Ni SEVERINO REYES
(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 16, 1962)
SA Malabon, sa San Bartolome, noong unang panahon, ay may isang balo na kilala sa pangalang Tanfang Abe. Mayroon siyang kaunting kabuhayan. May palaisdaan. Dalawang lalaki ang kanyang anak: si Liloy, ang panganay, at si Martin na kilala sa palayaw na Ting.
Ang dalawang magkapatid ay may magkaibang ugali: Si Liloy, na nag-asawa agad, ay napakabait at napakasipag, si Ting ay napakatamad, ngunit napakatapang. Si Ting ay nagkaroon ng kasintahan sa Nabotas, na kung gabi ay dinadalaw niya. Tinatawid niya ang malapad na ilog sa pamamagitan ng langoy at hindi siya sinasagilahan ng munti mang takot kahit na napakadilim ng gabi.
Ipinasiya ng mga binatang taga-Nabotas na takutin si Ting. Ang pasimuno sa gayong pananakot ay ang binatang karibal ni Ting sa pagligaw kay Siyon, ang dalagang kasintahan niya sa Nabotas.
At isang gabi, samantalang tinatawid ni Ting ng langoy ang malawak na ilog, patungo sa Nabotas, ay may natanaw siyang isang kalandas na lulutang-lutang. May nakatirik na apat na kandila sa mga panulukan, at may lulang wari’y bangkay.
“Aba… patay!” ang sabi ni Ting sa sarili. “Ang patay ay dapat na nasa libingan at hindi dito sa ilog.” At tinulinan ang kanyang paglangoy. Pagkalapit sa kalandas ay biglang niyakap iyon at sinakal ang nakahigang anyong bangkay at ipinagwasiwasan. Nagkaroon na ng kutob si Ting na may nananakot lamang sa kanya. At hindi nagkabula ang kanyang kutob. Sapagka’t ang “bangkay” ay nagtalon sa ilog, kasabay ang sigaw:
“Ting, patawarin mo ako.” At nagsabi ng totoo na siya’y kaibigan ng lumiligaw kay Siyon, at ipinagtapat na ginawa nila ang gayon upang matakot si Ting at huwag nang magtungo pa sa Nabotas.”
“Hala,” ani Ting, “sabihin mo sa karibal ko na kung talagang malaki ang pag-ibig niya kay Siyon at siya’y maiibig nito, ay kausapin niya ako. Sa mabuting salitaan ay maaaring ipagparaya ko sa kanya si Siyon. Huwag na niyang daanin pa ako sa pananakot at walang mangyayari sa kanya.”
“Oo, Ting, sasabihin ko.”
Nang makaraan ang tatlong araw, ay nakipag-usap nga kay Ting ang taga-Nabotas sa kanyang kaagaw kay Siyon. Nasumamo ang binata, at nayag naman si Ting na magparaya na.
SI Tandang Abe, na may loob sa Diyos, ay nakipag-usap sa kura sa kanilang bayan.
“Among,” simula ng matanda, “may panata po akong maging kampanero nitong ating simbahan. Hindi po ako tatanggap ng upa, kung papayagan ninyo akong magtrabaho rito.”
“Napakabuti mo, Abe,” nagagalak na wika ni pari. “Siguro, kaya naisipan mong magkampanero’y dahil sa napuna mong madalas na di tinutugtog ng aking mutsatso ang ikawalo, ang tugtog ng animas. Napakamatutulugin ng diyablong bata kaya madalas na makaligtaan ang pagtugtog.
“Siyanga po, among.”
Tinanggap ng pari ang handog na paglilingkod ng matanda, at ipinaliwanag tuloy ang mga oras at paraan ng pagtugtog ng kampana.
