Ni MARTINA D. CRUZ
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 22, 1950)
HINDI pa man halos nakatatalikod ang tagahatid sulat ay dali-dali nang binuksan ni Estela ang liham na tinanggap. Kilala niya ang sulat-kamay na iyon, malalaki at pahilig ang mga titik. Habang tinutunghayan niya ang unang bahagi ng liham ay may ngiting namimilaylay sa kanyang mga labi, ngunit nang basahin niya ang huling talata ay napabuntung-hininga siya nang malalim.
Ang nadarama ni Estela ay hindi niya maaaring sarilinin, naging ugali na niya ang pagtatapat sa kanyang pinsan na sapul sa pagkabata ay lumaki na sa kanilang tahanan. Parang tunay na magkapatid ang kanilang pagsasama at pagsusunuran. Madali siyang pumasok sa silid at tinawag ang pinsan.
“Aning! Sandali lang, daliin mo!”
Nang pumasok si Aning ay nakasandig si Estela sa katre.
“Ano ang balita?” ang tanong ni Aning.
“Eto na naman ang sulat niya.”
“Kay Nestor ba?”
“Oo, eto basahin mo,” at iniabot ang liham sa pinsan.
Sandaling binasa ni Aning ang sulat.
“Sagutin mo na, ikalawa nga naman ito ay hindi mo pa tinutugon.”
“Aywan ko nga. Kung talagang tapat ang kanyang layunin ay kailangang magsadya siya rito.”
“Ikaw, Estela, ang hindi ko maunawaan. Ayaw kang sasagot sa liham ng mga nanliligaw sa iyo, paano kung hindi sila makapagsalita sa harap mo.”
“Lahat ay nagagawa ng tunay na pag-ibig.”
“Kung dumalaw sa iyo si Nestor, magkaroon kaya ng pag-asa?” pagturol ni Aning sa kalooban ng pinsan.
“Aywan ko lang.”
“Humm… sa palagay ko’y iba na ang himig ng pangungusap natin ngayon,” ang biro ni Aning. Nangiti na lamang si Estela at iniba ang salitaan sapagkat hindi niya ibig na lumawig pa ang pagbibiro ni Aning.
Ipinagwalang-bahala ni Estela ang mga liham ni Nestor at siya’y naghintay sa pagdalaw ng binata. Pinanabikan niya ang pagdating ng kulay-rosas na sobre na may malaki at pahilig na titik ngunit ang malimit sumakanyang palad ay mga sipi ng mga babasahing hindi naman mabakas ang nagpapadala sapagkat sulat-makinilya ang pangalan at tirahan sa ibabaw ng sipi.
Ilang buwan ang lumipas. Sa panahong yaon ay patuloy ang pagtanggap ni Estela ng babasahin. Sa maraming namimintuho sa kanya ay nililimi niya kung sino ang maaaring magpadala ng mga iyon. Isang tao lamang ang napagpapakuan ng kanyang hinala, si Nestor lamang, sapagkat noong araw na hindi pa sumusulat sa kanya ang binata ay nagkaniig sila sa isang sayawan at nasabi nito na mahilig din siya babasahing katulad niyon. Matagal nang hindi sumusulat si Nestor kaya ang hinalang yaon ay lumalabo sa dakong huli ng kanyang paghahaka.
Isang araw, pagkapananghali ay namamahinga si Estela. Napadako ang kanyang paningin sa mga babasahing nakapatong sa mesitang nasa kanyang silid. Sino kayang may mapag-alalang kalooban ang pagpapadala ng mga iyon?
