Ni JOSE DOMINGO KARASIG
MAHAL ko, ang iyong magandang pangarap,
Kahit dukhang bubong ay sariling pugad;
Yaong hindi parang kaloob na lingap
Kundi tuwang nating lunggati at sikap;
Yaong sa pagod ko’t sikhay ay hinanap
At yaong tinipon ng impok mo’t sinap!
DUKHA ma’y nayari ang sariling bubong,
Sa iyo’t sa ating supling ay kumandong;
Ito’y hindi bigay na parang patapon
Ng mapagkunwari’t punong panginoon;
Ito’y siyang bunga ng pinapagdugtong
Ng pangarap nating kay tagal na noon!
MAGKATUWANG kita nang ito’y balakin,
Magkatulong tayo nang ito’y yariin;
Ngayong mayari na at masabing atin,
Mahal ko’y saka ka naging takipsilim;
Malalasap ko ba ang ligayang hain
Ng pagsisikap ta kung di ka kapiling?
KAYA madalas kong ihanap ng sagot
Ang tanong: Ikaw ba’y may makakaangkop?
Ang tumutugon di’y ang budhi ko’t loob;
Kung walang Bathala’y ikaw na ang Diyos!
Ikaw lang kaypala ang kahit alabok,
Likas na brilyanteng sa singsing ay tampok!






