Ni Juan Al. Asuncion
“MAMA, mama! Nasaan si Papa?”
Narinig niya ang nagmamadaling yabag na pumasok sa kanilang bahay. Sinundan iyon ng boses ni Anne. Hindi malinaw ang rehistro sa kanyang tainga ng sinabi ni Anne sa ina nito dahil sa lagaslasng tubig na ibinuhos niya sa kanyang ulo.
Si Anne ang pangalawa sa apat nilang anak ni Jean. Grade V si Anne at magsasampu pa lamang nitong darating na Setyembre pero mas matangkad na ito kaysa ina na hanggang tainga lang nito sa tangkad na limang talampakan at dalawang pulgada. Pero bata pa ito kung mag-isip at kumilos. Sa mga panahong pagdating niya mula sa trabaho at hihimig siya para magpahinga, tatabi ito sa kanya at maglalambing. Nakikipag-unahan ito kanyang bunsong si Lyndon. Bata itong mag-isip kung ihambing kay Jen na sumunod dito. Si Jen ang bulilit, ito pa ang mas hinog ang isip.
Sabi ng mga kapitbahay nila, mas matalas daw ang isip ni Jen. Kasi, palaging honor pupil ito. Ito ang nagmana sa kanya, sabi nga ng kanyang nanay at mga kapatid. Ngunit hindi siya naniniwalang hindi matalino si Anne dahil mausisa naman ito. Iyon nga lang at mabagal yatang magproseso ang isip kaya nahihirapang umintindi kung minsan. Ang ikinamamangha niya rito, hindi madaling magsawa. Hindi nito tinitigilan ang isang bagay hangga’t hindi malaman ang gustong malaman. At tatlong taon na ngayon na walang gabi na di niya madatnan si Anne na nagbubuklat ng kanyang mga aklat.
Sa totoo lang, ayaw niyang may nagsasabi na may mas magaling o mas matalino sa kanyang mga anak. Mitsa iyan minsan ng away nilang mag-asawa. Dahil ayaw niya ang gawain ni Jean na parang pumapabor ito kay Jen. Hindi naman halata pero parang ito ang dahilan ng pagseselosan ng magkakapatid. Ayaw niya ito. Para sa kanya, dapat pantay-pantay ang trato at pagmamahal sa mga anak.
“Ikaw na ang magsabi. Puntahan mo…” Narinig na naman niya ang boses ng kanyang asawa. Ngayon, mas malinaw na sa kanyang pandinig. Tapos na siyang maligo at nagpupunas na siya ng katawan.
“Baka agunget!” sagot ni Anne sa kanilang salita. Bagama’t nakatira na sila rito sa San Jose del Monte, Bulacan dahil iniwan na nila ang kanilang kubo sa kanilang bayan sa Sarrat, sa Ilocos Norte, magaling pa ring masalita ng Ilokano ang kanyang mga anak.
“Hindi magagalit ‘yon. Basta ipakita mo ‘yan.” Boses na naman ng kanyang asawa.
Napangiti siya. Nagbigayan na siguro ng imbitasyon para sa mga magulang ng mga mag-aaral na gagawaran ng karangalan at atat na atat na si Anne na ipakita ito sa kanya. Recognition Day ng paaralan nina Anne bukas.
Kahapon lang, masayang-masaya si Anne pag-uwi. Tulad ngayon na nauna na namang dumating kaysa mga kapatid nito na sina Jen at Kuya Kenneth. Dalawang taon ang pagitan ng edad ng kanyang mga anak.
“May sasabihin ako, ‘pa!” sumisigaw na si Anne kahapon gayong pinagbubuksan pa lamang ito ng gate ng kanyang asawa. Kararating lang din niya mula sa kanyang trabaho sa Makati. Foreman siya sa isang construction company at dahil malayo ang San Jose del Monte, minsanan lamang siya umuwi kada tatlo-apat na araw.
Pagkapasok niya kahapon sa kanilang bahay, dumiretso si Anne sa kuwarto ng magkakapatid. Nang lumabas, hawak na nito ang lumang album ng kanyang mga larawan. Itinago na niya ang album na iyon. Inilagay sa karton at tinabunan niya ng mga aklat na pinuntahan ng mas malaking bahagi ng kanyang alawans noong nag-aaral siya ng engineering.
Minsang nagbakasyon sila sa Sarrat, ipinakita ng kanyang nanay sa mga anak niya ang album. Grade two na si Anne noon. Kinder naman ni Jen.
