Ni Benigno Ramos Juan
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Oktubre 10, 1960)
SA kanyang pandinig, ang malungkot na awiting ipinaiilanlang ng jukebox ay parang panaghoy, nagpapahiwatig ng pagkakalayo: —…Two young lovers are longing to go there… And they dream someday they will…—
Humigpit ang pagkakahawak niya sa baso ng pampalamig. Saglit na ibinaling niya ang paningin sa labas, nguni’t alam niyang maaga pa. Pinadilim lamang ng mahinang pag-ulan.
—Narding!
Bigla ang pagkakabaling niya kay Patria. Biglang-bigla, at nasukol niya ang pagkislap ng mata nito. Alam niyang sa ilang saglit ay mababasag ang kislap na iyon na namuo sa sulok ng mata ni Patria.
—Maraming tao, Pat…— Narinig niya ang kanyang tinig, nguni’t parang iba iyon. Hindi ba’t ipinangako niya kangina sa sarili na magpapakatatag siya?
Dinukot ni Patria ang isang panyolito at idinampi sa mata. Hindi niya tiningnan si Patria. Tumungo siya. Inalug-alog niya ang baso ng pampalamig. Sa kanyang paningi’y isa-isang nawawala ang mumunting bula sa gilid ng baso.
—Akala ko noong araw. Narding, matapang ka…— Paiyak ang tinig na narinig niya, nguni’t may diin. —Nagkamali pala ako. Duwag ka pala… duwag!
—Hindi mo ‘ko nauunawaan…— bahagya na niyang nabigkas.
Marami pa sana siyang ibig sabihin: Hindi ba noong araw sabi mo’y kaytapang ko? Hindi ba madalas mo akong purihin noon? Lalo na nang makipagbabag ako kay Mori, nang tuksuhin ka niya at isumbong mo siya sa akin? Matapang ka pala, Narding, sabi mo pa. Kahit malaki sa ‘yo nilalabanan mo…
—Bakit hindi kita mauunawaan, Narding? Kay-linaw naman ng ibig mong mangyari. Sabi mo’y sundin ko na ang gusto ni Tatang…
—May katwiran ang Tatang mo, Pat. Hindi nga naman kita mapaliligaya…
—Ako ang nakaaalam ng makaliligaya sa akin, Narding. — Nabasag ang tinig ni Patria. Muli nitong dinampian ang sulok ng nagsisipamula nang mata.
Kung alam mo lamang, Pat, kung alam mo lamang kung gaano kita pinakaiibig, kung gaano ka kahalaga sa akin. Kung alam mo lamang na kahit gaanong paghamak ng ama mo ay matatanggap ko….
Nguni’t hindi niya masabi iyan. Buo na sa loob niya na makipagkalas sa katipan. Ayaw niyang magpakita ng kahinaan sa harap ni Patria. Bagama’t sa loob ng kanyang sarili’y naroon na ang isang matinding iwa. Iwang alam niyang mananatili roon sa habang panahon.
—Sasama ‘ko sa ‘yo… kahit saan, Narding. Kahit saan, —basag uli ni Patria sa hindi niya pagtugon. — ‘Wag mong pabayaang makasal ako kay Rosendo.
—Dinaramdam ko, Pat. —Pilit niyang pinatatag ang pagsasalita. — ‘Yan lamang ang pinakamabuting magagawa natin.
—Pero bakit, Narding? Bakit? — Naramdaman niyang humahawak sa isa niyang palad ang malamig at nangangatal na kamay ni Patria. Naramdaman niya ang pagyanig ng balikat nito, nguni’t wala siyang narinig kundi impit na hikbi. —Bakit ka naduwag? —
Bakit nga siya naduruwag ngayon? Ngayong nasa harap niya si Patria at handang tumalikod sa mga magulang nito at sumama sa kanya? Maililipad niya si Patria kahit saan. Nguni’t anong uri ng daigdig ang pagdadalhan niya kay Patria? Ano?
Para pang umaalunignig sa pandinig niya ang sinabi ng ama ni Patria noong huling gabing dumalaw siya sa dalaga:
—Malakas din ang loob mo, Narding, —pauyam na wika ni Mang Antero noon. —Gayong ni ang sarili mo lang ay hindi mo pa kayang buhayin, idaramay mo pa sa gutom ang aking anak. Maibibigay mo ba sa kanya ang layaw na tinatamasa niya rito?
Ibig niyang sumagot noon sa ama ni Patria, sabihing hindi ang salapi ang sukatan ng kaligayahan ng tao, nguni’t napipilan siya. Tila kidlat na bumutas sa kanyang kamalayan ang katotohanang iyon, na hindi na niya nakita sa simula, noong bulag siyang umiibig kay Patria.
Isa sa pinakamaririwasa sa Maapog ang mga magulang ni Patria. At kung hindi sila naging magkababata ni Patria, naging magkalaro sa kamusmusan, marahil ay ni hindi siya mapapaugnay sa buhay nito. Ang matamis na kabataan nila ang malakas na naglapit sa kanilang magkaibang daigdig.
Doon muling nagkaugnay ang kanilang damdamin. Nagawa nilang magkita ng lihim ni Patria, nang maging mahigpit sa kanya si Mang Antero sa kanyang pagdalaw sa dalaga sa bahay nito sa lalawigan. May isang binatang napupusuan ni Mang Antero, si Rosendo, na anak din ng isang maykaya sa Maapog.
