Ni LEVY B. DE LA CRUZ
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 13, 1963)
“IKAW pala, Renato. Tuloy ka… may kailangan ka ba sa akin, ha?”
Hindi umimik si Renato. Ni hindi siya kumilos sa pagkakatayo sa bungad ng pintuan ng munting kabahayan ng barungbarong ni Mang Rodelio. Nanatili lamang siyang nakatitig dito. At nakita niyang napakunot-noo si Mang Rodelio.
“May problema ka nga siguro. Sa eskuwela ba ninyo? Sabihin mo sa akin at baka may magagawa tayo. Halika, maupo ka.
Nagtuloy na si Renato. Walang imik pa rin nang maupo siya sa kabilang dulo ng bangkong kinauupan ni Mang Rodelio. Hindi niya maalis ang kanyang tingin sa mukha, sa mga mata ni Mang Rodelio.
“Ngayon… sabihin mo na sa akin kung ano iyon.”
Lumunok si Renato.
“O, sige na… Hindi ba sinabi ko sa iyong huwag ka nang mahihiya sa akin?”
Dumantay ang ugatang mga kamay ni Mang Rodelio sa dalawang balikat ni Renato. Pinisil iyon.
“Bakit… bakit napakabuti ninyo sa amin ng Inay, Mang Rodelio?”
Hindi agad nakahuma si Mang Rodelio sa narinig na katanungan ni Renato.
“Aba’y hindi… hindi ba sinabi ko na sa iyo?” nasabi ni Mang Rodelio.
“Kaibigan kong matalik ang tatay mo. At bago siya namatay ay ipinagbilin ka… kayong mag-iina… sa akin.”
“B-Bukod sa pagiging magkaibigan n’yo ng Itay… ano pa ho, Mang Rodelio?”
Muling hindi nakakibo agad si Mang Rodelio.
“Malaki na ako, Mang Rodelio. Labimpitong taon na ako. Sabi ninyo ay binata na ako. Makakaunawa na ako. Nauunawaan ko na ngayon ang mga bulung-bulungan sa tindahan ni Aling Gare. At kung… kung sabihin ninyo sa akin ang totoo… maaaring maunawaan ko rin kayo!”
Nakita ni Renato na napatungo si Mang Rodelio.
“M-malaki ka na nga, Renato… malaki ka na.”
At sa pag-angat ng mukha ni Mang Rodelio ay nasalubong ni Renato ang namumulang mga mata nito. At muli niyang naramdaman ang mga palad nitong pumipisil sa kanyang mga balikat.
“M-mahal ko si Dolores… mahal ko ang iyong ina, Renato!” Mahinang-mahina ang tinig nito subali’t naroon ang katatagan, ang katapatan.”
“A-alam ho ba ng Inay?”
“No’ng araw pa. Ngayon… hindi ko na kailangang sabihin uli. Alam pa rin niya. Kaya kung minsan ay ayaw niyang tanggapin ang mga pagtulong na ginagawa ko para sa inyo. Pero, naipaunawa ko sa kanyang… iyon lamang ang makapagpapaligaya sa akin. Iyon lamang ang magagawa ng aking pag-ibig para sa kanya… hanggang doon lamang. Sapagka’t may pangarap ako… katulad ng pangarap ng iyong ama. Magkatulad ang aming pangarap na magkaibigan. At ikaw lamang, Renato, ang daan sa katuparan ng pangarap na iyon. Ikaw lamang sapagka’t nagkataong kaibigan ko ang ama mo… at mahal ko ang babaing naging asawa niya, ang ina mo!”
Biglang nalito si Renato. At natagpuan na lamang niyang nakikinig siya sa isang kuwentong isinasalaysay ni Mang Rodelio.