Isa-isang gumuhit sa diwa niya ang mga larawang hindi malirip kung bakit siyang umaangkin sa kanyang panahimik. Yaon ay tila mga larawan ng magagandang tagpo sa mga nobelang sinulat ng dalubhasang mangangatha: katauhan ng may pang-unawang nagmamahal, isang tahanang pugad ng aliw, matitinis at mumunting tinig na di magkamayaw sa pagsalubong sa isang mapagmahal na ama. Nguni… sino ang magbibigay-buhay sa mga tagpong yaon? Siya, siya nga datapuwat wala sa pag-iisa ang kaganapan niyon. Sino pa ang kailangan? Si Noli kaya? Ayaw niya sa lalaking iyon, napakayaman at palikero pa, baka lamang siya paluhain. Si Alfonso ba? Abogado nga ngunit mayabang naman, ayaw din niya. Marami pang iba, subalit iisang larawan ang nangingibabaw, ang kay Nestor: magalang, maalalahanin, matipunong pangangatawan at mga matang nangungusap, at nangangako ng kaligayahan. Ang huling larawan ay nagkaraoon ng bahid-ulap sapagkat iba ang paraan ng pangingibig nito, bagay na hindi sinasang-ayunan ni Estela.
Inabot ni Estela ang isang aklat sa ulunan ng katre. May liham na nakaipit doon. Muli niyang tinunghayan. Anang isang bahagi:
“Hindi ako magiging tapat sa iyo kung ililihim ko ang nagdaang pag-ibig sa aking buhay. Ito’y hindi ko ikinakaila, at marahil ay tatanggapin mo rin na ikaw man ay umibig na rin noong una. Ang mga iyon ay inangkin na ng ating kahapon. Limutin natin ang nakaraan, muli tayong magsimula at magpanibagong tatag ng mga pangarap. Harapin nating mahinusay ang mga pangyayari upang mabuhay tayong maligaya sa daigdig na ito.
“Inaasahan kong hindi ka mag-aatubiling sumagot sa pangalawang liham na ito sapagkat ang madaling pagtugon ng dalaga sa liham ng pag-ibig ay hindi ko dagling pinakakahuluganan ng pagtatangi, bagkus isang matalinong pagpapasiya ng isang babaing malawak ang pinagkukunan. Ang nais ko lamang ay tapatin mo ako, sa gayon ay lubusan tayong magkatulong sa paghahanda ng isang matatag na bukas.
“Tapatin daw,” ang bulong niya sa sarili. “Kung talagang tapat ka ay ikaw ang magsalita sa akin.”
Nagulantang pa si Estela nang mapansin ni Aning sa pinto ng silid.
“Ano ba ang ginagawa mo at dalawang tawag ko na ay hindi mo pa ako narinig?”
“Wala, bakit?”
“Eto, may paanyaya si Delfin, kaya humanda ka at ikaw ang magpapaalam sa Tiya Lucia.”
“Saan ba gagawin?”
“Sa Selecta Pavilion.”
“Hindi ka ba makasasamang mag-isa sa boyfriend mo, mabait naman siya, a…”
“Mabait nga ngunit mabuti na ang walang masasabi ang tao. Ano, oo na ba?”
“Aba, huwag hindi ikaw.”
“Sa ibang araw ay matulungan din kita,” ani Aning at sabay na silang lumabas upang tapusin ang damit na tatabasin.
Ang araw ng Linggo ay dumating. Dumalo si Estela at si Aning sa sayawang ipinag-anyaya ng kasintahan nitong huli. Apat silang magkakaharap sa isang mesa, ang isa ay ang pinsan ni Delfin na siya namang palaging kapareha ni Estela kung kasama nila si Aning.
Katatapos lamang ng isang tugtog nang may lumapit na lalaki kay Estela upang makipagsayaw. Hinudyatan pa ng dalaga ang kasama bago pinagbigyan ang lalaki.
Nagtindig siya’t nagmamadaling humarap sa salamin. Tila sasabog ang kanyang dibdib. At ang kanyang mga pisngi’y mapupulang-mapupula. Ngunit nang pumanhik ang binata’y panatag na panatag mandin ang anyo ng kanyang mukha.
Nasa kalahatian na ang malambing na tugtuging “Dahil sa Iyo” nang magsalita ang lalaki.
