ni Renan Gozon
Nang maamoy ko ang dagat
mula sa bintana ng bus,
nagpadala agad ako sa agos nito.
Gustong-gusto ko ang amoy; ang alat
ng tubig na lunas sa lagnat at lamig.
Ngunit kahit anong sisid ko sa alaala
hinding-hindi ako malulunod nito,
walang sasagip sa aking pangungulila
dahil lagi itong nag-iisa.
Kailan pa ako makauuwi?
Tuwing may mamamatay na lamang
na kaanak? Marahil nasa pagkabata ko
ang puwang na hindi ko kayang maibalik,
at ang panaginip ang pinakamabilis na daan
pabalik sa alaalang lumalamlam
ng mga nais bumiyahe na hindi alam ang uuwian.