Ni DAVID T. MAMARIL
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 10, 1946)
I
Bunga bawa’t puso, bawa’t puso’y buhay.
Ng halamang tapat sa ulan at Araw.
Sa tumana’y tanod na lungtiang kawal
At ang pagsasalat ay inaabatan.
II
Sa pagkakahimpil ay di tumitinag,
Ang bandilang daho’y iwinawasiwas;
Nagyuko kung minsan pag hinahabagat
At kinakanlungan bawa’t pusong ingat.
III
Walang sinasayang kahi’t isang butil
Ni ayaw pahipan ang puso sa hangin;
Larawan ng isang panatang matining.
At may karilagang ambag sa tanawin.
IV
Di tulad ng ibang namumungang kahoy
Ito ang halamang kaaiit ng ibon;
May balot na tapis ang bunga pagsibol
Sa itinatagong panustos sa gutom.
V
Butil na himayin: pula’t puting bubog.
Nalagot na kwintas, perlas na sumabog:
Kapag ibinusa, (huwag lang masunog),
Bumubukang tila bumukang kampupot.
VI
Buhay bawa’t puso, puso bawa’t bunga,
Lungti kung sariwa’t dilaw kung tuyo na;
Dalagang ang puso ay kapag nakuha
Ay wala nang puri ang pagkadalagal








