Ni Mellodine A. Antonio
BIHIRA akong makatulog sa biyahe. Kanina, nakaidlip ako. Iginupo ng labis na pagod ang katawang lupa ko.Naglalaban ang tulog ko at reyalidad ng kapaligiran nang marinig ko iyon:
“Diyan ka na sa babae mo! Wala! ‘Wag kang uuwi! Wala kang uuwian! Diyan ka na lang sa babaemo! Diyan ka na lang sa babae mo!”
Tinapos niyon ang idlip ko.
Ninakaw ang antok na kani-kanina lang kaulayaw ko.
Kunot-noo kong hinanap ang pinanggalingan ng galit na tinig na iyon na umabala sa pamamahinga ko.
Lumingon ako.
Mas malakas sa kanang tenga ang matinis niyang tinig kaya tiyak akong sa gawing kanan ng hanay ang kinauupuan niya.
Tama nga!
Kahanay ko siya kaya lang ‘di ko agad masipat ang itsura niya.
Punuan kasi.
Mistula kaming sardinas na kinapos sa sarsa sa loob ng dyip.
Iyong siko ng katabi ko, nasa gilid na ng tiyan ko kaya nga ang dalawang kamay ko ikinipit ko na para wala akong maabalang iba.
Noong may pumara at bumaba, nakita ko siya.
Malinaw.
Malapitan.
Nagkaroon ako ng pagkakataong masipat siya.
Maganda pala.
Mahaba ang itim na itim na buhok.
Tulad ng maraming babae, plakadong kilay at pilik mata.
May tilos ang tungki ng ilong.
Mapula ang maninipis na labi.
Mahahaba rin ang biyas niya.
Makinis ang balahibuhing brasong nakalabas sa blusang maiksi ang manggas.
Balingkinitan ang katawan.
Bakas ang hubog ng beywang sa pagkakaupo.
Narinig ko ang mahihina niyang pagsinghot.
Pinapalis ng panyo niyang hawak ang mga luhang parang walang balak maglubay sa pagpatak.
Bata pa.Beinte mahigit lang siguro.
Hawak pa rin ng isa niyang kamay ang munting aparatong nag-uugnay sa kaniya at sa kausap niya kanina.
Napansin ko ang alanganing tingin sa kaniya ng iba pang pasahero.
Tulad ko, marahil, nakuha ng tinig niyang galit at may pait ang kanilang atensiyon.
May panakaw na sulyap.
May lantarang titig.
May ibang tila nakauunawa.
May ibang tsismis lang ang hanap.
Pero mayroon din namang nang-aasar — iyong kasasakay lang na magdyowa.
Lukot ang mukha ng lalaking tila kasing edad ng babaeng umiiyak.
Nagkunwag humihikbi iyong lalaki habang kumukuha ng pamasahe sa kaniyang pitaka.
Kumunot ang noo ko.
Sumibi pa iyong lalaki. Hinarap ang kasamang babae.
Kita ang kulang-kulang niyang ngipin nang tila paslit itong nagsusumbong sa kasama na kulang ang kaniyang barya.
Mahinang tawa ang sagot ng kasama sa ginawa niya. Pasimple akong inginuso.
Tinapunan ko siya—sila ng masamang tingin.
Nagbabantang tingin.
Iyong tinging nagsasangkot sa akin sa mga piping diskusyon at tahimik na gulo.
Iyong tinging malapit na akong maghurumentado dahil naalibadbaran ako sa nakikita ko.
Saka ko napansing hindi lang ako ang may ganoong tingin sa kaniya — sa kanilang magdyowa.
Halos lahat kami sa sasakyang iyon, masama ang tingin sa kaniya — sa kanila.
Kita ko sa gilid ng mata ang pagtatagis ng bagang ng katabi ko sa kaliwa.
Iyong ale na malapit sa estribo, di mabilang ang pileges sa pagkakakunot ng noo.
Gumalaw ang siko ng babaeng kasama nito.
Tumama sa braso ng lalaking nagpapansin.
Pero sa isip ko, kulang ang pagsiko sa kaniya. Dapat kinaldagan siya. Iyong kaldag sa sikmurang gigising sa kaluluwa niyang tulog sa pagmamalasakit. Kahit na nga siguro huwag na siyang magmalasakit o umunawa, huwag na lang siyang mambuska.
Luminga-linga ito.
Nang mapansin ang itsura ng mga pasaherong masama ang tingin sa kaniya, nagpormal.
“’Ya, bayad.” Unat na unat ang brasong sabi nito sa pag-aabot ng bayad.
Walang nag-abot.
Walang gustong mag-abot.
Walang tumulong.
Walang gustong tumulong.
Tahimik ang mga kahanay niya.
Nakamata sa kaniyaang nasa kabila.
Nang maramdamang walang tutugon sa kaniya, iniangat nang bahagya ang puwet sa upuan.
“’Ya, bayad!” Nilakasan ang boses pero wala pa ring tuminag.
