuti, ay isa niyang mahigpit na kaaway. Pinaniwalaan niya ang mga bulong ni Percival na ang konde ang balang araw ay aagaw sa kanyang trono. At minsan pa nga’y pinagbuhatan niya ng kamay ang konde.

            Noon di’y napakita sa kanya ang ada.

            “Napakasama mo, Ludovich,” ang wika ng ada. “Mapipilitan tuloy akong parusahan ka. Sa kalupitan mo’y masahol ka pa sa leon. Ang kasamaan mo’y higit pa sa kasamaan ng makamandag na ahas. Kung gayon ang iyong katawan ay magiging katulad ng sa malaking ahas, at ang iyong ulo’y katulad ng sa isang leon.”

            Noon di’y natupad ang sinabi ng ada. Wala nang iba pang nakabatid ng sumpa ng ada sa hari. Gabi nang maganap iyon, at kinaumagahan, ang lahat sa palasyo ay nagkagulo sapagka’t hindi makita ang Haring Ludovich. Nawalang anak ay kinain ng laho, kaya sinapantaha ng marami na kinuha ng kulog.

            Samantala, ang haring nagkaroon ng katawan ng ahas at ulo ng leon ay tumakas na sa bayan at nagtungo sa kagubatan. Upang huwag magkaroon ng kaguluhan, ang matandang kondeng tagapagturo ni Ludovich ang pansamantalang umugit sa kaharian. Ipinasiya niyang ipatapon si Percival, yamang batid niyang ito ang humihikayat sa dating hari sa pagpapakasama. Nguni’t hindi pumayag ang mga ministro kundi napapugutan ng ulo si Percival.

            Ikinatuwa iyon ng mga mamamayan.

            “Talagang mabuti ang kondeng naging hari nating pansamantala,” anila.

            Lalo nang dumami ang mga taong araw-araw ay nagtutungo sa halamanan ng palasyo upang manood ng sari-saring hayop na alaga roon sapagka’t wala na ang pinangingilagan nila, ang mabangis na si Percival.

            Isang araw, ang konde, na haring pansamantala, ay nangaso, kasama ng ilang kawal. Kabilang sa mga nahuli nila ang isang katakatakang hayop na may ulo ng leon at guhitang katawan ng ahas.

            Ang kataka-takang hayop ay iginawa ng sariling kulungan sa halamanan sa palasyo. Pinagkaguluhan iyon ng madla. Sapagka’t maamo naman ang hayop, pinababayaang bukas ang kulungan nito.

WALA sino mang nakababatid na ang katakatakang hayop ay ang dating Haring Ludovich. Buhat sa kanyang kulungan, naririnig ng dating hari ang usap-usapan, at nabatid niyang si Percival ay patay na.

            Isang araw, narinig din ni Ludovich ang pag-uusap ng mga ministro at ng pansamantalang hari.

            “Mahal na haring rehente,” anang isa, “magtakda ka po ng araw upang patungan ka ng korona, pagpapatibay sa iyong tunay na pagkahari.”

            “Huwag, hindi dapat,” ang tutol ng matandang konde. “Naniniwala akong hindi pa patay si Ludovich. Sa kanya ko isasalin ang korona pagbabalik niya.”

            Napaiyak ang hayop na may mukha ng leon at katawan ng ahas, pagkarinig sa sinabi ng konde.

            “Kaybuti ng aking ama-amahan!” ang nawika niya sa sarili. “Napakawalang-turing ko! Nakinig ako sa mga himok ni Percival.”

            Isang hapon, samantalanng ang domador ay nakahilig sa kanyang luklukan ay nakawala ang isang tigre. Nilapitan ng tigre ang domador upang silain, ngunit nakita iyon ng kataka-takang hayop na may ulo ng leon at katawan ng ahas.

            Sinugod ng kataka-takang hayop ang tigre at nilingkis. Sa gayo’y nakaligtas ang domador.

            Pagdaka’y napakita nang mga sandaling iyon ang magandang ada kay Ludovich.

            “Ludovich,” anang ada, “dahil sa ginawa mong iyan ay gagaan na ang parusa mo.”

            Ang kataka-takang hayop ay naging isang magandang aso. Naakit dito ang domador. Kinuha ang aso at dinala sa asawa ng pansamantalang hari. Gayon na lamang ang tuwa ng pansamantalang reyna.

            Nang magpulong uli ang mga ministro ay narinig ng aso ang pag-uusap. Nagkakagutom daw sa hilaga ng kaharian, at kailangang magpadala roon ng saklolo. Nabatid ni Ludovich na iyon ang pook na kinaroroonan ni Celia, ang magandang babaing napusuan niya.

            Noon di’y mabilis na kumilos ang aso. Nagbungkal siya sa paminggalan at tinangay ang isang malaking piraso ng lutong karne. Nagtungo siya sa bayan nina Celia.

            Nakita niya ang dalaga na nakahilig sa lilim ng isang punungkahoy. Bahagya nang humihinga ang dalaga dahil sa malaking kagutuman.

            Pagkadaka ay sinunggaban ni Celia ang kaputol na karneng idinulot ng aso. Pagkakain ay nakaramdam siya ng kaunting lakas.

            Sa malaking pagkilala ng utang na loob, at yamang siya’y nag-iisa na sapagka’t nangamatay na ang kanyang mga magulang, si Cecilia ay sumama na sa magandang aso. Pasunud-sunod siya rito, kahit hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng aso. Naiisip niyang kapag siya’y sumama sa asong ito ay hindi siya mamamatay sa gutom.

SA pagsunud-sunod sa aso ay nakarating si Celia sa palasyo real. Sa pintuan ng palasyo ay isang napakagandang babae ang sumalubong sa kanila. Ang babae ay dili iba kundi ang adang tumatangkilik kay Ludovich. Binuhat ng ada ang aso.

            “Ludovich,” ang bulong ng ada, “sa ginawa mong iya’y lalong gumaan ang parusa sa iyo. Ngayo’y magiging marikit kang kalapating puti, babala ng kapayapaang ihahatid mo sa iyong bayan.”

            Natupad ang sinabi ng ada. Iniabot ng ada kay Celia ang kalapati.

            “Celia, kalungin mo itong kapalaran mo. Ikaw ang mag-abot ng kalapating ito sa pansamantalang hari. Sabihin mo ring pahintulutan niya na ikaw ang maging tagapag-alaga ng kalapating iyan.”

            Tinupad ni Celia ang tagubilin ng ada. Pinagbigyan naman ng pansamantalang hari ang hiling ni Celia na ito na ang maging tagapag-alaga ng kalapati.

            Kinabukasan, gayon na lamang ang gulo sa palasyo nang magisnan na ang Haring Ludovich ay nakaupo na sa trono, kapiling ng magagandang si Celia. Ang suot ng dalawa ay nagniningning, ang damit na ibinigay sa kanila ng magandang ada.

            Noon din ay ipinasundo ni Ludovich ang kapelyan ng palasyo. Napakasal sila ni Celia.

            Tatlong araw ang itinagal ng pagdiriwang sa kaharian.

            “Patawarin mo ako, mahal na konde,” umiiyak na wika ni Ludovich at niyakap nang mahigpit ang matandang kondeng pinagkasalahan niya.

            “Ganap na patawad anak ko, ang iginagawad ko sa iyo,” tugon ng konde.