Nadaanan niya ang balon na sa sobrang tanda ay binalot na ng lumot. Sinilip iyon ni Ralph at hindi na nasorpresa.

Ni Jhusua Celeste

“KELAN `to ginawa?” tukoy ni Ralph sa bagong tayong Subic Town Central Terminal doon sa bayan.

Last year lang,” sagot ng kuya niyang si Sonny. Katatapos lamang nilang manigarilyo, kapwa tagaktak ang pawis sa mukha, leeg, at mga braso. Kalagitnaan iyon ng Marso at ang araw sa tanghaling-tapat ay isang nanggagalaiting Diyos. “Ano, tara?”

Sa loob ng tricycle, habang umiihip ang mainit na hangin, nililibang ni Ralph ang sarili sa pamilyar na mga tanawin. Mga establisimyento at kabahayan sa gilid ng kalsadang sinasalo ang gintong liwanag ng araw. Langit na kakulay ng tubig-dagat sa Caribbean. Puting mga ulap. Kabundukan sa hilaga, silangan, at kanluran na mapanlinlang ang taas at distansiya. Sandaling pumikit si Ralph. Dinama, sa kanyang pagbabalik, ang personal na pagyakap ng probinsiya.

Sa tapat ng balkonahe, kung saan namumukadkad ang mga kampanilya, pumarada ang kuya niyang si Sonny. Sa gawing iyon, animong lasing na lumipad palayo ang isang matabang bubuyog. Pagbaba ng tricycle, gumuhit ang malaking ngiti sa mukha ni Ralph. Doon sa kanilang bakurang hindi tinutubuan ng damo, naglipana ang mga hinog na mangga. Tuwing bakasyon, noong mga bata sila, maaga silang nagigising ni Sonny upang pulutin ang nahulog na mga mangga noong gabi at madaling araw. Ilalako nilang dalawa ang mga iyon sa buong San Clemente at ang kung ano mang kikitain nila ay ipambibili nila ng meryenda.

Sa sala, naghihintay ang kanilang mga magulang. Naroon din ang buntis na nobya ni Sonny na si Raquel. Nagmano si Ralph sa kanyang ama at ina saka nginitian ang nobya ng kanyang kuya. Makaraang itabi ang dalang mga gamit, kinumusta ng kanyang inang si Magda ang naging biyahe niya. “Okey naman, `Nay,” sabi ni Ralph. Inumpisahan nila ang salu-salo. Adobong pusit, ginataang yellowfin tuna, at nilagang talbos ng kamote ang handang mga ulam sa hapag-kainan. Suman latik ang kanilang panghimagas na si Raquel ang gumawa. Nang matapos silang kumain, nagpaalam sina Sonny at Raquel na mauuna na. Simula nang mabuntis si Raquel, doon na nanunuluyan si Sonny sa bahay ng nobya––sa katabing barangay ng Mangan-Vaca. Gusto pa sanang makasama ni Ralph nang matagal si Sonny subalit hindi na siya umapela.

Matatanda na sila.

May sari-sarili na silang buhay, naisip niya.

PUMASOK si Ralph sa dating kuwarto nilang magkapatid upang magpahinga. Isinara niya ang pinto, binuksan ang ceiling fan, saka ibinagsak sa maluwang at malambot na kama ang pagod na katawan. Bagong palit ang bedsheet, ang mga punda, sigurado siya, sapagkat sa loob ng kuwarto, naghahari ang halimuyak ng lavender, ang kinalakihan niyang nakakakalmang amoy ng partikular na brand ng fabric softener na paboritong bilhin ng kanyang ina maski noon pa. Itinuon ni Ralph sandali ang inaantok na paningin sa bintana. Bukas ito––at doon, malayang pumapasok ang hangin na pinasasayaw ang dilaw na kurtina.

Bago tuluyang mahimbing, hindi mawari ni Ralph sa sarili kung bakit sa dinami-dami ng mga alaala noong bata siya, biglang nagbalik sa kanya ang isang mabagyong gabi noong nawalan ng kuryente ang buong San Clemente.

Katatapos lamang nilang maghapunan, at sa halip na matulog, nagtipon muna silang mag-anak sa sala. Pilit na inaaninag ng kuya niyang si Sonny ang binabasa nitong komiks sa tulong ng aandap-andap na gasera. Kapwa may ginagawa rin nang sandaling iyon ang kanyang ama at ina––kung ano man, hindi niya na maalala pa. Samantalang siya, si Ralph, ay lamig na lamig at halos mamatay sa pagkabagot. Kalaunan, binasag ng kanyang amang si Renato ang katahimikan. Inumpisahan nitong magkuwento ng mga kuwentong katatakutan habang humahagupit ang malakas na hangin at dumadagundong ang sunud-sunod na kulog sa labas. Takot na takot man, mas nangingibabaw pa rin ang yamot sa dibdib ni Ralph sapagkat hindi niya mapanood ang sinusubaybayang palabas sa telebisyon.