SINA Rodelio at Leandro ay magkababata na lumaking magkaibigan, naging magkamag-aaral sa mababang paaralan hanggang sa mataas na paaralan. Kapwa sila taga-Looban, bantad na sa pagdarahop doon at kapwa nila pangarap na matakasan ang karalitaan. Nag-aaral silang mabuti ng leksiyon—kung minsan ay sa barungbarong nina Rodelio, minsan ay sa barungbarong nina Leandro, sa tanglaw ng maputlang ilaw ng gasera. At maging sa pamamasyal nila sa baybay-dagat ng Bangkusay. Kung mapagod na sila paglalakad sa baybay-dagat ay mauupo sila sa kabatuhan at tatanaw sa Looban—tila iyong munting bundok ng mga basura sa papakalat na karimlan. Samantala, sa likuran niyon ay matatayog na anino ang mararangyang bahay ng mayayaman sa Labasan.
“Pipilitin kong makalayo sa Looban…” wala sa sariling sasabihin ng isa.
“Pareho tayo,” isasagot ng isa naman.
At sabay halos silang tatayo na at tataluntunin ang landas na pauwi kung matanaw nilang nasindihan na ang mapupultlang ilaw na gasera sa Looban, kung nagniningning na sa liwanag ang Labasan “ang Looban ay tila mapanglaw na libingan… ang Labasan ay tila maningning na daigdig ng mga buhay” at may hatid na ng ginaw sa kanilang kabuuan ang hanging nagmumula sa dagat.
Magkasabay rin halos nang nadama nilang sinusuplingan na ng pag-ibig ang kanilang damdamin.
“Hoy, Leandro, ano ang palagay mo kay Dolor, ha?” isang araw ay tanong ni Rodelio habang nag-aabang sila ng mga lastay ng tinapang ilalako nila sa umbuyan sa Pitong Gatang.
“Anong palagay ang ibig mong sabihin?”
“Kung sa tingin mo ay mabait, masikap, at naghahangad ng katulad ng hangarin nating maiba sa karaniwang taga-Looban!”
“Alam ko na!” ngingitingiting nasabi ni Leandro. “Okey siya sa akin para sa iyo!”
Pagkuwa’y nawalan ng kibo si Leandro.
“O, sino ang iniisip mo?”
“Wala. Pagtatawanan mo lang ako.”
“Si Karri, ‘no?” usig ni Rodelio.
“Oo na nga!” Napakamot pa sa ulo si Leandro. At si Rodelio naman ang nawalan ng kibo.
“Nasabi mo na sa kanya?” tanong ni Rodelio makaraan ang ilang saglit.
“Hindi pa. Nahihiya ako. Hindi mo ba narinig na gusto ni Karri na maging doktor. At ako… eto. Baka kung mag-asawa na kami e laging sumakit-sakit ang tiyan ko… at sa pagtingin sa akin ni Karri e… malaman niyang panay pa rin tinapa ang laman ng tiyan ko!”
Tumawa si Leandro.
Napasunod sa pagtawa si Rodelio. Subali’t nang magkasalubong ang tingin nila ay tila pinalis ang tawang iyon.
“Hindi ko naman talagang balak na sabihin sa kanya. Kung makapagpapatuloy ako… maaari pa!” sabi ni Leandro.
Subali’t kapwa hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral ang dalawa. At si Leandro ay naging matamlay na mula noon. Kay Rodelio ay naging madali ang pagpapatuloy sa pag-ibig. Taga-Looban din si Dolores.
“Wala mangyayari sa iyo kapag lagi ka na lamang tatanaw-tanaw sa Labasan,” minsan ay sabi ni Rodelio. “Humanap ka na lang ng taga-Looban din at ipakilala natin na ang mga taga-Looban ay makapagtutulungan din para makaahon dito. Kung hindi tayo… di ang magiging mga anak natin.”
“E, sino pa ang mapipisil ko rito? Iisa lamang ang maaari… si Dolor. Sa iyo na naman siya.”
