Ni ILDEFONSO SANTOS
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 28, 1962)
Ang paanan nitong Kurus
Ay sa lupa nakatirik
Upang tayo’y ipanuto
Sa landas ng pananalig;
Ang ulunan nitong Kurus
Ay sa langit nakatitig,
Nagsasaad na ang ating
Kaligtasa’y nasa langit;
Ang paripa nitong wari’y
Nakabukang mga bisig,
Handa namang sumaklolo
At umaliw sa mayhapis!
Kaya, anak, upang laging
Mabatbat ka ng biyaya,
Patnubayin itong Kurus
At kunan mong halimbawa;
Tao ka mang nagkapakpak,
Ang paa mo’y isalupa,
Ibigin ang kapwa tao’t
Kalingain ang mahina;
Kung nais mong paimbulog.
Ang bagwisi’y puso’t diwa,
Paliparin hanggang langit
Sa pagsamba kay Bathala!








