Ni RAFAEL KAHANDING
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 14, 1951)
Munting magtagal kang sa mata’y mawaglit
sala sa puso ko’t sala rin sa dibdib;
di lalo ang aking tampo’t hinanakit
sa iyong pagyaong di na magbabalik!
Iniwan mo akong para na ring bangkay
sa buhay ko ngayong walang nagmamahal;
bakit ba irog ko, di pa nakisabay,
sa nalalapit nang aking pagkamatay!
Kung nagpupuyos na sa akin ang lungkot
ang hinanakit ko sa langit ay abot,
ewan ba kung bakit natiis ng Diyos,
ikaw na mahal ko’y inilayong lubos!
Bakit nga ba noong namamanglaw si Adan
ay hindi nagkait ang Diyos na mahal:
si Eva ay agad hinugot sa tadyang
upany makasama sa lupaing banal!
Ngunit balintuna! Kami ng irog ko:
ang pagmamahala’y matigas sa bato;
ewan ba kung bakit walang anu-ano
kinuha ng Diyos ang irog kong ito!
Di iniaalis na paghiwalayin
yaong mga pusong sa pagsuyo’y taksil,
ngunit yaon namang sa sumpa’y taimtim
huwag sana naman Niyang kinikitil!
Iyan lang ang aking isang hinanakit
su uking yumaong kapilas ng dibdib:
matapos na ako’y iwan sa hinagpis
manong magunitang sa aki’y magbalik!
May isang taon nang ikrw’y nawawala
na nilulunggating lagi ng gunita;
kung ikaw’y hindi ko matagpuan mutya
hahanapin kitang pilit sa pagtula!
At kung ikaw pa ri’y di ko matagpuan
pagkat itinago ng Poong Maykapal,
magpapatirapa ako’t magdarasal
nang magkita tayo kung ako’y mamatay!
Munting magtagal kang sa mata’y mawaglit
sala sa puso ko’t sala rin sa dibdib;
kaya ba’t sa iyong ginawang pag-alis
tumututol ako’t naghihinanakit!!









