Ni ANICETO F. SILVESTRE
(Unang nailathala: LIWAYWAY Agosto 17, 1970)
MAKATA’Y
itinanging lubos: tala sa karimlan,
tinig sa daigdig, sa lawak ay diwang
ang itinatala ay likha ng Paham.
Animo’y may pakpak:
doon sa Olimpo’y matang nakatanaw
saka sa Parnaso ay nagdipang kamay.
MAPAGTIIS:
ligaya ang dulot ay siya ang wala,
at tunay na martir: utak, dugo’t luha
ang idinidilig sa uhaw na lupa …
Batong hiyas manding
tinutuhog niya ang mga salita
at ikinukwintas sa inaadhika.
MABUBUHAY
sa tubig ng bálong ng mumunting habag,
sa daan ng dusang bato’y matatalas …
Tanang karangyaa’y ikait nang lahat
huwag lang ang layang
umawit, tumanlaw-umibig, mangarap,
habang itong mundo’y kanyang binabagtas
UMAAWIT:
tinig, di magmaliw; tula’y di maubos-
tulad ng sa hangin, parang, alon, agos,
sa pagluwalhati sa madlang kariktan…
Sa ganyan-siyang talisuyo
ng Langit at lupa, marahil
malapit sa Diyos… makasalanan man!








