ANG NANAY NI IDEL

Natutop ko ang aking biyenang nakipag-usap sa isang kapit-bahay. Tila pa sila nagulantang nang mapansing ako’y malapit sa kanila.

Ni LIWAYWAY A. ARCEO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 12, 1952)

ILANG ULIT nang itinanong ni Idel ang dahilan ng aking tila biglang pagbabago, ngunit hindi ko makuhang ipagtapat sa kanya—katulad din ngayon. Mahabang katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. At maya-maya’y naramdaman kong ibinaling niya ang aking mukha— hanggang sa magkatama ang aming paningin. Hindi ko napigilan: may namuong luha sa aking mga mata at sa loob lamang ng ilang saglit ay unti-unti kong nadamang nagluwag ang aking paghinga.

            Magiliw niya hinapit sa kanyang dibdib ang aking luha ang mukha. “Bakit?” ang nagugulumihanan niyang tanong. “May dinaramdamm ka ba? May masakit ba sa’yo?”

            At sa pagitan ng iniimpit kong hikbi’y nasabi ko sa kanya ang matagal ko nang nais sabihin. Ibig ko nang bumalik sa amin… ibig ko nang bumalik sa aking ina!

            Nadama kong kong biglang nagluwag ang pagkakayakap niya sa akin at narinig kong tinawag niya ang aking pangalan, ngunit puno ng pagtataka ang kanyang tinig.

            “Nahihirapan ka ba rito?” ang naging kasunod ng isa pang mahabang katahimikang pumagitan sa aming pag-uusap.

            “Hindi…” Hindi ko naidugtong ang iba pang laman ng aking dibdib.

            May kapaitang kakambal ang kanyang tinig nang magsalita siyang muli. “Siguro’y nagsisisi ka na ngayon… nagsisisi ka kung bakit ako ang iyong pinakasalan!

            Mabilis siyang nagbangon, at hindi ko naman tinangkang pigilin siya. Dinampot ang pang-itaas ng kanyang padyama na nakasampay sa ulunan ng aming kama at nilapitan ang maliit na hapag na kinakaliwa niya… at pinatay ang ilaw ng lampara. Inaasahan kong babalik siya sa aking kinahihigan, inaasahan kong aamuin niya ako—tulad nang dati niyang ginagawa kung may ipinagtatampo ako. Inaasahan kong pilit niyang itatanong kung bakit ko biglang naisip ang magbalik sa aking ina. Ngunit ako’y nabigo. Padabog siyang nagtungo sa tabi ng durungawan at matagal na inaninaw ang karimlan. Nang siya’y magbalik sa may dakong kinahihigan ko’y lumapit lamang sa maliit naming hapag at kinuha ang kanyang lalagyan ng sigarilyo.

            Mahina ang kanyang pagsasalita, ngunit natitiyak kong ibig niyang marinig ko iyon. “Talagang matagal ko nang napupunang nagbabago ka… gawin mo’ng gusto mong gawin!

            Hindi ako nakapagpigil sa aking damdamin. Napabangon ako sa lalong pagsidhi ng aking hinanakit kay Idel… at sa kanyang ina. “Talagang aalis ako! Bukas na bukas!” ang sabi ko.

            Inis na rin ang kanyang tinig. “Umalis ka! Kung ang sabihin mo naman e umalis tayo rito… sinasabi ko na sa iyong hindi ko maaaring iwan ang Inang!”

            At mabilis siyang tumalikod. Naunahan niya ako sa paglabas sa aming silid… at wala akong nagawa kundi ang mahiga uli, at alagaan ang aking pagdaramdam.

            KUNG SINUGPO ko ang aking pagmamahal kay Idel ay hindi darating sa aking buhay ang ganitong hinanakit. Hindi ko pa nakikita ang kanyang ina ay nakikilala ko na dahil din kay Idel. At noon pa man ay ibig ko nang manibugho, dangan at nauunawaan kong naiiba ang kanyang pagtingin sa akin. At ngayon ay nadarama kong may kumikirot sa aking dibdib! Tila ngayon ko lamang naririnig ang malimit sabihin sa akin ni Idel: na ang kanyang ina ang pinakabanal na babae, siya ang pinakadakila, siya ang pinakamabait, siya ang lalong mapang-unawa!

