Ni FE NOBLE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 20, 1949)
SI TORIBIO DANCEL, isang magwawalis ng mga trak ng Liwayway Transportation Co., ay binatang masaya at nasisiyahan sa buhay bagaman ulila na sa ama’t ina at isang manggagawa lamang.
Kasiyahan ni Toribio ang maging mabait siya at laging may loob sa Diyos. Wala sa loob ang panliligaw, kaya maliit man ang kinikita ay nakatitipon pa nang kaukaunti.
Isang umagang-umaga, samantalang nagwawalis sa loon ngg isa sa mga trak na ilabas bago mag-ika-anim, ay ano ba’t may napansin si Toribio na isang tila balutan sa isang sulok ng trak. Upang masiyahan ang nagwawalis, ang ginawa’y linapitan at dinampot ang balutan. Nang masalat ang matigas na laman ng balutan, kapagkaraka’y nagkahinala si Toribio na isang handbag ang nakapaloob na iyon.
Dali-daling kinalag ni Toribio ang mga buhol ng balutan. Isa ngang handbag ang lumitaw na may katamtamang laki. Nandilat ang mga mata ng binata at sumasal ang kaba ng dibdib.
Naupo si Toribio sa upuan ng trak at saka binuksan ang handbag. Lalo nang namangha ang binata nang makita ang malaking balumbon ng mga papel de bangko na panay na dadaanin at lilimampuin.
“Kayamanan ito!” nawika ni Toribio sa sarili. Gayonman, dala ng katutubong kabutihan ng loob, ay walang unang naisip kundi ang isauli sa kinauukulan ang naturang salapi.
Dinali-dali ni Toribio ang pagwawalis at pagkaraan ay hinanap ang kanilang tagapangasiwa ng mga trak.
“Ano iyang hawak mausisa agad ng tagapangasiwa.”
“Isang kayamanan po ito,” ani Toribio. “Di-sasalang ito’y naiwan sa trak. Kailangang isauli sa sinumang paririto at maghahanap.”
“Iwan mo na, Toribio,” anang tagapangasiwa, “ako na ang bahala.”
“Aba, bilangin po muna natin. Mabuti na po ang maliwanag.”
“Tama nga pala,” wika ng tagapangasiwa.
Pagkatapos mabilang ay humingi pa si Toribio ng resibo sa tagapangasiwa.
“Aba, bakit pa?”
“Mabuti na po ang maliwanag.”
Gumawa ang tagapangasiwa ng isang resibo sa halagang apat na libong piso. Ang resibo’y iningatan ni Toribio.
PAGKARAAN ng dalawang araw ay isang magandang dalagang ayos tagalalawigan ang naging panauhin ng tagapangasiwa ng Liwayway Transportation.
“Ako po’y si Marta Lunares. Napakikilala ako, G. tagapangasiwa,” ang wika ng dalaga.
“Ano po ang aking maipaglilingkod?”
“Hindi ninyo naitatanong, ako’y nakaiwan sa isang trak ninyo ng isang balutang naglalaman ng malaking halaga. Hindi pa ako nagbibigay-alam sa himpilan ng pulisya. Inuna ko ang magsadya rito upang magtanong-tanon. Baka sakaling sa isa sa mga trak ninyo ay may…”
Hindi na natapos ang sabihin ng dalaga. Kapagkaraka’y tinawag ng tagapamahala si Toribio.
“Sila ang nakaiwan ng bag,” pakilala ng tagapangasiwa.
“At narito po ba?” masayang tanong agad ng dalaga.
“Narito po, ngunit paano naman namin matitiyak na kayo nga si aling Marta Lunares?”
“May letra po ang aking bag. Pangalan ko ang nakalagay sa loob.”
Kinuha ang bag at nakita nga naman sa loob ang pangalan ng babae.
“Upang lalo kayong mapanibulos ng paniniwala,” mungkahi ng dalaga, “ang mabuti’y pasamahin ninyo sila (itinuro si Toribio) sa amin at ipagtanong ako roon. Bukod sa riyan, ako’y mag-iiwan pa ng resibo sa halagang apat na libong piso.
Nakilala ng dalawang lalaki na hindi nagsisinungaling ang babae, sapagkat bukod sa nakita ang pangalan sa loob ng bag ay natukoy pa ang talagang halaga ng salaping laman niyon.
“Tayo na,” yaya ng babae.
“Mabuti na rin nga, Toribio, ang sumama ka.”