Isang araw na dumalaw si Liloy sa ama, ay napag-usapan nila si Ting. Panahon noon ng paglaganap ng malulubhang karamdamang ikinamamatay ng maraming tao at labis na ikinababahala ni Tandang Abe ang pagpupuyat ni Ting halos gabi-gabi. Nag-aalaala siyang humina ang katawan nito at makasagap tuloy ng sakit. Nguni’t ayaw namang makinig ng anak sa kanyang mga pagbibiling umuwi ito nang maaga sa pamamasyal.
“Tatang,” ani Liloy, “ang batang iyan, hangga’t hindi natatakot ay hindi natin masusupil.”
“Wala ba tayong magagawa upang matakot si Ting?” ani Tandang Abe. “Sa taya ko’y matakot lamang ang batang iyan ay bubuti na.”
“Bakit ba wala, Tatang? Bukas na bukas ay tatakutin ko siya. Kapag hindi siya natakot ay sinungaling ako.”
“Hala nga, anak, ikaw na ang bahala.”
“Bukas ay sabihin ninyong huwag muna siyang maggala sa gabi. Magdahilan kayong mabigat ang katawan at siya ang papuntahin ninyo sa simbahan upang siyang tumugtog ng kampana.”
Gayon nga ang nangyari kinabukasan. Si Ting ang tumugtog ng kampana. Nang dumating ang ikawalo ng gabi at tutugtugan na ni Ting ang animas, nakakita siya ng isang kung anong maputi na nakatayo sa tapat ng kampanang malaki.
“Sino ka? Ano’ng ginagaw mo riyan?” tanong ni Ting. Nang walang marinig na sagot ay sinunggaban ni Ting ang bagay na maputi at inihagis sa hagdanan ng kampanaryo. Matapos tugtugin ang animas ay umuwi na si Ting.
Nang dakong hatinggabi, kumatok sa pintoo ng bahay ni Tandang Abe ng manugang nito na asawa ni Liloy.
“May itatanong lamang ako, Tatang, kay Ting,” anang asawa ni Liloy nang buksan ni Tandang Abe ang pinto.
Ginising ng matanda ang anak.
“Hindi mo ba nakita sa kampanaryo si Liloy?” tanong ng hipag kay Ting.
“Hindi, Ate. Ang nakita ko roon ay isang multo. Inihagis ko sa hagdanan at gumulung-gulong hanggang sa ibaba.”
Pagkarinig ni Tandang Abe sa sagot ni Ting ay tiniyak na niyang si Liloy ang inihulog ni Ting, pagka’t alinsunod sa kanilang salitaan ay tatakutin ni Liloy si Ting upang mabait.
Nagmamadaling nagtungo si Tandang Abe at ang asawa ni Liloy sa kampanaryo. Nasa patyo pa lamang sila ay narinig na ang daing ng isang tao. Nakita nila sa ibaba ng hagdanan si Liloy. Nabalian ito ng tadyang.
Nang makauwi ay kinagalitan ni Tandang Abe si Ting. Nagmatwid si Ting, bagay na lalong ikinagalit ng ama. Nagkasagutan ang mag-ama, at pinalayas ni Tandang Abe ang anak. Gayon man, binigyan din niya ng baong dalawang daan at limampung piso si Ting.
“Buhat ngayon, ibinibilang na kita sa patay!” galit na galit na wika ni Tandang Abe.
SA Maynila nagtungo si Ting. Nagpagala-gala siya sa paghahanap ng trabaho. Sa wakas, napapasok siyang tripulante sa isang bapor.
Dala ng pagkahalaghag, hindi napirmi si Ting sa gawaing iyon. Nang dumaong sa Italya ang bapor ay lumunsad siya at hindi na nagbalik. Nang malaon, napasama siya sa isang pangkat ng mga tulisang Italyano.
Ngunit walang hilig si Ting sa panunulisan. Dumating ang araw na iniwan din niya ang gawaing iyon at sumama siya sa mga manlalakbay na naglalako ng mga kayo. Nakarating siya sa Turkiya.