            Mapang-unawa? Aywan ko. Matagal-tagal ko nang napupuna, mula nang ako’y mapisan sa kanya mag-aapat na buwan na ngayon, na lagi niyang tinitignan ang aking mga kilos. Tila laging nagtatanong ang kanyang mga mata, (tila nababagot siya sa aking pananatili sa kanilang tahanan.) Sinusundan niya ang aking pagkain, at sa palagay ko’y nanunuya ang kanyang tinig kung pilit na ipinauubos sa akin ang anumang pagkaing hindi ko kayang ubusin. At sa pagdaraan ng mga araw, unti-unting nabubuo sa aking isipan na may katotohanan ang pagunita ng aking mga kaibigan bago ako nag-asawa. Hindi iilan ang nagpaalala sa akin na hindi ako maaaring lumigaya sa piling ng isang lalaking halos bumathala sa kanyang ina!

            Nagtining ang aking paniniwala isang umaga nang manaog ako sa hardin. Natutop ko ang aking biyenan na nakikipag-usap sa isang kapit-bahay. Tila pa sila nagulantang nang mapansing ako’y malapit sa kanila: dinig na dinig kong nabanggit nila ang aking pangalan. At nang magtama ang tingin namin ng ina ni Idel, nakita kong inaamin niyang ako ang ibinbalita niya sa aming kapit-bahay: At nagsimula ang aking hindi pagkatahimik… hanggang sa mabuo sa aking isipan ang magpaalam kay Idel.

            At nalalaman kong daramdamin ni Idel ang aking pasya sapagkat may kinalaman sa kanyang ina. Sa kanya’y kasaysayang walang katapusan ang pag-uusap tungkol sa kanyang ina. Iyon ang pinakamagandang kuwento, puno ng pananabik, kasaysayang walang kamatayan—kung masusulat lamang niya, ayon kay Idel. Ngayon ko naisip na dapat sana’y itinuring ko iyon na pahiwatig upang huwag kong tanggapin ang pag-ibig ni Idel. Ngunit ngayon ko na lamang naisip ang bagay na iyon… ngayon na lamang huling-huli na ang anumang pagpapasya at paghahabol.

            Ngayon ko nakita ang katotohanan ng mga sinabi ni Crispin, isang pinsang-buo ni Idel. Bago pa lamang kaming nagkakaibigan ni Idel ay sinabi na sa akin ni Crispin na ang nanay lamang nito ang nakakasundo sa lahat ng bagay: sa paglalaba ng kanyang damit, sa hindi pag-aalmirol ng kanyang mga panyolito, sa hindi paglulupi sa solapa ng amerikana at sa kuwelyo ng kamisadentro. At ang matanda lamang ang ibig niyang magluluto ng kanyang pagkain. Sinabi ko kay Idel ang ipinagtapat ni Crispin at napuna kong nagdamdam si Idel— Pagdaramdam na may halong panibugho. At hindi ko natiis na manibugho si Idel! Buong pagpapakumbabang binawi ko ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang ina—kalakip na niyon ang pangakong gagawin ko ang lahat ng magpapaligaya lamang sa kanya!

            Marami pang pag-aalinlangan ang nakapangyari sa aking puso, ngunit batas na sinusunod ko ang bawat sabihin ni Idel. At minsan ay sumama ako sa kanya… at sinukat ng aming mga hakbang ang landas na nagwawakas sa kanilang tarangkahan! Nakilala ko agad na ang kanyang ina ang nagbukas sa amin ng pinto, ngunit saglit kong nakita ang puso ng matanda sa kanyang mga matang binabalungan ng luha…

            Naging kasiyahan kong pag-aralan ang lahat ng bagay na nagbibigay-kasiyahan kay Idel sa tulong ng kanyang ina. Hanggang sa mapuna kong tila sinusuri niya ang lahat ng ginawa ko at unti-unti’y nagbinhi ang pag-aalinlangan at hindi pagkatahimik sa aking puso. At nang halos ay hindi ko na matagalan ang damdaming nagpahirap sa akin ay sinabi ko na kay Idel…

            MABIGAT na mabigat ang aking ulo nang sumapit ang kinaumagahan. Nakita ko nang pumasok si Idel sa aming silid upang magbihis at nagkatama pa ang aming paningin nang magbukas siya ng aparador, ngunit sinuman sa amin ay walang kumibo. Hindi na ngayon magapi ng aking pagtingin sa kanya ang naghihimagsik na damdamin sa aking puso. At nalalaman kong ayaw niyang isuko ang kanyang kapangyarihan.

            Ngunit matagal na siyang nakabihis upang pumasok sa opisina ay hindi pa siya lumabas na muli. Paikut-ikot siya sa harap ng salamin, gayong nakikita kong hindi naman niya tinitingnan ang kanyang anyo sa harap nito. Saglit siyang napatigil sa may pinto at narinig ko siyang nagsalita. Mahina, na halos ay ayaw humulagpos sa kanyang mga labi.