Nagpanggap na abala sa kung ano-ano ang mga katabi niya.
Wala ring kumilos sa mga kahanay ko.
Nakamata lang.
“’Ya, bayad, o!”Mas malakas na sabi.
Deadma pa rin.
Walang kumilos.
Tuluyan na itong tumayo para iabot sa drayber ang bayad na hawak.
Dama ko ang pait ng mga luhang nag-unahan mula sa mga mata niyang pinamaga na ng lungkot, galit at marahil panghihinayang.
Eksakto sa biglang pagpreno ng sasakyan ang pagtayo nito.
Mabilis at mabigat ang saglit na iyon.
Mula gitna ng dyip, sumubsob ito sa likuran ng drayber.
Humugong ang maraming “Ay!” at “Naku!” na sinundan ng mahina’t pigil na hagikhikan nang makita ang lalaking buskador na tila nanghuli ng palaka pero walang napala.
“Shit!” magkapanabay na bulalasnito at ng kasama.
Pulang-pula ang mukha ng lalaki – kung sa hiya o sa pagkakasubsob sa likod ng drayber, baka pareho.
Iyong kasama niyang babae, haplos-haplos ang tuhod na bumangga siguro sa kung ano.
“Okey ka lang?” tanong ng ale sa kabilang hanay sa babaeng umiiyak.
Marahang tango ang sagot nito.
“Nasaktan ka ba?” tanong ng isa pa. Bakas sa mukha ang pag-aalala.
“Konti po,” mahinang sagot nito na may kasamang pagsinghot.
Napatitig ako sa kanila.
Hindi ko tiyak kung ang pinag-uusapan bang sakit ay dulot ng biglang pagpreno o iyong nangyari bago iyon.
“Ayusin mo,” mahinahong utos ng pinakamatanda sa mga pasahero. Inginuso nito ang manggas ng damit ng babaeng bumagsak at nagpakita sa kaniyang balikat. Lumitaw ang strap ng bra.
Kimi ang ngiting inayos ang damit.
Hinaplos ang buhok.
Idinampi muli ang panyo sa ilalim ng mga mata.
“Ayos ka na?” muling tanong ng katapat niya.
Tumango ito saka umiling.
Ngumiti ang nagtanong.
“Aayos din ‘yan,” buong suyong sabi. “Aayos din ang pakiramdam mo.”
“Tama! Aayos din ‘yan!” sabad ng pinakamatandang pasahero. “Ako nga, ilang ulit nambabae ang lintek na asawa ko! Noong una, ganiyan din, tulad mo. Iniiyakan ko. Tapos, susugurin ko’ng babae. Itatago niya. Ipagtatanggol niya pero susuyuin din ako. Mangangako na magbabago. Tapos, hindi naman. Hay naku! Nanawa na ‘ko! Doon na siya sa mga babaeng puta-puta! Ayaw niya ng matinong pamilya, aba’y ayaw ko naman ng walang katinuang asawa! Ipinamigay ko na! Ang huli kong balita, baldado na! Gusto, isauli sa akin. Tinanggihan ko! Ano ‘kako ako, basurera! Hindi, a!”
Lahat kami nakikinig sa kuwento ng ale. Natawa kami sa paraan niya ng pagkukuwento na parang ang pinagdaanan niya’y singsimple lang ng pagnguya ng chicharon.
“Ito naman kasing mga demonyong lalaki, kung bakit di makuntento,” sabad ng isang pasaherong nasa dulo. Maraming bitbit na kung ano-ano. Duda ko, may sarili siyang karinderya dahil nag-uumapaw ang mga gulay at pansit sa mga balutan niya.
Napasimangot ang mga lalaking pasahero sa sinabi ng ale pero walang nagsalita. Parang lahat kami, naghihintay pa ng karugtong ng mga sasabihin niya.
“Gusto ng magandang asawa, binigyan na. Matinong babae, nagpakasal pa nga sa kaniya. Kung bakit kapag nagsasama na, mananawa. Mawawalan ng gana. Mas gaganahan sa iba. E, lintek! Ke rami-rami kong tinanggihan para lang sa kaniya, ang siste, yayamutin ako’t pagtataksilan pa! E, demonyo siya!” Sahod ulit ng pinakamatandang pasahero.
Hindi napigilan ng marami ang malakas na tawa. Binasag niyon ang mabigat na hangin kanina.
Pati iyong babaeng umiiyak kanina, bahagyang napapangiti na.
Malamang tulad namin, naaaliw na rin siya.
Siguro kahit paano, nalilibang at gumagaan ang mabigat na pakiramdam sa mga pasaherong kani-kaniyang bida sa kani-kanilang kuwento.

“O, no’ng nagkaanak na sa iba, ‘kako, iyon na ‘yon! Tapos na kumbaga. Nambabae na, nagkaanak pa sa iba! ‘Kako, lagyan na namin ng tuldok.”
Ngumiti ito.
