NAGLAGALAG

Ni CONRADO C. FAJARDO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 28, 1951)

Tahimik ka, Magbubukid, sa malayang kabukiran,

Na luntian ang tanawing iba’t ibang mga kulay;

Nabubuhay na salat ka sa marangyang kabuhayan,

Buhay namang masagana sa pang-unang kailangan.

Sa hunihan ng kuliglig at lagaslas ng batisan,

Ang Bathala, kapiling mo at kausap maghapunan.

Datapuwat sa buhay mo na payapa’t walang dusa,

Ay sumapit ang panahong sa puso mo’y bumalisa:

Isang talang taga-lunsod at marilag na diyosa,

Ang nauwr sa bukirin ng wagwag mo’t milagrosa;

Sa malamlam niyang titig ay malinaw na nabasa,

Na ang oong mithiin mo’y kumakaway na pag-asa.

Sa simvuyo ng damdamin ay lubos kang napaanod,

At sa ilog ng suyuan ay gumitnang walang gaod;

Sa bukiri’y tinalikdan ang araro’t saka suyod,

Sa Maynila ang diyosa ay sinundang di-napagod;

Ang ina mo ay lumuha nang ayaw kang pahinuhod,

At tumangis ang kasuyo noong ikaw’y tumalikod.

Pinakpak mo ang salapi na naipong buong sikap,

Binaon mo ang makulay at matimyas na pangarap:

Nagpugad ka sa kariktang nabibili’t nahahanap

Sa panggabing paraisong sa Maynila ay laganap:

Tinutungga ang ligayang lumalasing sa hinagap,

Na sa iyong paniwald y hindi na nga mag-uulap.

Sa bago mong kabuhayang nilalandas na matulin,

Lubusan mong nalimot na ang katipang masuyuin;

Sa diwatang Manilenya ay nabuhos ang damdamin,

Magiliw mong sinusunod, bawat bagay na ibigin.

Sa siyudad nitong pinong bakasyunang matulain,

Kayo’y ibong umimbulog sa bughawing papawirin.

Naabot mo at nakuha ang maaya’t bagong langit,

Nadama mong buumbuo ang ligayang walang punit;

Sa tugatog ng tagumpay noong ikaw’y makasapit,

Humalakhak ang diwa mo sa matamis na pag-awit;

At sa tuwa ng puso mo’y pasigaw pang isinulit:

Ang daigdig sa palad ko ay turumpong umiikit!