MABIGO MAN!

Ni JUAN C. BUGARIN

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 20, 1963)

Nagwawagi ang masikap

Sa hangari’t nilalayon sa pangarap;

Hindi bigo sa tagumpay

Kahit na nga nakalugmok at lupasay;

Ang dahila’y kabiguan ang malimit na maghatid

Sa tugatog ng ligayang hinahangad na mapanhik.

Ang masama, kung mabigo,

Nadadala at madaling nasusugpo;

Hindi bakal na pinanday

At pinukpok na may baga sa palihan;

Ang ganito ay buhanging gumuguho at buhaghag

At layuning hindi pa man nabubuo’y lumalagpak.

Kailangan ang matining

At paikpik na layunin at hangarin;

lyong habang nabibigo,

Marapa ma’y nagbabango’t tumatayo;

Sa ganito, ang pag-asa’y hinding-hindi namamatay.

Mabigo ma’y kumakandong ang pangarap na

tagumpay.

Kung mayroong paghahangad,

Di masakit na masawi at lumagpak;

Ang masama’y lumagpak ka

Sa kawalan ng pangarap na maganda;

lyo’y isang pagkabigo na bulaklak ang landas mo,

At ang huli’y kahihiyan na nabuhay ka sa mundo!