“Wow! Andami naman!” Hanggang ngayon, hindi pa rin mawala sa kanyang balintataw ang pagkamangha na bumadha noon sa mukha ni Anne. Nagniningning ang mabibilog na mata nito. “Magkakaroon din sana ako ng medal!”
“May medal na ako, ano, ‘ma?” sabat naman ni Jen noon sabay kalabit sa ina. Nagkaroon kasi ito noong nagtapos ng Nursery.
Wala lang sa kanyang asawa ang pangyayaring iyon. Pero hindi mawala-wala sa kanyang isip ang lungkot na lumarawan noon sa mukha ni Anne.
Nainis siya noon— kung bakit kasi inilabas ng kanyang nanay ang album— lalo na nang ipagpilitan ni Jean at ng mga anak nila na dalhin ang album sa Bulacan. Hindi na nga lamang siya umimik. Baka ito pa ang dahilan ng pag-aaway nilang mag-asawa.
Kahapon, paglabas ni Anne sa kuwarto nila dala-dala ang album, nilapitan siya nito sa porch habang nagpapahinga siya. Binuklat nito ang album saka inilapag sa mesita sa kanyang harapan.
“Saan dito ang Perfect Attendance, ‘pa?” tanong ni Anne sabay turo sa mga medal na nakasabit sa kanyang leeg.
Mga larawan niya noong nagtapos siya ng high school ang mga laman ng album. Marami siyang medalya, mahigit sampu. Mga medalyang para sa kanya, wala namang silbi dahil hindi naman siya nagtapos ng kolehiyo. Maraming dahilan kung bakit. Ngunit tanggap na niya na sadya yatang hindi para sa kanya ang edukasyon.
“Bakit ba?” ganting tanong niya sa kanyang anak. Subalit sa kanyang isip, sinasabi niya: “May award bang ganyan?”
“Perfect Attendance ako!”buong siglang sabi ng kanyang anak.
“At pagkakalooban ka ng medalya?” matamlay niyang sabi.
“Oo, ‘pa!”
Muntikan siyang napakamot sa ulo.
“Ayos, kung gano’n!” nasambit niya. Parang wala lang.
Ngayon, habang nagpupunas siya ng katawan, di niya mapigilang napapikit dahil parang nakikita niya ang hitsura ng kanyang anak habang ipinipinid nito ang album kahapon. Hindi maipaliwanag ang saya nito. Larawan ito ng pagkakontento. At buong-buo ang loob, tiwalang-tiwala ito sa sarili habang naglalakad upang ibalik ang album sa kanilang kuwarto. Hinehele pa nito ang paboritong kantang di nawari kung ano, at di rin nito pinansin ang pagdating ng mga kapatid.
Ang napakarami niyang medalya noong high school siya, ano ang magandang naidulot ng mga ito sa kanya? Wala. Ang medalya, medalya lang naturingan. Pinupuri ka sa panahong tinatanggap mo pa lamang. Pero pagkatapos, ano?
Datapwa’t di niya sinundan ng tingin si Anne, halos alam na niya ang susunod na mangyayari pagkahagis ng bata ng album sa Durabox na kinuhanan: huhugutin nito ang uniporme, tatadyakan ang sapatos at medyas; pagkatapos, hahabulin ito ng sigaw ng ina dahil tatakbo na itong palabas upang makipaglaro at di man lang magsuot ng iba maliban sa kamison gayong bakat na ang dibdib na nag-umpisa nang sumibol.
Pero nagulat siya nang lapitan ni Anne ang inang naghihimay ng dahon ng malunggay na pansahog sa laman ng gabi na kanilang ulam. Nasa malapit niya ang kanyang asawa.
“’Ma, bilhan n’yo ako ng damit, ha?” naglalambing na sabi ni Anne.
Muntik na siyang masamid sa kanyang narinig. Perfect Attendance, para iyan lang, bibili na sila ng damit? Di nga siya nabilhan ng bagong damit noong nagtapos siya ng elementarya at high school gayong siya ang valedictorian. At sa dinami-dami ng natanggap niyang medalya, di man lang niya naranasang mabilhan ng bagong damit. Hiram lahat ang kanyang mga ginamit. Isa pa, kung may sobra man silang pera, ibili na lang nila ng masarap-sarap na pagkain nang di puro gulay na lang.