Isang araw, nakita ni Ting at ng mga kasama na may nakadikit na mga babala sa mga punungkahoy sa tabing daan.
“Ano ang sinasabi sa mga babalang iyan?” ang tanong ni Ting sa kanyang mga kasama.
Itinalikod ni Ting ang bangkay at idinikit dito ang kanyang likod. Hindi nagluwat at naramdaman ni Ting na kumikilos ang patay. Ngunit nang pagmasdan niya ito ay nag-iba na ang mukha. Sinugod siya nito. Binunot ni Ting ang kanyang gulok at pinagtataga ang patay na nabuhay. Nang muling mamatay iyon ay isinilid sa ataul at inihagis sa bintana.
“Iya’y babala ng mahal na hari,” ang sagot ng isa. “Ang hari dito’y nangangailangan ng lalaking walang takot. Bibigyan daw ng kayamanan at ipakakasal pa sa kanyang magandang anak.”
“Natatanaw mo ang kastilyong iyon,” anang isa kay Ting. “Ang nagpiprisintang matapang na lalaki ay ginagawang tanod doon ng hari. Ang kastilyong iyon, na minana ng hari sa kanyang mga ninuno, ay engkantado umano. Sari-saring multo ang lumalabas doon kaya ang matatapang na magbantay ay nangamamatay sa takot.
Hindi pinakinggan ni Ting ang payo ng mga kasama. Nagtungo siya sa palasyo ng hari. Malugod naman siyang tinanggap nang mabatid ng hari ang kanyang pakay.
“Ngayong gabi ay magsisimula ka na ng pagtulog sa kastilyo. Bukas ng umaga’y kukunin kita at nang tayo’y makapag-agahang magkasalo.”
Nang gumabi na, si Ting ay kasama ng hari at ni Prinsesa Florinda sa porlon. Inihatid siya ng mag-ama hanggang sa pintuan ng kastilyo.
HUMANGA si Ting sa mga palamuti ng kastilyo. Hindi pa nalalaunan sa pagkakahiga si Ting ay may lumagpak na dalawang pusang itim. Nagbabaga ang malalaking mata ng pusa. Hindi iyon pinansin ni Ting.
Nang makatulog si Ting ay kinamot siya ng mga pusa sa mukha. Nagalit si Ting. Binunot niya ang gulok na kanyang dala-dala sapul pa nang siya’y umalis si Pilipinas at pinutlan ng ulo ang mga pusa. Walang anu-ano’y nagsilabas ang di mabilang na mga pusang itim. Walang patumanggang taga rito’t taga roon ang ginawa ni Ting.
“Pinagod din ako ng mga hayup!” At sa kapagura’y napahiga na sa katre si Ting at nakatulog.
Hindi pa natatagalang nahihimbing si Ting ay nagising siya. Naramdaman niyang lumalakad ang kanyang katre.
“Aba, kay-inam nito.” At muling natulog si Ting.
Nang dumating ang hari kinabukasan, at kaunin si Ting ay nakita itong natulog pa. Ngunit ang kamay ay nasa hagdanan ng kastilyo.
“Ano’t narito ka sa ibaba?” tanong ng hari. “Natakot ka ba sa itaas?”
Ipinagtapat ni Ting ang nangyari kagabi.
Nang makarating sa palasyo, pagkapag-agahan, si Ting ay binigyan ni Prinsesa Florinda ng bagong bihisan, pagka’t ang kanyang suot ay gulanit na.
Kinagabihan, muling inihatid ng mag-ama sa kastilyo si Ting.
Walang anu-ano’y nakarinig siya ng malakas na tunog ng kampana. Sinundan iyon ng pagbagsak sa kanyang harapan ng dalawang katawan ng babae na putol sa baywang at walang paa. Pagkatapos ay dalawang pares na paa ang bumagsak pa at nadugtong sa mga katawan. Nagsayaw ang dalawang babaing hubad. Pagkatapos ay nagtakbuhan at nawala.
