Ni DAVID T. MAMARIL
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 22, 1949)
May isang babaing may kalong na anak
Na namamahinga
Sa lilim ng isang ulilang tayakad;
Sa kawawang anyo ay matatalastas
Ang pighating dala
Isang kasawiang pagkabigat-bigat.
Bagaman marumi ang bestidong suot,
Nababakas pa rin
Na iyo’yy binili’t niyari sa lunsod;
Tulad din ng kanyang katawang natuyot
At laing na laing
Ay kababakasan ng gandang nalasog!
Dukhang-dukha siya… Walang pag-aari
Liban sa maliit
Na dalang balutan at isang tampipi;
Doon nakatago ang kanyang l’walhati
Na ngayo’y hinagpis
Buhat nang ang kanyang puri’y malugami!
Said na ang laman ng mga botelya
Ng pabango’t “cutex”
At pati ng pulbos sa kaho’y wala na;
Walang kamag-anak, walang kakilala,
Sawing tumatangis
Sa maputlang bangkay ng kanyang pag-asa!
At… kanyang iniwan ang lunsod na yaong
Walang patumanggang
Naglugso ng kanyang puring napabaon;
Ang kasuyo niya’y hindi na lumingon,
Pagkat isang “GI”
Ay padaku-dako sa panapanahon!
(Hindi masisisi… Ang sundalo’y ganyan,,
Lahat ng hiling mo
Ay pagbibigyan ka’t kanyang ibibigay;
Minahal ka niya’t siya ay minahal,
Nguni’t ang totoo
Siya’y may tungkuling hindi masusuway!)
Ang kanyang gunita’y nagdapu-dapo,
Nagpalipat-lipat
Sa tangkay ng kanyang kahapong naglaho;
“Oo, ang kababatang tapat ang pagsuyo
Na kanyang hinabag”
Ay naalaalang luha’y tumutulo!
At sa ganyang anyo na kaawa-awa,
Nang siya’y kumilos
Ay biglang umingit ang kinakalinga;
Nang kanyang tunghaya’y pumatak ang luha
Sa kulot na buhok
At labing makapal ng itim na bata!…