“Sabihin mo sa ama mo,” sabi ng kanyang asawa na umirap pa sa kanya.
Tiningnan din niya, sa sulok ng kanyang mga mata, ang kanyang anak. “’Ma…” sabi nito, hinila ang kamay ng ina, saka tumingin sa kanya. Inginuso naman siya ng kanyang asawa. Nang lumaon, lumapit sa kanya si Anne.
“’Pa…” magiliw na sabi nito.
“Huwag ka nga at masakit ang ulo ko,” sabi niya.
Inirapan siya ng kanyang asawa. Saka tumawa. Nangungutyang tawa. “Wala… sino bang may sabi na uubra kayo sa inyong ama?” sabi nito. “Alak muna ang bilhin saka kayo mabilhan ng damit!”
Parang may pumumpyang sa kanyang tainga sa sinabi ng kanyang asawa. Nainis siya!
Napalingon siya sa kanyang mag-ina. Nahuli ng kanyang paningin ang pag-iling ni Jean. At ang paglabi ni Anne.
Pagkatapos niyang magpalit ng damit kahapon, pinanood na lamang niya ang mga bata na naglalaro ng patintero sa harap ng kanilang bahay. Tamang-tama lamang ang lawak ng kalsada para sa larong patintero. Dito naglalaro ang kanyang mga anak at ang mga batang nakatira sa bandang ibaba at itaas. (Bulubundukin ang kanilang subdibisyon at nasa kalagitnaan sila ng block.) Dinarayo sila ng mga bata sa ibaba dahil mas gusto niyang dito maglaro ang mga ito. Bukod sa walang gaanong napapagawing sasakyan at tahimik sa kanila, hindi pa siya nag-aalala na baka kung saan-saan mapapagawi ang kanyang mga anak.
Naaliw din siya kalaunan sa mga batang naglalaro. Napakaliksi kasi ni Lyndon. Mag-aanim na taon pa lamang ngunit para itong kidlat kung lumusot sa pagitan ng mga taya.
Maya-maya ay tumayo rin siya. Nahihiwagaan siya dahil matagal-tagal na ang nakalipas at di pa rin lumalabas si Anne.
Pumasok siya kuwarto nilang mag-asawa. Nabulagaan niya ang mag-ina na hinahalughog ang malaking karton ng package na ipinadala ng kanilang Tiya Miniang na nagtatrabaho sa Madrid noong nakaraang Nobyembre pa. Napakatulis ng puwitan ni Anne na nakatuwad na seryosong-seryoso sa paghahalungkat sa malaking karton. Binubusisi naman ng kanyang asawa ang isang pulang blusa. Maganda. Pero pang-dalaga ito. At sa palagay niya, malaki masyado kay Anne. Nang biglang ilabas ni Anne ang ulo ito.
“Ito, ‘ma, o! Yehey!” masayang sabi at napairi pa dahil sa puwersa ng biglaan nitong pagtayo. Inilabas nito ang isang damit na bulaklakin. Pang-formal. Maganda pero halatadong luma. Kupas na. “Maganda, ‘pa?” tanong ng kanyang anak nang mapansin siya nito.
“Aba’y talo mo pa ang mga ga-graduate n’yan!” palatak niya. Saka siya nagbiro: “Ano ngayon n’yan ang handa mo?” Sa kanila kasi sa Ilokos, naghahanda ang lahat ng magtatapos, mapa-kinder man o elementarya.
“Mmmm, si papa naman…” Naglalambing na yumakap sa kanya ang anak.
“Bakit, magtatapos ba para maghanda?” singit naman ng kanyang asawa.
Parang nakikita niya ngayon ang hitsura ng kanyang anak kahapon. Susungi-sungi ito. Kunwari ay nagdadabog pero halata sa mukha nito ang labis na pagka-excited. “Sige na! Puntahan mo si papa mo, sabihin mo!” narinig niya ngayon na sinabi ng kanyang asawa. Dali-dali niyang hinagod ng tuwalya ang kanyang likod saka niya ito itinapis at lumabas na siya ng banyo.
Hindi niya mapigilang mapangiti. Kung ang paghahanda nila ang pinag-uusapan ng mag-ina, bakit hindi? Kahi konti lang. Basta masabing may handa.
Ngunit napatigil siya sa nabungarang hitsura ng kanyang anak. Walang imik itong nakaupo sa mahabang kahoy na sopa. May hawak itong papel— na sigurado siyang imbitasyon.
