Ni Edgar Calabia Samar
(Ika-15 Na Labas)
Balangkas ng mga Kabanata
Kabanata 1: Mga Dugong-Ugat at Pluma: Ang Pampubliko at Pribadong Malabuhay
TATALAKAYIN ng kabanatang ito ang henealohiya ni Simeon Maharlika, literal at metaporiko. Maaaring pagtaasan ng kilay ng mga tradisyonal na mangangatha ng talambuhay at ng mga mananaysay ang isang metaporikong henealohiya subalit kung talagang tataluntunin ang pinagdaanan ng angkan ng mga Maharlika, mahirap na hindi tumawid sa landas ng mga pagtutulad, pagwawangis, pagmamalabis, pagsasatao, panawagan, pagpapalit-tawag, pagpapalit-saklaw, pagsalungat, pagpihit, pang-uuyam, pagpapalumanay, at iba pang maniobra ng wika upang sipatin ang iisang realidad. Bakit uupuan ang upuan kung maaari naman itong wasakin? Linya ito sa isa sa mga nobela ni Gregorio Pablo at siyempre’y hindi ito maiisip ng tauhan sa nobela kung hindi muna ito naisip ni Simeon. Pero kasabay ang mga paghiklat ng wika sa pragmatiko, susundan din ang kanyang linya ng dugo sa pamamagitan ng mga opisyal na tala ng rehimen ng Maharlika at ihahambing ito sa mga kalat-kalat na bulong ng mga hindi kilalang anak at mga lihim na relasyon. Gamit ang mga umiiral na biyograpikal na fragment at mga ispekulatibong naratibo mula sa mga nobela ni Pablo, paghaharapin kung paano nagtatagisan ang pamumuno at angkan sa isang rehimen kung saan ang personal ay hindi lamang politikal kundi propetiko. Ang kabanata ay hihimay sa mga materyal na archival, mga biograpiyang awtorisado ng estado, at mga likhang-panayam na inilalarawan si Simeon bilang parehong tagapagligtas at tagapagmana, isang pinuno na ang linya ng dugo ay kasing-kontrobersiyal ng kanyang mga patakaran para sa mga tagalabas ng Maharlika at maging sa taga-Maharlika, dahil parang lumalayo sa pinasimulan ng ama niyang Malahákan. (Tingnan ang Talababa 1)
[Talababa 1: Kabilang ang mga likhang-panayam at hindi nailathalang mga tala na ikinakabit sa malalapit na tauhan kay Simeon, na nagmumungkahi ng isang masalimuot na ugnayan na lumalampas sa tinatanggap na puno ng pamilya. Ang mga materyal na nagmula sa archival research sa labas ng Maharlika ay ihahambing sa mga pseudo-historical na dokumento mula sa Aklatan ng Estado ng Maharlika, gayundin sa mga na-intercept na sulat na sinasabing isinulat ni Gregorio Pablo sa kanyang pagkakadestiyero.]
Susuriin din ng kabanatang ito ang karunungan sa likod ng legalisadong pagpatay sa Maharlika, na tinitingnan kung paanong ang naturang batas, na tila tungkol sa kontrol at hirarkiya, ay sumasalamin sa mas malalim na pilosopiko at sosyo-politikal na daloy ng kamalayan at paninindigan sa lipunang Maharlika. Tutuklasin ng panukala kung paanong ang sistemang ito, na tinitingnan sa loob bilang isang kinakailangang hakbang upang mapanatili ang kaayusan at istratipikasyong panlipunan, ay sumasalamin sa mga sinaunang praktika kung saan ang buhay ng ilang indibidwal ay itinuturing na hindi mahalaga sa pagsisilbi sa mas dakilang kabutihan. Dakilang kabutihan na nakamit at ipinagpaparangalan ng bawat mamamayan ng Maharlika. Sisiyasatin ng kabanata ang mga etikal na hanggahan ng karahasang pinahintulutan ng estado at sisiyasatin kung paano hinuhubog ng radikal na batas na ito ang pagkakakilanlan ng mga mamamayan ng Maharlika, na ipinalalagay na ang gayong sistema ay lumilikha hindi lamang ng mga sakop ng isang rehimen kundi ng mga kalahok sa isang dystopian na naratibo kung saan ang buhay at kamatayan ay mga kalakal ng estadong pamamahala.