“Hindi pa. Kung gusto mo, mangligaw ka rin sa kanya. Lalong mabuti kung tatayo na lamang dalawa ang mapagpipilian niya. Kapag ikaw ang nakakuha sa kanya… para na ring ako!”
Napatitig si Leandro sa kaibigan. Nakangiti ito. Inabot ang isa niyang kamay.
Nagkamayan sila para maginoong panliligaw kay Dolores.
“AYWAN ko lamang kung naging maligaya sila,” pagwawakas ni Mang Rodelio sa isinalaysay.
“Kung sabihin kong marahil ay hindi, huwag mo iyong paniwalaan, Renato. Natural lamang sa isang umiibig na isiping higit ang maibibigay niya sa kanyang minamahal kaysa maibibigay ng sino pa man, kahit na iyon ay matalik niyang kaibigan.”
Napatungo si Renato. Hindi na kailanman pang patayin ni Mang Rodelio ang katotohanang namuko sa kanyang dibdib. Ngayon ay alam na niya kung bakit nag-iinom ang kanyang ama, ayon sa narinig niyang usap-usapan sa tindahan ni Aling Gare. Hindi talaga mahal ng kanyang ama ang kanyang ina. Ang tunay na mahal nito ay si Karri. Si Karri! At nanghapdi na ang mga mata ni Renato.
“Maaaring sinasabi ng marami na ako ay hangal. Maaari. Hindi nila mauunawaan ang aking katayuan. Hangal nga ako sapagka’t hindi ko na hinangad mapakasal pa sa iyong ina ngayon … ayaw ko na siyang angkinin. Kung gagawin ko iyon, mangyayaring magkakaanak kami bukod sa iyo. At kailan matutupad ang pangarap ng iyong ama, ng iyong ina, ang pangarap ko? Hangal nga ako, Renato. Kahangalan nga ang ginagawa kong pagsikil sa aking sariling damdamin. Kailangan mong makalayo rito. Kailangang may magsimula kahit isa na makaahon man lamang dito … ikaw! At maaring iyon na ang magiging simula ng susunod pang isa…dalawa… at marami pa. At ang Looban ay hindi na ang Looban ngayon… makayayakap na ito sa Labasan! Hindi ako nagsisising matawag na hangal, baliw… Nauunawaan mo ba ako, Renato?”
Napatitig si Renato kay Mang Rodelio. Nakatingin ito sa kanya subali’t tila hindi lamang siya ang tinitingnan nito, kundi pati na ng kasuluksulukan ng kanyang pandama.
“Ang tablang-tulayan, hindi mo ba napupuna? Iyon ay pinag-ugnay ugnay na maliliit na tabla. Pinag-ugnay-ugnay para makabuo ng isang mahabang tulay upang madaanan nang hindi matatapak sa putikan. Ganyan ang aming hangarin. Mula sa inyong barungbarong ay inilagay ng iyong ama ang kaputol ng kanyang hangarin, dinugtungan ko pa rin at pipiliting madugtungan pa. Iyon ang daanan mo, at ang idudugtong mo pa ang siya nang makapagtatawid sa iyo sa Labasan. Sa daigdig na iba kaysa rito. At sana ay iyon din ang daanan mo pagbabalik sa Looban… upang ikaw ang magsilbing halimbawa. At ang mga taga-Looban ay magsisimula nang magdugtung-dugtong ng tulay ng kanilang mga pangarap, ng mga lunggatiin. Napakaganda, hindi ba? Napakaganda!
Napakurap-kurap si Renato. Aywan niya kung bakit nang mga sandaling iyon ay waring hindi si Mang Rodelio ang kanyang kaharap. Ang mga matang iyong kumikislap, ang tinig na iyon, ang mga salitang iyon… Ibang-iba.
Napakislot pa si Renato nang bigla na lamang tumawa si Mang Rodelio.
“Kung anu-ano na ang nasabi ko. At marahil ay hindi mo maunawaan. Hindi mo nga mauunawaan. Hindi nga.”