“Hindi mo sinagot ang sulat ko, Estela,” sumbat ng lalaki.
Hindi umimik ang dalaga.
“Bakit nga ba hindi mo ako sinagot?” muling usisa ng kasayaw.
“Mahaba ang itutugon ko, e,” ani Estelang tila lito ang diwa.
“Hindi ba matatapos kung sabihin mo sa akin ngayon?”
“Hindi,” mahikli niyang tugon.
Natapos ang tugtog at inihatid ni Nestor ang dalaga sa upuan. Ngunit hindi na siya muling lumapit kay Estela hanggang matapos ang sayawan.
Nang paalis na sila sa sayawan ay saglit na nagkatama ang kanilang mga sulyap ng binata. May mapanlaw ngiti sa mga labi ni Nestor. Hindi ngumiti si Estela.
Habang daan ay walang imik ang dalaga at si Aning ang unang nagsalita nang sila’y maihatid na ng dalawang kasama.
“Hindi ka yata nasiyahan sa sayawan, Estela?”
“Nasiyahan naman…”
“Nakita ko yatang kasayaw mo si Nestor…”
“Oo…”
Tinitigan ni Aning ang dalaga. “Wala bang sinabi sa iyo?”
“Wala…”
“Ow… Diyata’t wala?”
“Wala nga!”
Hinawakan ni Aning sa dalawang balikat ang dalaga. “Estela, tapatin mo ako. Umiibig ka kay Nestor, hindi ba?”
“Hindi!”
“Talagang hindi?”
“Hindi nga!” At nagbuntung-hininga pa ang dalaga bago idinugtong, “nasabi ko lamang na mahaba ang sasabihin ko upang doon kami mag-usap sa sayawan ay hindi na lumapit uli sa akin. Napakamaramdamin naman!”
Napatawa si Aning at tinapik-tapik ang mga pisngi ng pinsan.
“Nakita mo na, Estela! Umiibig ka nga kay Nestor!”
“Hindi, a! Bakit ako iibig sa lalaking iyon!”
“Maano namang huwag mo akong paglakuan, Estela!”
“Hindi, sabi, e! Sino ba ang may katawan, ako o ikaw?”
“Sino ba ang nakamamalas sa mukha mo, Estela? Ako o ikaw?”
Biglang napasubsob ang dalaga sa balikat ni Aning. Ilang sandaling ang marahang paghikbi ng dalaga ang tanging naririnig sa silid.
“Oo, Aning. Iniibig ko siya. Ngunit ako’y hindi maaaring makipagyari sa isang sayawan lamang o sa pamamagitan lamang ng liham. May tahanan ako. Bakit hindi siya parito? Bakit hindi siya makiharap sa akin? May ikinatatakot ba siya? Kung siya’y tapat, Aning, kung siya’y tapat…”
Kinabukasan, nang ihatid ng batang tagapaglako ang kanilang bagong Liwayway ay nakita ni Estela na may sobreng iniabot si Aning sa bata.
“Ipakihulog mo iyan sa buson sa munisipyo, ha?” wika pa ni Aning.
“Ano yaong sulat na ipinakihulog mo sa bata, Aning?” tanong niya sa pinsan nang ipanhik na niyon ang bagong Liwayway.
“Ipinadala ko lamang sa kandidata natin sa Liwayway ang ilang balotang natitipon ko,” walang kagatul-gatol na tugon ni Aning.
“Hindi mo pa isinama ang bagong balota ngayon.”
“Naidikit ko agad ang sobre, e…”
Isang linggong singkad ang nakalipas buhat nang sila’y makipagsayawan. Unti-unti nang napapawi sa puso ni Estela ang hinanakiit sa talisuyong agad nang nagdamdam mandin sa kanyang sinabi. Ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso’y alam niyang hindi niya malilimutan ang mga sandaling yaon sa bulwagan ng sayawan nang siya’y naghihintay sa paglapit na muli ng binata. At kung lumapit, hindi kaya siya napilitan na ring sumagot?