Kabanata 2: Ang Salita bilang Pasyon at Orasyon: Isang Masinsinang Pagbasa sa mga Pahayag ni Simeon Maharlika
Dito, susuriin ang mga talumpati ni Maharlika bilang magkasabay na mga kasangkapang pampolitika at pagtatanghal na poetiko. Bubusisiin ang sintaks at bokabularyo na nakaimpluwensiya sa isang bansa at ang katahimikan sa mga titik na nagkukubli sa mga karaniwang ipinagbabawal na pagnanasa. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa retorika sa lente ng mga performatibong kilos ng pagsasalita, igigiit ng kabanatang ito na ang mga salita ni Simeon ay hinabi—hindi lamang upang magpatakbo ng gobyerno kundi—upang magpabighani, upang itali ang populasyon sa isang naratibo ng tadhana at karapatang malabanal. Ang pagsusuri sa bahaging ito ng epikong tulambuhay ay huhubog sa pamamagitan ng mga pagtukoy sa klasikong oratoryo at paggamit ng tula bilang propaganda—sa magkasabay na positibo’t negatibo nitong gamit at kahulugan—na naglalapit dito sa mga akdang kinomisyon ng Malahákan para sa sarili nitong mga tulambuhay, na ang mga berso ay naglarawan sa isang daigdig na hinuhulma ng mga Maharlika habang hinuhulma rin ang mga Maharlika ng daigdig na iyon. (Tingnan ang Talababa 2)
[Talababa 2: Kabilang ang isang komparatibong pag-aaral ng talumpati sa inagurasyon ni Simeon at mga sipi mula sa mga nobela ni Gregorio Pablo, na magtatampok ng mga pagkakatulad sa wika at pilosopiya, na magsisiwalat kung paanong hindi lamang basta magkahawig ang mga tinig ng dalawa, kundi na sadya ngang iisa sila. Kasama rin sa kabanata ang mga sanggunian sa propaganda tula ng mga naunang isinagawa ng dating Soviet Union at Tsina, na magsisilbing urian kung paano ginamit ng mga rehimeng ito ang berso upang bumuo ng isang aura ng di-matitibag na kapangyarihan sa paligid ng kanilang mga lider, habang ang retorika nga ni Simeon ay naglalayong linangin ang pakiramdam ng kolektibong tadhana sa loob ng Maharlika.]
Dagdag pa, susuriin ng kabanata ang mga implikasyon ng mga pahayag ni Simeon sa kolektibong psyche, na idinadambana ang kanyang mga talumpati bilang mga kilos ng paglikha na humubog sa identidad ng bansa. Sa pamamagitan ng pagbanggit sa diyos, sa mitiko, at sa pampanitikan, iniangat ng mga pagbigkas ni Simeon ang kanyang pampolitikang agenda sa antas ng epikong naratibo, na pinag-iisang-habi ang kanyang personal na bisyon sa sarili ng Maharlika. Sa lente na ito, ang papel ni Simeon ay hindi lamang bilang isang pinuno kundi bilang isang makata na gumagamit ng wika bilang paraan ng paghubog ng realidad, na gumagawa ng isang epikong naratibo na pinag-iisang-tadhana ang mga tao at siya mismo. Tatalakayin ng pagsusuri sa bahaging ito ng epikong tulambuhay ang mga tanong tungkol sa papel ng naratibo sa pamamahala at sa mga etikal na hangganan ng ganitong malikhaing kapangyarihan, lalo na kung ang mga salita ay maaaring magdulot ng parehong paggalang at takot. Sa paggawa ng kanyang mga talumpati bilang buhay na mga tula, hindi lamang pinamamahalaan ni Simeon ang bansa; isinusulat niya ang sarili sa aklat ng kamalayan ng bansa, isang bagay na maihahambing kung paanong ang mga epiko noong unang panahon ay nagtakda ng ethos ng buong sibilisasyon.
Kabanata 3: Sa Ibayong Paghahanap kay Gregorio Pablo: Ang Mailap na Ibang Sarili
Ang kabanatang ito ang hayagan nang magmumungkahi ng mapangahas na hinuha: na si Simeon Maharlika at Gregorio Pablo ay iisa. Mula sa mga anotasyon ni Simeon sa mga aklat na nabasa niya (lihim pa ang sanggunian ko sa akses sa mga libro sa personal na aklatan ni Simeon, at kailangang isaalang-alang ang etika ng ganitong paggamit), mga pribadong liham kapwa nina Simeon at Gregorio na ngayon lang isasapubliko, at pagsusuri sa mga teksto ni Pablo, ilalatag ng seksiyong ito ang mga implikasyon ng ganitong pagbubunyag. Susuriin nito kung paanong ang pagpigil sa isang identidad ay nagbigay-daan sa paglago ng isa pa at ihahayag ang pangangailangan ng ganitong pagpapanggap sa pagpapanatili ng naratibo ng lehitimasyon ng mga Maharlika. Tatalakayin ng kabanata ang mga implikasyon ng isang awtokratiko na sabay na sumasakop sa tinig ng pagtutol—isang poetiko at pampolitikang kabalighuan na nagsasalita sa mas malalim na bitak sa psyche ni Simeon at sa kaluluwa ng bansa. (Tingnan ang Talababa 3)
Tatalakayin din ng kabanata ang mga malikhaing panganib na kaakibat ng pagpanukala ng isang epikong tulambuhay na may kaugnayan sa masalimuot na pigura ni Simeon Maharlika, na sa kabila ng pagkakilala sa loob ng kanyang bansa, ay nagtataglay ng pamana na tigib ng moral na ambiguity.