“Aalis na ho ako, Mang Rodelio.”
Subali’t hinawakan siya ni Mang Rodelio sa braso.
“Hindi mahalaga kung naunawaan mo man o hindi ang lahatr ng sinabi ko. Ang ibig kong matiyak ay ito: Gusto mong mag-aral?”
Si Renato na ang naghubad ng damit ni Mang Rodelio. Binihisan niya ito at inakay sa teheras sa isang panig ng kabahayan. Inihiga niya at binalot ng kumot.
Tumango si Renato.
“Kung gayon, mag-aral ka. Iyan ang gusto ng ama mo, ng ina mo. Iyan ang gusto ko!”
NAGPATULOY ang pagdaraan ng mga araw. Si Renato ay nag-aaral pa rin. Nasa huling taon na siya ng mataas na paaralan. Ang kanyang ina ay hindi tumitigil sa paglalabada sa mayayamang pamilya ng Labasan. Si Mang Rodelio ay naging sagisag na ng lalaking may pasang pingga na sa duloy ay nakatali ang kung ilang lastay na lalagyan ng tinapa. Patuloy ito sa pamamakyaw ng tinapa sa umbuyan sa Pitong Gatang. Ulanin at arawin sa maghapong paglalako. Isang lalaking nag-iisa, ulila, subali’t tila may napakalaking pamilya. Walang kibo, nakatungo sa paglakad, hinddi pansin ang mga makahulugang sulyap ng mga nakakikita. Tila walang pagkabagot sa walang patid na pang-araw-araw na gawaing iyon. At ang lalaking itong may pasang kung ilang lastay na tinapa ay malalim nang napaukit sa diwa at kalooban ni Renato. Siya man ay nagtatanong. Sa kanyang ina, sa kanyang sarili. At wala siyang masumpungang malinaw na katugunan.
Isang hapon ay malakas ang ulang bumuhos na buhat pa sa umaga. Malakas na ang agos ng nagsisimula nang umapaw na estero. At napuna ni Renato na panay ang lapit ng kanyang ina sa bintana ng kanilang barungbarong, may tinatanaw, may hinihintay. At alam ni Renato na iyon ay walang iba kundi si Mang Rodelio.
“R-Renato… kunin mo ang kapote. Dalian mo at salubungin mo ang Mang Rodelio mo. Ayan na at dumarating, basang-basa!
Ang pag-aalalang nasa tinig ng kanyang ina ay nagpakilos nang mabilis kay Renato. Ilang sandali pa ay patakbo na niyang sinasalubong ang basang-basang si Mang Rodelio.
Walang kibo, maputlang-maputla si Mang Rodelio nang maihatid ni Renato sa barungbarong nito.
Mabilis na naghalungkat si Renato ng tuyong damit sa munting aparador sa sulok ng kabahayan. Nang lumapit siya kay Mang Rodelio ay nakita niyang nakatitig ito sa kanya. Nakangiti ang nanlalalim na mga mata.
“Palitan ho natin ang damit ninyo,” sabi niya.
Subali’t wala siyang narinig na sagot. Nakita niyang bumuka ang mga labi ni Mang Rodelio subali’t wala itong nasabi. Nangangatal ang buong katawan ni Mang Rodelio. Maputlang-maputla ito.
Si Renato na ang naghubad ng damit ni Mang Rodelio. Binihisan niya ito at inakay sa teheras sa isang panig ng kabahayan. Inihiga niya at binalot ng kumot.
“Magpainit ho kayo at magpapakulo ako ng kape. Tatakbo na lang kaya ako sa tindahan ni Aling Gare. Kailangang mainitan ang sikmura ninyo.”
Tumakbo na si Renato, suot ang kapoteng ipinansalubong niya kay May Rodelio. Iyon ang kapoteng ginagamit niya sa pagpasok sa eskuwela, bigay sa kanya ni Mang Rodelio.
