Ni Hezekiah Louie R. Zaraspe
Lagi’t lagi kong
pinasisisid ang aking tula
sa dagat ng buhay at pag-ibig.
Doon nangangarap ako’t umaasang
may matatagpuang
brilyanteng danas.
Bagama’t kakatwa ang hugis
at tila magaan,
hindi maililihim nito
ang halagang natatangi.
Tungkulin kong tanggapin
at iahong magaling,
at sa mambabasa’y ihahatid.
Kanyang matutuklasan
at susuotin
ang danas
na diamanteng singsing
na hiram at pamana ng tula
sa daliri ng pusong
handang galugarin
ang lalim at lawak
ng dagat ng buhay at pag-ibig.