Tumugtog na muli ang kampana. Apat na malalaking lalaki ang nagsilabas buhat sa isang silid. May buhat silang kabaong. Matapos ilapag iyon sa harap ni Ting ay nagsialis na ang apat na lalaki.
Nagtindig si Ting at pinagmasdan ang mukha ng bangkay. “Naku, ang aking pinsang si Bosyong!” bulalas ni Ting nang makilala ang bangkay sa loob ng kabaong.
Binuhat ni Ting ang bangkay at dinala sa kanyang katre.
“Dito tayo at baka kung mag-init ang katawan mo’y mabuhay ka.”
Itinalikod ni Ting ang bangkay at idinikit dito ang kanyang likod. Hindi nagluwat at naramdaman ni Ting na kumikilos ang patay. Ngunit nang pagmasdan niya ito ay nag-iba na ang mukha. Sinugod siya nito. Binunot ni Ting ang kanyang gulok at pinagtataga ang patay na nabuhay. Nang muling mamatay iyon ay isinilid sa ataul at inihagis sa bintana.
IKATLONG gabi ni Ting sa kastilyo. Tahimik siyang natutulog nang pukawin ng isang higante.
“Sino ka?” tanong ni Ting.
“Ako ang nagmamay-ari nitong kastilyo.”
“Siyanga ba? Ang alam ko’y ari ito ng mga ninuno ng mahal na hari.”
“Oo nga, ngunit sa akin itinagubilin. Ikaw ba’y hindi natatakot sa akin?”
Nagtawa si Ting. “Bakit ako matatakot sa iyo?”
“Pagka’t matapang ka,” wika ng higante, “tayo’y magkaibigan. Ting, may ilang daang taon nang humahanap ako ng mapagsasalinan ng pagkamay-ari ng kastilyong ito ay wala akong makita. Ikaw ang dapat magmay-ari ng mga kayamanan sa kastilyong ito. Sumama ka sa akin.”
Nanaog ang dalawa wsa hagdanan. Pumasok sila sa isang lunggang pagkadilim-dilim. Nang makailang hakbang sa loob ng lungga, sumapit sila sa isang bahaging maliwanag. Pagdaka’y binuksan ng higante ang malalaking kabang bakal na naroon at kinalikaw ang mga laman. Nagkalansingan ang mga salaping ginto.
“May isang daang kabang ganito ang iniingatan ko.”
Nandilat ang mga mata ni Ting.
“Halika rito.” At inakay ng higante si Ting, at nang malapit sa isang malaking kabang bakal ay binuksan iyon.”
“Naku!” ani Ting. “Malalaking perlas at brilyante! Katakut-takot na kayamanan ito.”
“Lahat ng kayamanang ito ay iiwan ko sa iyo,” wika ng higante. “Subali’t tutuparin mo ang aking tagubilin. Hahatiin mo sa tatlong bahagi ang kayamanan. Ang isa’y para sa iyo, ang isa’y para sa mga pulubi, at ang isa pa’y ibibigay mo sa hari pagka’t siya ang nalabing kamag-anak ng tunay na may-ari na dapat magmana.”
NANG dumating sa kastilyo ang mag-ama kinaumagahan ay sinalubong ni Ting.
“Ako po’y nagmamay-ari na ngayon ng malaking kayamanan.”
Isinama ni Ting ang mag-ama sa lungga at ipinakita ang kayamanan. Sinabi rin niya ang tagubilin ng higante.
“Hindi, Ting,” anang hari, “hindi na ako babahagi sa kayamanang iyan. Ang babawasin lamang diyan ay isang bahagi na ililimos sa mga pulubi, at ang matitira’y para sa inyo ni Florinda. Sa loob ng madaling panahon ay ipakakasal ko kayo.”
Tinupad ng hari ang pangako, bagay na ikinaligaya ng prinsesa sapagka’t umiibi na rin siya kay Ting.