“Eto, Mang Rodelio. Inumin ninyo ito habang mainit.” At inangat ni Renato ang ulo ni Mang Rodelio. Tila napilitan lamang iyong inumin ang kape.
“Salamat, Renato…” Paos na paos ang tinig ni Mang Rodelio. “Basa ka rin… magpalit ka ng damit.”
“Oho. Sige ho, huwag na kayong magkikilos at dadalhan ko na lang kayo ng pagkain. Mamaya ay lilipat kami ng Inay.”
“DOLORES… salamat! Hindi ako nagkamali. Maligaya ako.” Mahinang-mahina ang paos na paos na tinig ni Mang Rodelio. Subali’t matalas ang pandinig ni Renato. Talagang mataman siyang nakikinig.
Hindi kumikibo ang kanyang ina na katabi niya sa bangkong nakalapit sa teheras na kinahihigan ni Mang Rodelio.
“Renato… anak! Mag-aral ka. Mag-aaral ka!”
Aywan ni Renato, subali’t may pangambang unti-unting lumalaki sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan niya si Mang Rodelio. Lalong maputla ito sa tama ng ilawang gasera sa ibabaw ng munting aparador sa ulunan nito.
“Inay, tatawag na kaya ako ng manggagamot sa Labasan.”
“Huwag na, Renato. Malakas pa ako. Napagod lang ako.”
Nagpalipat-lipat ang tingin ng matanda kay Renato at sa kanyang ina.
“Dolores…”
“Ano ‘yon?” Hindi nakatakas kay Renato ang pagpiyok ng tinig ng kanyang ina.
“G-gusto kong hawakan ka sa kamay… kung papayag ka… kung papayag ka lang naman at si Renato.”
Napasulyap kay Renato ang kanyang ina. Napatango si Renato. At nakita niyang kinulong ng ugatang mga palad ni Mang Rodelio ang isang palad ng kanyang. Madali rin iyong binitawan.
“Salamat. Salamat” at nakita ni Renato na may luha nang naglalandas sa humpak na pisngi ni Mang Rodelio.
Nagpaiwan si Renato sa barungbarong ni Mang Rodelio Babantayan niya ito. Doon na siya matutulog.
“Renato…” sabi sa kanya ni Mang Rodelio, “may itinatago ako sa baul sa ilalim ng teheras na ito. Para sa iyo iyon. “At iniabot sa kanya ni Mang Rodelio ang isang susi. “Sige, magpahinga ka na.”
Aywan ni Renato kung anong oras siya nakatulog o kung nakatulog nga siya. Ang alam lamang niya ay nagulantang siya sa pagkarinig sa tinig ni Mang Rodelio: “Mag-aral ka, Renato. Iyon ang gusto ng ama mo, ng ina mo. Iyon ang gusto ko! Mag-aral ka!”
Subali’t wala nang buhay si Mang Rodelio nang iyon ay lapitan niya.
NAKALUKSA si Aling Dolores at lumuluha. Si Renato man ay umiiyak. Ganoon din marahil ang ginawa niyang pag-iyak sa libing ng kanyang ama kung may isip na siya nang iyon ay mamatay. At marahil, kung may naitago rin ang kanyang ama na halagang katulad ng naitabi ni Mang Rodelio ay iiwan din niyon sa kanya para sa kanyang pag-aaral.
“Tayo na, anak.”
“Nakapabuti ni Mang Rodelio, Inay!”
“Oo, anak. At labis-labis ang paghanga ko sa kanya.”
“Ang… ang Itay, Inay?” Napatitig sa kanya ang kanyang ina.
“Iniibig ko siya, anak! Iba ang paghanga sa pag-ibig.”
At tumalikod na ang kanyang ina. Sumunod na siya. Subali’t lumingon siya. At aywan niya kung bakit niya naitanong sa sarili. Bakit krus lamang ang pananda sa puntod ni Mang Rodelio?
(Wakas)









