Ni JOSE JOSON SANTOYO
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 11, 1950)
Irog ko, halina, tayo ay mamangka
Sa dagat ng buhay na maalong lubha;
Sa laot na yaong pugad ng dalita,
Ating paghanapin ang lugod at tuwa!
Dakilang panata ang magandang lunday,
Habı sa pagsintang ating binukluran;
Matibay na gaod yaring pagmamahal
At pagtatapat mo ang manigong sagwan!
Sa unos at sigwang malimit dumating,
Puso mo’t puso ko’y di dapat manimdim;
Ang mga pagsubok habang dumirirn,
Lalong tumatamis ang kakamting aliw!
Ang ating sumpaan habang magkabuklod,
Kusang masisindak sumuno ang lungkot;
Sa pagmamahalang dalisay at taos,
Bulang nababasag ang mga himutok!
Irog ko, halina at huwag masindak,
Mamangka’y matamis sa piling ng liyag;
Sa likod ng dusa na makakaharap,
Naghihintay, mahal, ang ginhawa’t galak!








