Ni DANNY C. RAMOS
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 6, 1981)
Mararating ko ba
Ng dapok kong pakpak ang dakilang layon?
Kung sala-salabid
Ang baging nakapit sa puno ay lason…
Ngayo’y narito ka
Ako’y hinahamon abutin ang tanong
Sa huling punyagi
Di pa rin matanaw ang hanap kong tugon!
Sa pakikihamok
Ng nanlalaban pang sugatang pag-asal
At parating bilad
Sa ulan at init ng mga pahinga
Ibalik mo ako
Sa harap ng nagbabagong paniwala!
Ng aking makamit ang kinadamahan ng buhay na lantay!