Nasa gayon siyang malungkot na pagmumuni-muni nang lumapit si Aning.
“Estela, narine siya sa ibaba…”
“Sino?” tanong niyang sumikdo agad ang puso at nahuhulaan na ang itutugon ni Aning.
“Sino pa. Siya! Papahikin ko ba?”
“Ikaw, e. Kung ibig mo’y papanhikin mo…”
Pigil ang tawang isinukli ni Aning. “Luka nga naman ito. Hele-hele bago’y kiyere… Papanhikin ko na?”
Nagtindig siya’t nagmamadaling humarap sa salamin. Tila sasabog ang kanyang dibdib. At ang kanyang mga pisngi’y mapupulang-mapupula. Ngunit nang pumanhik ang binata’y panatag na panatag mandin ang anyo ng kanyang mukha.
“Kumusta, Estela?” marahang bati ni Nestor.
“Mabuti naman,” wika niya. At saka, “salamat naman at napasyal ka.”
Sinindihan ng binata ang kanyang hawak na sigarilyo.
“Ako’y naparito upang maghain ng isang hiling… isang huling hiling, Estela,” wika ni Nestor.
“Huling hiling?” wika niyang pinilit na ngumiti. “Mamamatay ka na ba, Nestor, at huling hiling ang sinasabi mo?”
“Halos gayon din, Estela. Alam mo’y mag-aasawa na ako.”
Pilit din siyang nakangiti. At sa kanyang sarili’y sinasabi niya: Hindi ako dapat magpahalata… hindi ako dapat magpahalata…
“Mag-aasawa ka na pala. At sino naman ang mapalad na dalagang yaon, Nestor?
“Ewan ko kung kilala mo siya. Taga-Ermita, e…”
Tinitigan siya ng binata. “Kaya nga ako’y naparito. Ibig ko sanang isama kayong dalawa ni Aning sa isang pagliliwaliw sa Maynila bago tayo patuluyang magkalayu-layo. Sinabi ko na kay Aning sa lupa, e. Payag naman siya…
“Kailan ang pagliliwaliw na iyan, Nestor?”
“Ngayon na sana kung makakasama na kayo ni Aning…”
Nagtindig si Estela. “Diyan ka muna, Nestor, at mag-uusap kami ng aking pinsan.”
Sa lupa ay saka pa lamang pinabayaan ng dalaga na umagos ang luhang pinakapigil-pigil niya sa harap ni Nestor.
“Mag-aasawa na raw siya’t inaanyayahan tayong magliwaliw…”
“Maano iyon, Estela. Tumango na nga ako, e. Ano, sumama tayo?”
“Kung ibig mo, e. Para ko na lamang pamamaalam sa aking naglahong pag-ibig, Aning… Ngayon na raw, e. Pumayag kaya ang tiyang?”
“Pumanhik ka na’t ako ang magpapaalam, Estela. Ngayon na rin…”
Parang lumilipad ang kotse ng binata. At wala silang imikan. Hanggang sa sumapit sila sa Manila Hotel ay halos ang binata lamang ang paminsan-minsang nagsasalita ng mga bagay na walang anuman.
Nanood sila ng sine pagkapananghali ngunit si Aning lamang at si Nestor ang palaging nag-uusap ng mga walang anumang bagay. Nang lumabas sila’y saka lamang siya kinausap nang tuwiran ni Nestor.
“Pagkaraan ng ating merienda ay ibig ko sanang sumama kayo ni Aning sa akin sa Sta. Mesa, Estela, maaari ba?”
“Bakit? Saan tayo tutungo roon?”