[Talababa 3: Malaki sa bumubuo sa kabanatang ito ang mga inimbentong pagsusulatan sa pagitan ni Simeon Maharlika at ng mga kapanahon ni Pablo, na nagbibigay ng mga palatandaan na ang “pagkawala” ni Pablo ay kahina-hinalang tumutugma sa pag-angat ni Simeon sa kapangyarihan. Hahabiin ng ipinapanukalang epikong tulambuhay ang mga elementong ito sa isang naratibong nilalabusaw ang mga linya sa pagitan ng bayani at kontrabida, makata at tirano. Maaari ko bang sabihin na pinakanasasabik ako sa paghaharap—at posibleng pagpupuksaang ito—ng sarili sa sarili? May mga hinala akong kahihinatnan, pero alam nating hindi panginoon ng tula ang makata kaya’t may mga pasya ang sining na hindi mababali ng alagad lamang nito.]
Sa harap ng mungkahing si Gregorio Pablo, ang nobelista ng mga eksperimental na akdang nagbago sa direksiyon ng pagkatha sa Maharlika, at si Simeon Maharlika, ang pinuno ng estado, ay maaaring iisang tao, ang kabanata ay maglalapat din ng mga temang posthumanista, at imumungkahing kaiba sa umiiral na pagturing dito bilang baligho’t kakaiba, na likas talaga ang mga malatao sa lipunang Maharlika. Sa isang rehimen kung saan ang pagkakakilanlan ay malleable at ang realidad ay construct ng estado, ang estado na posibleng construct din, ang mga hangganan sa pagitan ng sarili at estado ay nawawala, na nagpapahintulot sa pagkakaroon ng maraming sarili sa loob ng isang katawan. Ang dalawahang ito ay sumasalamin sa mas malawak na naratibong posthumanista, kung saan ang indibidwal ay hindi natutukoy ng isa’t natatanging pag-iral kundi ng mga papel na ginagampanan niya—mga papel na maaaring luminsad, matagibang, magpasirko-sirko, o malabusaw. Susuriin ng kabanata kung gaano kakomplikado ang fluidity ng pagkakakilanlan sa pagbubuo ng naratibo ng sarili at ng estado, nang inihahain din ang tanong kung may tunay na ahensiya ba sa isang rehimen na nangangailangan ng parehong ganap na katapatan at kabuuang reinbensiyon mula sa mga nasasakupan nito.
Tatalakayin din ng kabanata ang mga malikhaing panganib na kaakibat ng pagpanukala ng isang epikong tulambuhay na may kaugnayan sa masalimuot na pigura ni Simeon Maharlika, na sa kabila ng pagkakilala sa loob ng kanyang bansa, ay nagtataglay ng pamana na tigib ng moral na ambiguity. Babanggitin nito ang mga panganib ng naratibong may tagisan sa personal at politikal, at ang mga etikal na implikasyon ng pagsusulat tungkol sa isang lider na parehong dinadakila at pinaghihinalaan bilang pigurang pampanitikan. Sa pag-uusisa sa posibleng alter ego ni Simeon bilang si Pablo, hindi layon ng proyekto na maliitin ang kanyang mga nagawa sa parehong larang, kundi palawakin ang pag-unawa sa kanyang malikhaing lakas, kinikilala ang mga panganib sa pagsulat ng isang naratibong sabay na nagbibigay-katauhan at sinusuri ang isang lider na isinilang sa mitolohiya ng bansa.