            “Hinihintay ka ng Nanay sa labas. Nakahain na.”

            Madali akong sumagot. “Ayokong kumain.”

            Agad siyang napabaling sa akin at unti-unti kong nakitang may nagdingas na apoy sa kanyang mga mata. “Hindi ka ba babangon?”

            “Hindi!”

            Halos pagigil na ang kanyang pagsasalita. “Bakit? Sasabihin mo na namang… uuwi ka sa inyo?”

            “Oo!”

            Halos sumisigaw na siya ngayon. “Huwag ako’ng hamunin mo! Lumayas ka kung gusto mo!”

            At hindi ko na nasabi ang ibig kong ihabol sa kanya. Pagdarag siyang lumapit sa pinto at mabilis na binuksan ito. At halos makatulig sa akin ang pagkakalapat niyon. Narinig kong napasigaw ang kanyang ina at tinawag siya, ngunit alam kong nagpatuloy din si Idel.

            Nanikip na bigla ang aking dibdib. Ito na ang wakas, ang naisaloob ko. Titiisin ko na kung nagkukulang man sa akin ang kanyang ina, ngunit siya… Bigla akong nagbangon upang umalis na rin, ngunit madali rin akong napaunong muli sa gilid ng kama. Tila umikot ang aking tingin at sumidhi ang sakit ng aking ulo. At ako’y napasubsob sa unan.

            Naramdaman kong nabuksan ang pinto. Nakilala kong sa ina ni Idel ang papalapit na mga yabag. Nadama ko ang pagdantay ng kanyang kamay sa aking balikat. Tinawag niya ang aking pangalan.

            Noon ako napaiyak!

            “Loka ito!” ang sabi niya. Nagsikip na lalo sa damdamin ang aking dibdib. Talagang maloloka na ako! Mababaliw ako sa tahanang ito!

            Nadama kong hinagud-hagod niya ang aking likod. “Huwag ka sabing umiyak e! Masama ‘yan! Hindi kasi naiintindihan ng asawa mo e,” ang dugtong niya.

            Hindi ko maunawaan ang kanyang sinabi. At nadama ko na lamang na pinapahiran niya ng tuwalya ang aking noo. Pilit niyang inaalis ang pawis na gumigiti sa aking noo.

            “Ibig mo raw umalis a… sabi ni Idel. E… kaya mo ba’ng talaga ang katawan mo?” Magiliw ang kanyang tinig na lalong nagpasiklab sa aking pagkayamot. Alam kong itinatago niya sa tinig na iyon ang tunay niyang damdamin, ang kanyang kasyahan nang malaman niyang aalis na ako sa tahanang iyon. Mahinang-mahina ang aking pagkakasagot sa kanya.

            “E sige… Magpamamaya ka na! Sa tingin ko’y hindi ka makalalakad ngayon!” Napansin kong ibig niyang matawa nang sabihin iyon at mabilis na lumabas sa aming silid.

            MAG-IIKASAMPU na ng umaga nang madama kong wala na ang pamimigat ng aking katawan. Dahan-dahan akong nagbangon at lumapit sa aming aparador. Binuksan ko iyon at inilabas ang ilang pirasong damit. Buung-buo na ang aking pasya. Alam na naman ni Idel at… (ayoko nang isiping tila niya ikinagagalak na ako’y aalis na!). Walang anu-ano’y marahang nabuksan ang pinto at nang magtaas ako ng paningin ay nakita ko si Idel. Nakangiti siya sa akin.

            Hindi pa ako nakapagtatanong kung bakit siya bumalik ay mabilis na siyang nakalapit sa akin. At lalo akong nagtaka nang tanganan niya ang kanan kong kamay. Nanlalamig siya.

            “Tinawagan ako ni Crispin sa upisina… utos daw ng Nanay…”

            “Alam na rin niyang aalis ako!” ang malumanay kong sagot.

            “Hindi ‘yon!” ang sabi ni Idel na halos nanginginig ang tinig. “Hindi ‘yon! Sinabi ng Nanay… napipiho na niya ngayon…”

            Hindi ko rin malaman ang sasabihin ni Idel ngunit hindi ako nakatutol nang hapitin niya ako sa kanyang dibdib. At ibinulong niya. “Sabi sa akin ng Nanay… Piho raw kamukha niya ang kanyang maging… apo!

(Wakas)