—Pag-uwi ko ngayon ay hindi na siguro uli tayo magkikita. — Pinukaw siya ng basag na tinig ni Patria. —Ipinakipagkayari na ako ni Tatang kay Rosendo. Mamamanhik na ang mga magulang niya ngayong gabi…
Napahinga siya nang malalim. Iyon na marahil ang pinakasukdulan ng kanyang pagtitimpi. Marahan niyang kinalag sa kanyang palad ang humihigpit na kamay ni Patria.
—Dinaramdam ko, Pat, — bahagya nang nulas sa kanyang nanunuyong labi, —dinaramdam ko…
—Pero bakit? — Tumitig sa kanya si Patria. Tila nababaghan ang titig nito.
Hindi siya sumagot. Sa halip ay inilabas niya ang kanyang kartera. Hinugot ang isang larawan. At walang salitang iniabot iyon kay Patria.
Nakita niyang tila atubiling inabot ni Patria ang larawan. Matagal na pinagmasdan. At muling ipinako sa kanya ang matang nagtatanong.
— ‘Yan ang talagang dahilan, Pat, — di na nakatiis na sabi niya. —Hindi ko pa maiiwan ang mga kapatid kong maliliit.
Saglit na nagbalik ang isip niya sa tagpong iyon, na naganap may dalawang taon pa lamang ang nakararaan.
—Ikaw na sana ang bahala sa iyong mga kapatid, Leonardo, bilin sa kanya ng agaw na buhay na ama. —Huwag mo silang pababayaan…at ang iyong ina…
Mahalaga at banal para sa kanya ang bilin ng amang yumao. Kaya hindi siya nagpabaya. Napilitan siyang lumuwas ng Maynila at maghanap ng gawain. At pinalad naman siya. Nguni’t iyon ay naging sapat lamang upang maibuhay niya sa maliit na kapatid at masasakitin nang ina.
Sa Maynila, ay muli silang nagkita ni Patria. Nag-aaral ito sa isang pamantasan. At hindi niya natanggihan ang pakiusap ng dalaga na susunduin niya ito tuwing hapon sa paaralan at ihahatid sa tinutuluyan.
Madalas, bago tuluyang umuwi sa kani-kanilang tinutuluyan, nagpapalamig muna sila sa restawrang iyon sa may kanto ng Doroteo Jose, malapit sa pamantasang pinapasukan ni Patria. Doon muling nagkaugnay ang kanilang damdamin. Nagawa nilang magkita ng lihim ni Patria, nang maging mahigpit sa kanya si Mang Antero sa kanyang pagdalaw sa dalaga sa bahay nito sa lalawigan. May isang binatang napupusuan ni Mang Antero, si Rosendo, na anak din ng isang maykaya sa Maapog.
—Na-nauunawaan na kita, Narding…— Pinukaw siya ng pagsasalita ni Patria. Ibinalik nito sa kanya ang larawan.
—Masakit sa aking gawin ito, — nasabi pa rin niya at saglit na parang may humalang sa kanyang lalamunan.
—Pero, ito’y isang pananagutang dapat kong itaguyod. Hindi ko maaaring iwan at sukat ang mga kapatid kong ito. Hindi man dahil sa gayon ang bilin ni Tatang…
—Kung ako sana’y makatutulong din sa kanila, — sabi ni Patria.
—Salamat, Pat. Nguni’t ako lang ang may tungkulin nito. At hindi ko mapapayagang pati ikaw ay makituwang. Nauunawaan mo na ba ako?
—Kawawa ka, Narding, — malayong sagot ni Patria. —Kung maaari lang akong makihati sa…
—Sapat na ang pagkaunawa mo, Pat. Sapat na.
—Patawarin mo ‘ko, —sabi uli ni Patria at buong pagsuyong tumitig kay Narding. —Nagkamali ako… Akala ko’y… duwag ka. Ikaw pa rin pala ang dating matapang… Patawarin mo ako sa sinabi ko kangina.
—Limutin mo na ‘yon, — pawalang-bahalang sabi niya. Tumayo siya at lumapit sa jukebox.
Namili ng tugtugin. At nagbalik uli sa mesa.
—Idadalangin ko ang iyong kaligayahan, Narding. Sana’y matagpuan mo rin ang isang makapagpapaligaya sa iyo.
—Higit na hinahangad ko ang kaligayahan ninyo ni Rosendo, — aniya at pilit siyang ngumiti.
Tumayo na si Narding nang mapawi ang kahuli-hulihang nota ng tugtugin. Mahigpit niyang kinamayan si Patria. Nakita niyang nakangiti ito… nguni’t may namumuong kislap sa sulok ng malulungkot na mata. Sabay silang lumabas sa restawran.
—Inuulit ko, Narding, — bulong sa kanya ni Patria bago ito pumara ng isang nagdaraang diyipni, —sana’y lumigaya ka… balang araw.
—Hinahangad ko ang kaligayahan ninyo ni…— Humalang na sa kanyang lalamunan ang iba pang sasabihin.
Sumakay na sa diyipni si Patria, patungo sa hintayan ng sasakyan na nagyayao’t dito sa Maapog. Kumaway pa ito bago tuluyang sumakay. Kumaway rin si Narding.
Patuloy ang mahinang pag-ulan sa labas.