“Bakit?” nagtataka niyang tanong.
Ano’t umiyak na itong bata?
“Wala siyang pangalan sa imbitasyon,” matamlay na paliwanag ng kanyang asawa.
Namatanda siya. “Tiningnan n’yo bang mabuti?”
“Oo…” tugon ulit ng kanyang asawa. At binuntutan pa ito ng malalim na hiningang tulad ng nakasanayan nitong gawin kapag mayroon itong hindi masabi.
“Patingin nga!” sabi niya. Nilapitan niya si Anne at kinuha ang imbitasyon. Humihikbi na ang bata.
Binuklat niya ang imbitasyon. Talagang wala ang pangalan ni Anne sa listahan ng mga mabibigyan ng parangal.
“Hayaan mo na,” sabi niya. “Tutal, wala namang madadagdag sa natutunan mo kapag bigyan ka ng ganyang award.”
Ngunit ang hikbi kanina, naging iyak na.
“At ano ang iniiyak-iyak mo ngayon?” napalakas na sabi niya. Bigla na lamang kasi nagising ang kanyang inis. Dahil ano naman kasi ang magagawa ng Perfect Attendance na iyan sa kanya? Maging bunga pa ito ng kanyang kahihiyan. Mahina naman kasi kaya iyan lang ang pag-asa nitong magkamedalya, sasabihin lang ng iba. Ang napakarami niyang medalya noong high school siya, ano ang magandang naidulot ng mga ito sa kanya? Wala. Ang medalya, medalya lang naturingan. Pinupuri ka sa panahong tinatangga p mo pa lamang. Pero pagkatapos, ano? Wala na. Limot na ng tao.
“Lumabas ka na’t maglaro ka!” sigaw niya sa anak. “Sa susunod kasi, pagbutihin mo na ang pag-aaral mo nang bigyan ka ng totoong medalya!”
Tumalikod na siya. Humahagulgol na rin ang bata. At lalo siyang nainis.
Pumasok siya sa kuwarto nilang mag-asawa. Baka hindi siya makapagtimpi at…
Sinundan siya ng kanyang asawa. Ito na ang nagsara sa pinto.
“Hindi ka ba naaawa sa anak mo?” sabi ng asawa. “Nagpapatulong sa ‘yo. Hindi pagalit ang kailangan niya.”
“Kung ayaw nilang bigyan, may magagawa ka ba?” ganti niya. Hindi na niya alam kung kanino o kung saan siya galit: sa kanyang anak na umasa sa walang kakuwenta-kuwentang medalya o sa titser nitong nagsabi na mabibigyan ito ng medalya dahil perfect ang attendance.
“Oo nga. Pero sinabi naman kasi ng titser niya, e, di umasa siya.”
“Baka naman nagkamali lang ‘yon. O, iba ang pandinig ng anak mo. Dahil hindi naman nakikinig. Parang hindi mo naman kasi sila tinuturuan.”
“E, ikaw? Magtanong lang sila tungkol sa assignment nila, nayayamot ka na.”
“Di naman ako tinuturuan noong ako ang bata! Maayos naman ang pag-aaral ko!”
“Matalino ako ‘kamo! Diyan ka magaling, ang ipagyabang na matalino ka! Pero ni minsan, di ka man lang nagkusang gabayan ang mga anak mo sa kanilang mga aralin sa gabi!”
“Nandyan ka na naman. Gaano ba ang pagod ko sa trabaho sa palagay mo?”
“Alam mo naman na di ako nakapag-aral…” Second year high school lamang kasi ang inabot nito. Kasi, hindi kayang tustusan ng mga magulang nito ang pag-aaral na magkakapatid dahil halos hindi pa nga sapat sa pagkain ang kinikita sa pangingisda.

Ano’t umiyak na itong bata?
“Wala siyang pangalan sa imbitasyon,” matamlay na paliwanag ng kanyang asawa.
“Sinubukan mo na bang tanungin ang sarili mo kung bakit di ka nakapagtapos?”
Napalunok siya sa tanong ng kanyang asawa. Ano ba talaga ang dahilan?
“Baket, utang na loob… Mainit ang ulo ko. Ayaw kong mag-away tayo. Sinabi ko na noon pa na umay na ako, pagod na ako, na nakaririnig ng nag-aaway. Buwisit sa buhay ‘yan.”