Bago umalis ang babae at si Toribio ay nag-iwan muna ng resibo.
Sa Hagunoy, na bayan ng babae ay napatunayan ni Toribio na si Marta ay hind nagsinungaling katiting man.
“Ako ho, aling Marta, ay magpapaalam na,” nakikiming wika ni Toribio.
“Siyanga, ngunit tanggapin mo ang halagang ito,” at inaabutan si Toribio ng limandaang piso.
“Naku! Huwag po, salamat po! Kahiya-hiya naman sa inyo!”
“Baka naliliitan ka lamang sa halagang iyan. Narito pa ang limandaan.
“Lalong nagpakatanggitanggi si Toribio.”
Sasakay na sana ang binata sa trak, ngunit hindi natuloy sapagkat tinawag ni Marta.
“Ayaw mong tanggapin ang kaunting halagang ibinibigay ko,” ang wika ng dalaga, “marahil ay hindi mo na tatanggihan ang aking iaalok sa iyo.”
“Ano pa iyon?”
“Kung ibig mo ay dumito ka na sa amin. Wala akong kasama sa bahay kundi isang ale at dalawang pinsang kapuwa rin babae.”
“Aba, e ano po naman ang aking gagawin dito?”
“Hindi ka mawawalan ng gagawin. Siyanga pala, kailangan ko ang isang bantay sa palaisdaan ko. Ikaw ang mamahala sa tatlong palaisdaan ko. Ano, payag ka ba?”
Nag-isip ang binata. Pagkuwa’y sumagot.
“Lalakad na muna ako, aling Marta. Magbabalik ako bukas. Pag hindi ako bumalik, ang ibig sabihin ay hindi ko tinatanggap ang inyong kagandahang-loob.”
“Aba, hindi ka maaaring tumanggi. Walang tanggihan. Magbalik ka bukas, hani?”
Pinayagan nang makalakad si Toribio.
PAGKARAAN ng ilang araw ay katiwala na si Toribio ng ilang malalawak na palaisdaan ni Marta.
Naging masipag naman at matapat ang sadyang may kabaitang si Toribio, kaya unti-unting nakagiliwan ng mayamang dalaga.
“Huwag mo namang gaanong diribdibin ang paggawa, Toribio,” isang gabi nasabi ni Marta sa katiwan pagkatapos nilang makapaghapunan. “Dapat mong mabatid na malabis ko nang ikinasisiya ang pangyayaring kami ngayon dito ay may nakakasama nang isang lalaking tulad mo.”
Ngingiti-ngiti lamang ang binatang nakaupo sa mahabang bangko sa dakong malayo sa dalagang nakaupo naman nuon sa isang silya sa malapit sa bintanang paharap sa daan.
“Halika rini, Toribio,” anyaya ng dalaga. “Lumapitlapit ka.”
Matunog naman ang pangunawa ng ale ni Marta, kaya nang makita ang ayos ng dalawa ay niyaya na ang kanyang mga anak upang ipabukas na ang anumang ibig usisain sa nangyari.
“Dini na hu lamang,” anang binatang mahihiyain.
“Halik sabi, e. Dini ka maupo,” pilit din ni Marta.
Nang nagkakaharap na ay ang dalaga pa rin ang unang nangusap.
“Malapit ka nang makaisang taon, Toribio,” nagunitang sabihin sa katiwala. “May nakataan akong gantimpala sa iyo.”
“Naku! Huwag na hu, tama na hu ang kinikita ko, at nasisiyahan na ako sa inyong mainam na pakita sa akin.”
“Kailangan mo ang makapagtaan ng para sa kinabukasan,” paalaala ng dalaga. “Balang-araw ay mag-aasawa ka, ngunit hintay nga pala… ikaw ba’y wala pang pinaglalaanan ng iyong mga kita?”
“A, iyan hu ang hindi ko nagugunita, aling Marta.”
“Marta na lamang ang iyong itawag sa akin,” paliwanag ng dalaga. “Kung tinatawag mo ako ng aling Marta ay naiisip kong baka ako’y matanda na. Bakit, mukhang matanda na ba ako?”
“Aba, hindi hu naman! Batang-bata kayo!…”
“Gayon pala ay bakit aling Marta ka nang aling Marta?”
“E, paano hu, e…”
“A, basta mula ngayon ay Marta na lamang ang itatawag mo sa akin. Iyan ang ibig ko.”
Hindi na tumutol si Toribio. Ano pa nga ba ang kanyang itututol ay sa panginoon na niya ang nag-uutos.
