Ni PEDRO M. MAGBUJOS
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 19, 1961)
SA tulong ng iyong palad na lipakin,
Kay rami ng bibig na pinakakain
Gayon man: gutom ka’t laging dumaraing
Sa bigat ng iyong maraming tiisin.
HALOS lahat sila na tinitingala,
Kamay at bisig mo ang siyang nagpala;
Silang sa ligaya ay nagpapasasa
Maanong sa iyo ay makagunita.
IKAW kung masawi nang dahil sa bayan,
Ni walang tumingin sa mga naiwan;
(Mayro’n man ay isang hamak na parangal
Na ipabaon ka sa iyong libingan.)
KAHIT sa kamunting magawa mong sala,
Higit na ibayong pataw na parusa;
Sila kung mamali’y hindi nangangamba,
Sa salang nalikha’y nakangingiti pa.
KABALINTUNAANG buhay sa pighati,
Sandakot na dangal na sinasalapi;
Habang sa bayan mo’y may masamang binhi,
Ay bubot ang bunga ng gintong lunggati.