Kinalakhan niya kasi ang pag-aaway ng kanyang magulang dahil sa kawalan ng makain. Hindi kinaya ng kanyang ama ang pagkamatay ng kanilang kapatid. Tinakwil ang Diyos at wala nang ginawa kundi mang-inom. Hanggang wala na silang makain. Umpisa na ng kanilang malimit na pag-aaway. Natigil lang nang itigil ng kanyang ama ang pag-inom. Kaya isinumpa niya sa sarili na iwasan ang away. Minsanan lang sila magsagutan ng kanyang asawa. Tulad ngayon.
“Mag-usap na lang tayo pag-uwi ko,” sinabi na lamang niya nang hindi na umimik ang kanyang asawa. “Hapon na. Baka di ako makasakay agad, hindi ako papapasukin sa barracks.” Isinuot niya ang kanyang damit. Natutulog siya sa barracks nila kapag hindi makauwi. Malayo kasi rito sa Bulacan.
“Hindi naman ako nakikipag-away. Gusto ko lang malaman mo na kailangan ng anak mo ang tulong mo.”
“Sabi nang hayaan mo na.”
“Pero gusto ng anak mo na magkaroon naman ng medalya. Pangarap niya ‘yon.”
“Hayaan mo at ibili ko na lang. Para ‘yan lang.”
“Hindi mo naiintindihan, e!” nabasag ang boses ng kanyang asawa. Nalingon niya ito.
“Iniidolo ka ng anak mo. Dinala niya ‘yong mga larawan mo dahil gusto ka niyang tularan. Ginagawa ang lahat para lang magkamedalya at nang mapansin mo. Pero minamaliit mo naman. Hindi mo man lang magawang purihin. Isang taon niyang pinaghirapan iyang medalyang hinahabol niya, lakay. Pagkatapos, di mo man lang kayang tulungang ipaglaban? Araw-araw ko silang kasama. Pinagsisilbihan ko sila bawat kain nila. Gabi-gabi, pinipilit kong turuan sila. Ginagawa ko ang lahat… ngunit kahit na wala ka, ang katalinuhan mo pa rin ang laging nasasambit nila… at ang mga maling minsan ay naituturo ko sa kanila.”
Parang binatukan siya sa mga tinuran ng kanyang asawa. Hindi siya nakapagsalita.
“Alam mo, lakay, iniisip ko na kaya hindi ka nakapagtapos ay dahil hindi ka kinayang turuan ng mga magulang mo. Sana, huwag mo akong sisihin kung magkulang man ako sa pagtuturo sa mga anak mo.” Pagkasabi, lumabas na ang kanyang asawa.
Hindi siya nakagalaw para pigilan ang kanyang asawa.
Kailan ba talaga siya nagkaroon ng panahon para turuan ang kanyang mga anak? Wala siyang maalala.
Matagal-tagal din siyang namatanda. Basta nakatayo na lang siya.
Naisip niya: susulatan niya ang titser at ang prinsipal nina Anne. Ipabibigay niya ito kay Kenneth, ang panganay niyang anak na kuya ni Anne.
Sa Kinauukulan,
Una ang pasasalamat ko sa pagtitiyaga ninyo sa pagtuturo sa mga anak ko. Kinikilala ko rin na nandyan kayong gumanap sa mga tungkulin ko na hindi ko naibigay sa kanila. Wala akong masabi sa pagtuturo ninyo sa kanila dahil sabi ng aking asawa ay tumaas ang mga grado ni Anne.
Kahapon, lubos ang kasiyahan ng anak ko habang ibinabalita na mapaparangalan siya dahil hindi siya lumiban buong taon. Subalit kanina lang, umiiyak dahil wala ang kanyang pangalan sa listahan ng mga mapaparangalan. Kung hindi karapat-dapat ang aming anak sa parangal na ‘yan, wala kaming magagawa. Masakit lang ang kalooban namin dahil inaasahan niya ito. Kung nakita n’yo lang kung paano niya pinaghandaan itong sinasabi kong walang kakuwenta-kuwentang parangal…
Pero sabi ng asawa ko, buong taon niya itong pinaghirapan. Sabi ng asawa ko, kahit may lagnat siya, pinipilit niyang pumasok. Kahit pa bumabagyo, sabi ng asawa ko. Dahil sabi ng asawa ko, mayroon siyang gustong patunayan… hindi sa inyo, kundi sa akin. At kaninang pinagmamasdan ko siya habang umiiyak, parang pinipiga ang aking…
Nagtagisan ang kanyang mga ngipin dahil hindi niya mapigilang mapaluha. Kinuyumos niya ang papel na kanyang sinusulatan. Ibinato niya ito sa labas pero hindi lumusot sa awang ng bintana.