Kabanata 4: Ang 74 na Orakulo ng Literatura: Tungo sa Pagbubuo ng Kanon ng Bansa
Sa kabanatang ito, ang pokus ay lilipat sa pampublikong ugnayan ni Simeon Maharlika sa literatura, partikular sa 74 na akdang kanyang tinukoy bilang mahalaga sa paghubog sa kaisipan ng Maharlika. Magsusuri rito ng akda hindi lamang bilang mga teksto bilang obheto ng pagsisiyasat kundi bilang mga aktibong kalahok sa paghubog ng ideolohiya ng estado. Pagtitibayin dito na ang mga tekstong ito ay nagsisilbing parehong kalasag at tabak para kay Simeon, isang hinubog na kanon na nagpapalaganap ng mga pundasyon ng kanyang pamumuno habang ikinukubli ang mga pagtutol, lalo pa sa mga simulain ng kaniyang ama. Partikular na bibigyan ng pansin ang hindi pagkakasama ng mga akda ni Gregorio Pablo sa listahan, na nagmumungkahi na ang kanilang pagkawala ay isang sadyang hakbang ng pagbubura at maniobra—isang pagtatakwil sa makatang nasa loob ng politiko bilang ganap na pagyakap. (Tingnan ang Talababa 4)
[Talababa 4: Sa pagkawala ng anumang akda ni Pablo sa listahang ito, ipinalalagay ng panukala na sadyang inalis ito ni Simeon nang sa gayo’y mapanatili ang isang maniobra sa naratibo ng paghihinala at pagtitiwala upang isipin nga nating kahina-hinala iyon at dahil iniisip na nga nating kahina-hinala ay baka wala naman talagang dapat paghinalaan. Ibig sabihin, na sa sandaling ito ng negasyon ng negasyon, magbabalik ang katwiran sa baka walang dahilan ang pagkawala, na sadyang hindi lamang bahagi si Pablo sa mahalaga kay Simeon. Ang pinakaepektibong paraan para alisin ang pagdududa ay na pagdudahan ang mismong pagdududa, at nagtataya si Simeon sa ganitong operasyon ng isipan. Kasama rin sa komparatibong pagsusuri ang mga sanggunian ng iba pang mga akdang pampanitikan mula sa mas matandang kanon na itinatag sa ilalim ng awtokratikong rehimen ng Malahákan, na sinisipat kung paanong ang pagpili ng alaala at haraya ay nagsisilbing barakilan o armadura ng kapangyarihan.]
Hahawakan din ng kabanata ang malikhaing mga panganib na kasama sa pagpanukala ng isang epikong tulambuhay na nakikisalamuha sa mga tekstong pinili ni Simeon Maharlika. Sa ganitong lente, ang pagsulat mismo ay nagiging isang anyo ng pagtutol, isang subersibong muling pagsasaalang-alang sa naratibo ng estado na naglalayong bawiin ang kapangyarihan ng pagkukuwento mula sa mga kuko ng awtoridad. Ang panganib na ito ay hindi lamang artistiko kundi eksistensiyal, habang ang epikong tulambuhay ay naglalayong bigyan ng pagkatao ang isang pigurang parehong dinadakila at kinatatakutan, inilalantad ang maingat na hinuhubog na mito ng kawalan ng kahinaan ni Simeon. Sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa kanon ng literatura na may basbas ng estado, hahamunin ng proyekto ang mga hangganan ng kung ano ang pinapayagan sa balangkas ng naratibo ng estado, gamit ang tula bilang paraan ng pagtatanong, pagpapatalas, at muling pag-iisip sa mga mitong pundasyon ng bansa.
Kabanata 5: Ang Epikong Tulambuhay bilang Alegoryang Politikal at Politisasyon ng Alegorya
Ang panghuling kabanatang ito ay aangkla isa panibagong teoretikal na balangkas sa paglikha ng epikong tulambuhay ni Simeon Maharlika: ang pagsesentro ng politika at alegorya bilang dalawang sungay ng iisang halimaw. Alam ko ang panganib ng paggamit sa halimaw bilang larawan sa ganitong uri ng proyekto, na para bang itinatampok ang karaniwang pagsipat dito bilang mas malahayop kaysa malatao. Subalit iyon nga mismong pagbawi sa potensiya ng kahayupan ang mungkahing estratehiya sa pagdestrungka sa mga kinamihasnan nating relasyon na siyang bukal ng totoong kapangyarihan ni Simeon, hindi lang bilang pinuno, kundi bilang alagad ng sining. Bibigyang-katwiran nito ang pagsasanib ng mga genre at ang paggamas ng anyong poetiko bilang isang mahalagang hakbang upang masapol ang hindi maipahayag na komplikasyon ng karakter ni Simeon—isang tao na magkakasabay na anak ng isang rebolusyonaryong pinuno (hindi na pinag-uusapan pa ang rebolusyonaryo sa mismong pagkakatatag ng Maharlika, pero mainam pa ring siyasatin ang mga operasyon at implikasyon nito), tagapagsulong ng isang rehimen, at bilang nadestiyerong may-akda ng mga nobelang humahamon sa kahulugan ng mga naturang rebolusyon at rehimen.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula. Pinarangalan siya ng S.E.A. Write Award nitong 2024.