Totoong ngiti.
Ngiting umabot hanggang sa mga matang kahit may mga gatla sa gilid, may kakaibang kislap. Bakas ang kakuntentuhan at saya.
“Alam mo, Neng, hindi kawalan ang pakawalan ang lalaking ulo sa ibaba ang pinaiiral. Tama ‘yong sinabi mo kanina, doon na lang siya sa kung sinumang petsay na gusto niya. Mas marami pang puwedeng makapagpasaya sa ating mga babae.” Tinitigan nito ang kausap. “Ikaw ba’y may anak?”
May pag-aatubili ang pagtango ng tinanong.
“Ilan?”
“Isa pa lang po.”
“Aba’y huwag mo na munang dagdagan lalo na kung sa diyablong lalaking kausap mo kanina.”
Nagtawanan ang mga pasahero.
“Judger ka naman, Manang!” nakatawang sabi ng lalaking buskador. Iyong nasubsob. Nagkamot ng ulo nang walang nakitawa sa kaniya.
“Anong judger?” kunot ang noong tanong nito.
“Mapanghusga!” tila iisang taong sagot ng iba pang pasahero.
Nagkibit ito ng balikat.“Kapag niloko ka at pinatawad mo, baka nga pagmamahal iyon. Pero kapag paulit-ulit kang niloloko at paulit-ulit mo ring pinatawad, katangahan na ‘yon!”
Tumahimik ang lahat.
Inabot nitong palad ng babaeng kanina’y umiiyak.
“Neng, pag-uwi mo sa bahay, halikan mo’ng anak mo. Titigan mo. Tanungin mo’ng sarili mo kung ano’ng buhay ang gusto mong kalakihan niya. Iyon bang magkasama ang magulang pero hantaran ang lokohan at sakitan o iyong magkahiwalay pero may nanay siyang matino, malakas at may paninindigan.”
Muling idinampi ng babae sa mga mata niya ang hawak na panyo.
Nagsimula na namang bumagsak ang mga luha.
“Maging matatag ka para sa anak mo. Paghusayin mo’ng sarili mo hindi para sa iba, kundi para sa iyo. Bata ka pa. Mahaba ang lalakbayin mo sa buhay.”
Napapatango kami.
Napag-iisip ng mga sinabi ng ale.
Hindi lang ang babaeng umiiyak na naman ang nakikinig sa kaniya – lahat kami!
Baka iyong babae lang ang umiiyak pero baka hindi lang siya ang niloko o niloloko. Puwede ring may isa o ilan sa aming mga pasahero ang nananakit at nanloloko o nanakit at nanloko. Alinman sa mga iyon, nakikinig kami. Natututo kami.
“Manalig ka. Malalampasan mo ito. Manalangin para sa lakas at linaw ng isip. Parati mong titingnan ang anak mo at ang kapakanan mo. Hindi lang anak. Tingnan at intindihin mo rin ang sarili mo.”
Pagtanaw ko sa bintana ng sasakyan, nakita kong malapit na pala akong bumaba.
Nanghihinayang ako dahil mukhang marami pang sasabihin at ikukuwento iyong ale.
Gusto ko pa sanang makinig pero narating ko na ang destinasyon ko.
“Ma, para po!” sapat lang ang lakas ng boses ko para di ko magambala ang usapan nila.
Nakayuko akong dumaan sa gitna nila bilang pagpapasintabi.
Tinapunan ko ng ngiti ang mga pasaherong nadaanan ko.
Hinuli ko ang mata ng babaeng umiiyak.
Tinapik ko nang magaan ang palad niyang magkasalikop ngayon sa kaniyang kandungan.
Nakababa na ako’t naglalakad sa eskinitang patungo sa bahay namin pero iyong babae pa rin ang nasa isip ko.
Dama ko ang pagpipigil niya nang malalim na galit.
Dama ko rin ang takot sa sinabi niyang huwag ituloy ng lalaki ang pagtatangkang umuwi dahil wala naman na itong uuwian.
Dama ko ang pait ng mga luhang nag-unahan mula sa mga mata niyang pinamaga na ng lungkot, galit at marahil panghihinayang.
Dama kong hindi pa tapos ang kanilang usapan.
Dama kong mahaba-haba pa ang kaniyang pagdaraanan.
Dama ko ring pinakinggan niya nang mabuti ang mga sinabi ng ale.
Kung susundin niya ang mga sinabi nito, nasa kaniya iyon.
Ang mahalaga, naramdaman niyang mahalaga siya.
Na may mga taong nagmamalasakit sa kaniya.
Na may nagdaan na sa pinagdaraanan niya ngayon.
Na puwedeng maging masaya sa kabila ng bigat ng pinagdaraanan niya.
Anuman ang maging desisyon niya, sana maisip niya iyong mga sinabi ng ale dahil minsan, mas mainam na mag-isa kaysa may kasamang pasakit at luha lang ang dala.