“Ibig ko lamang na makita ninyong dalawa ni Aning ang tahanang papanhikan namin ng magiging maybahay ko pagkatapos ng aming kasal…”
Ngayon ay kinailangan ng dalaga ang lahat ng nalalabing lakas ng kanyang damdamin upang mapigilan ang paghuhumiyaw ng kanyang puso. Gayon man ay tila payapa pa rin ang loob niya nang siya’y tumugon.
“Siyanga ba? Mainam at makikita namin ang maging pugad ninyo ngg pagmamahalan.”
Naroon nga ang tahanan. Yaring-yari na. May pinta na. At nang pumanhik sila sa itaas ay nakahana na ang mga pugong ginagamitan ng dagitab, ang repirihidora, ang makabagong mga kasangkapan. At may isang utusang lalaki na roong nagsisilbing bantay habang wala pa ang mga panginoon.
“Ipinatayo ko ito noong may apat na buwang nakalilipas na ngayon. Kaya ako mapilit sa iyo ng pagtatanong noong tayo’y nasa sayawan, Estela,” wikang tila nanunumbat ni Nestor. “Noon pa sana’y ibig kong makita mo na ang tahanang ito…”
Nag-uulik-ulik ang paningin ng dalaga. Alam niyang sagad na sagad na ang kanyang lakas sa pagpipigil ng hirap ng loob. Kay-saklap na parusa! At marapat naman sa kanya… marapat naman…
“Narito pa ang hindi ninyo nakikita,” wika ng binata.
At binuksan ni Nestor ang pintuan ng silid-tulugan.
Kay-gandang tulugan niyon! At ayus na ayos nang tila sa gabing yaon ay lilipatan na ng magkasuyong magsasama hanggang kamatayan. Ngunit ang mga paa ni Estela’y biglang napatda sa sahig nang makita niya ang takip ng maluwang na kama. Dalawang pangalan ang nakaburda sa takip na yaon. Ang isa’y Nestor at ang isa’y Estela.
Pinigilan niya ang kanyang nangangatal na tinig sa huling mga katagang kailangan niyang pamulasin sa kanyang mamad na mga labi.
“E… Es… Estela rin pala ang pangalan ng makakaisang-dibdib mo!”
Biglang nagsaliw ang malakas na tawanan nina Aning at Nestor. At para kay Estela’y biglang tumagilid ang lupa at siya’y nabulid sa isang banging malalim na malalim.
Nang siya’y magising ay nakahiga siya sa kamang yaon at sina Aning at Nestor ay kapuwa buong pag-aalaalang nasa tabi niya.
“Ay, salamat at natauhan na!” bulalas ni Aning.
“Estela, mahal kong Estela, mapatatawad mo pa kaya ako?” dalangin ni Nestor.
“Kundangan ay kanina pa hirap na hirap iyan sa pagpipigil ng sama ng loob, e…” wika ni Aning.
“Ano ang nangyari sa akin?” mahina ang tinig na naitanong ni Estela.
“Hinimatay ka, irog… Mapatatawad mo pa kaya ako, Estela? Nang isulat sa akin ni Aning na talagang mahal mo ako’y sinapakat ko sa pagkukunwaring ito… o kung hindi ka na natauhan ay nagpakamatay ako, marahil. Pinatatawad mo ba ako, Estela.”
Nangingiting nagbangon si Estela na inaalalayan ng dalawa.
“Diyata’t… diyata’t ako ang mapalad na dalagang iyon, Nestor?”
“Ewan ko, irog, kung mapalad ka!” wika ng binata. “Ang nalalaman ko’y ako ang tunay na pinakamapalad na lalaki sa buong mundo sa pagpanhik natin dito pagkatapos ng kasal sa Linggo.”
“Mapalad din ako, Nestor. Walang alinlangan yaon!” wika ni Estela.
Nanungaw si Aning at pinakapilit na isa-isahin ang mga sasakyang nakikita niyang nagdaraan sa malayong lansangan.
“Salamat, Aning!” wika ni Nestor nang siya’y humarap na uli.