Lumabas siya. Nasa salas ang kanyang asawa na nagtutupi ng mga naka-hanger na kaninang plantsado nang mga damit nina Anne at Jen.
“Bakit, ‘ma?” tanong ni Jen. Tiningala ng nagugulumihang bata ang ina. Nagtataka.
“Walang dadalo sa recognition bukas,” sagot ng kanyang asawa.
Tumingin sa kanya ang kanyang anak. Parang nagpapaawa. Parang iiyak na.
Hindi niya alam kung lapitan niya o hindi ang kanyang anak. Baka hindi niya makayanang pigilan ang kanyang damdamin. Napakalalim ng hinugot niyang hininga. Tinungo niya ang pintuan. Ihinabol ni Lyndon ang nakagawian nitong halik ngunit hindi na niya ito pinansin.
KUMATOK siya sa bakal na tarangkahan. Si Lyndon ang unang sumalubong. Siya rin ang nagbukas ng pintuan. Nilingon siya ng asawa ngunit hindi ito lumapit. Pati sina Kenneth at Jen, hindi rin lumapit gayong nakasanayan na nilang salubungin ng halik pagdating niya. Naabutan din ng kanyang paningin ang patakbong pagpasok ni Anne sa kanilang kuwarto.
Napahinga siya nang malalim.Masama ang kanyang loob,naisip niya. Napailing na lamang siya.
Iniabot niya kay Lyndon ang isang supot na plastic na kanyang bitbit. Itinaas ni Lyndon ito at siniyasat. Tuwang-tuwa itong pumasok. “Chicken Joy! Chicken Joy!” sigaw nito.
Sinarado niya ang tarangkahan saka siya tumuloy pumasok.
“Saan mo kinuha ang pinambili mo?” tanong kanyang asawa. Mahina ang boses nito. Di lang niya sigurado kung matamlay. Nagpasalamat na rin siya. Malaking bagay na binati siya ng kanyang asawa.
Nagkibit-balikat lang siya.
“Handa ni Jen ang dala mo, ‘pa?” sabat naman ni Anne at lumabas na.
“Blowout ko sa inyong lahat,” sabi niya.
“Mmm…” Si Anne. Naglalambing naman ito at yumakap sa kanya gayong pag-alis niya ay umiiyak pa dahil sa kanya.
Para siyang nabunutan ng tinik. Buti na lang, di nagtatanim ng tampo ang kanyang mga anak.
“Teka lang, ‘pa…” sabi ulit ni Anne. Bumitaw at tumakbo pabalik sa kuwarto nilang magkakapatid.
Kinutuban siya. Parang mahulaan na niya ang pakay ni Anne sa kanilang kuwarto.
“Nagpunta kayo?” tanong niya sa kanyang asawa.
Lumabi ang kanyang asawa. “Sinundo kami ng titser ni Anne…”
At bumalik sa kanyang alaala ang hitsura ng prinsipal na kinausap niya bago siya tumuloy sa trabaho. Namumutla ito at tarantang-taranta dahil hindi niya napigilan ang kanyang damdamin sa awa sa asawa at anak. Pero pagkatapos noon, magaan na ang kanyang dibdib. Kaya imbes na matutulog sana siya sa barracks ngayon, pinilit niyang umuwi. Dahil gusto niyang pasayahin ang kanyang pamilya. Kaya bumale siya ng pambili ng pagkain na suntok sa buwan nilang matikman.
Maya-maya, nandyan na si Anne. Tumayo ang anak niya sa kanyang harapan. “Diyarannn!” sabi nito sabay labas sa medalyang itinatago sa kanyang likuran.
Huminga siya nang malalim.Pinipigilan niyang maluha dahil sa nakitang kaligayahan ng kanyang anak.
“Dadami pa ‘yan basta pagbutihin mo pa ang iyong mag-aral. Alam kong matalino ka,” sabi niya. Niyakap niya si Anne, at ang iba pa niyang anak ay nakiyakap na rin. “Matalino kayong lahat…” sabi niya.
Ngumiti ang kanyang asawa. Napansin siguro nito na basag ang kanyang boses.