Mahabang sandaling naghari ang katahimikan. Nakayuko si Toribio samantalang si Marta ay pasulyap-sulyap naman sa nadudungong kaharap.
“Ako’y matutulog na,” di-kawasa’y naibasag ni Toribio sa kanilang pananahimik. “Kailangan kong gumising nang maaga bukas.”
“Oo nga, ngunit hintay,” at tumindig si Marta, “samahan mo muna ako sa lupa.”
Kinabahan si Toribio. Kaydilim ng gabi! Saan kaya sila magtutungo?
“Dalhin ko ba ang plaslait?”
“Oo nga, dalhin mo,” ani Marta.
Nang mga sandaling iyon ay nangatutulog na ang mga kasama sa bahay.
“Tayo na,” anang binata.
Nang nasa silong na ng bahay, wala namang ginawa si Marta kundi ang isa-isang siyasatin kung maayos na nasusukluban ang mga inahing manok na may mga nililimlimang sisiw. Habang mabagal na nagsisiyasat ay nakahawak sa isang bisig ni Toribio at parang wala sa loob na balita nang balita ng tungkol sa mga nagsisiligaw sa kanya.
“Alam mo, Toribio, sa lahat nang iyan ay wala akong mapiling isa man,” sa wakas ay paismid pang nasabi.
Walang kakibo-kibo si Toribiong malabis na nililito ng mga kaba ng dibdib at ng isang lihim na pagnanais na hindi makagitaw sapagkat tinatakot ng alang-alang at pamimitagan sa kapiling na babae.
Hanggang sa makapanhik sila sa bahay, ang abang si Toribio ay walang nasabing anumang ukol sa kanyang sarili. Marami siya naiisip, maraming ibinubulong ang kanyang puso, maraming naguguni-guni, subali’t walang naisiwalat na anuman sapagkat tinatakot nga siya ng nanunumbat na larawan ng tinatawag na utang na loob at alang-alang.
HINDI makatulog si Toribio. Ayaw siyang patahihimikin ng maraming tanda ng pagtatanging nasisinag niya sa mga kilos at pakitang-loob ni Marta. Ngunit kung anuanong katatakutan ang ipinakikita sa kanya ng katutubong kadunguan.
Mabuti naman ang nangyari sapagkat dahilan sa hindi pagkakatulog ay maaggap na nakasaklolo si Toribio sa nagpapagibik na si Marta nang dakong hatinggabi na.
Nang itulak ang nakapinid na pinto ng silid ay nahantad sa nag-uusig na paningin ni Toribio ang panggagahasa ng isang kung sinong lalaki na nagdaan sa bintana kaya nakapanhik. Kapagkaraka’y dinaluhong ni Toribio at sa bisa ng magkasunod na tuwid na suntok na pinadapo ng malakas na kamay nito ay natanggal at sumagadsad sa isang sulok ang tampalasang lalaking naghahangad maglugso ng kapurihan ni Marta. Nang muli pang susugurin ni Toribio ay nagmamadaling tumalon sa bintana ang tampalasan.
Nang maggibikan ang mga kasambahay, nakita ng lahat na yakap ni Toribio si Marta. Nakasubsob pa ang mukha nito sa dakong kaliwa ng didbib ng binata at patuloy itong lumuluha.
Matunog naman ang pangunawa ng ale ni Marta, kaya nang makita ang ayos ng dalawa ay niyaya na ang kanyang mga anak upang ipabukas na ang anumang ibig usisain sa nangyari.
Pagkaraan ng ilang araw ay idinaos nang walang abugabog ang pag-iisang-dibdib nina Toribio at Marta.
“Nasisiyahan ako, Toribio, sa naging wakas ng aking kapalaran” maligayang nasambit ni Marta nang sila’y iwan na ng mga panauhin at nang nagsasarili na sa kanilang pugad.
“Lalo ako, mahal kong Marta. Hindi ko akalaing akong hamak na pusali lamang ay makatapat pa ng langit. Talagang ang Diyos ay marunong sa lahat.”
“Hindi ka pusali,” salag ng babae. “Isa kang biyayang hulog ng langit sa aking ulilang buhay.”
Kinapos na ng sasabihin ang abang si Toribio, kaya mga uhaw na labi na lamang ang pinapaghayag ng maraming-maraming ibig pang awitin ng kanyang pusong nuon lamang nagising sa walang kahulilip na kaluwalhatian ng pag-ibig.