Napabuntonghininga siya. Dahil nadurog ang puso niya habang ginugunita ang gabing iyon. Gaano niya ninanais ngayon na magkaroon ng pagkakataong muling umiral sa sandaling iyon, sa mabagyo, malamig, at walang kuryenteng gabing iyon, kung saan tila simple ang mga bagay-bagay? Bakit wala tayong kakayahang itiklop ang ating mga sarili, o ang oras, nang sa gayon, ating mapigilan ang mahahalagang sandali sa paglipas?

Nadaanan niya ang balon na sa sobrang tanda ay binalot na ng lumot. Sinilip iyon ni Ralph at hindi na nasorpresa.

ALAS-KUWATRO ng hapon nang magising si Ralph. Lumabas siya ng kuwarto at naabutan ang kanyang inang si Magda na may iniluluto sa kusina.

“Ano `yan, `Nay?” tanong niya.

“Meryenda,” nakangiting sagot nito. “Iyong paborito mo.”

“Bilo-bilo?”

Tumango ang kanyang ina. “Na may langka. Maluluto na ito.”

Busog pa si Ralph, subalit, tila bigla siyang nagutom. Sandali siyang naghilamos, nagpunas ng mukha, saka sabik na pumuwesto sa hapag-kainan. Pinagsandok siya ni Magda at kumain sila. Tulad ng dati, masarap ang ginataang bilo-bilo ng kanyang ina. Sakto ang tamis nito, ang lapot. Hindi nakauumay.

Perpekto na sana ang sandaling iyon, sumagi sa isip niya, kung naroon lamang si Sonny.

At nasaan ang kanyang ama?

Magtatakipsilim nang magtungo siya ng likod-bahay. Matingkad na dilaw, kahel, at pula ang mga nakasaboy na kulay sa kalangitan. May mga paniking paikut-ikot sa magkakatabing puno roon ng saging, bayabas, at eucalyptus. Nadaanan niya ang balon na sa sobrang tanda ay binalot na ng lumot. Sinilip iyon ni Ralph at hindi na nasorpresa. Kahit noon pa, tuwing tag-araw, dumarating talaga sa puntong natutuyo ang balon. Kapag nangyari iyon, doon sila makikiigib ni Sonny sa poso ng kapitbahay. Buti na lamang at may sarili na silang poso ngayon na siya ang nagpagawa. Tuwing tag-ulan naman, halos umapaw ang tubig ng balon. Sa katunayan, isang beses, noong siya lamang ang tao sa kanila, ay muntik na siyang malunod nang bigla siyang kapusin ng hininga habang paahon siya makaraang maisipang sisirin ang balon.

Nagsindi ng sigarilyo si Ralph. Pinagmasdan ang malawak na tuyong bukirin at ang kabundukan sa likuran nito na kapwa nilalamon na ng dilim. Mahal ni Ralph ang lugar na ito, subalit, komplikado rin ang relasyon niya rito. Noong lumalaki siya, wala siyang ibang ninanais kung hindi bumilis ang takbo ng panahon, nang sa gayon, makaalis siya ng Subic at makita ang iba pang mukha ng buhay. Kaya naman, pagtuntong ng tamang edad, agad siyang lumuwas pa-Maynila at nakipagsapalaran doon.

Ngayon, makalipas ang maraming taon, sa unang pagkakataon, bumalik siya ng Subic nang matanto sa sariling hindi siya hinulma para sa maingay at magulong Maynila. At kasabay ng pagbabalik na iyon, inaasahan niyang makakamtan ang mga eksaktong pakiramdam ng kainosentehan, kapayakan, at kapayapaan na naramdaman niya roon dati. Nabigo siya. Dahil bukod sa hindi na maibabalik pa ang mga bagay na lumipas, siya mismo, si Ralph, ay tuluyan na ring binago ng nagdaang panahon. Ang magagawa na lamang niya ngayon ay gunitain ang mga sandaling iyon na minsang naghatid sa kanya ng mga naturang pakiramdam. Wala nang iba.

Nang maubos ang hawak na sigarilyo, muling nagsindi si Ralph. Inubos niya iyon sa isang iglap saka nagdesisyong pumasok sa loob ng bahay.