Ni BARTOLOME DEL VALLE

(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 24, 1946)

Ang kawayan habang mura at bago pang tumutubo,

Mataas na alapaap ang laging itinuturo;

Pag lumaki ang kawayan at nasunod na ang anyo,

Ay sa lupang tinubuan sapilitang yumuyuko.

            Ang tao ay kawayan ding habang bata ay palalo,

Ang akala bawa’t nasa ay hindi na mabibigo;

Hindi man lang iniisip at hindi rin natataho,

Na ang taas at kalakha’y unti-unting naglalaho.

            Ang uud na namamahay sa lupi ng isang dahon,

Habang uud na maliit ay dahon ang linalayon;

Pag lumaki’y paruparong bulaklak ang linalayon,

At ang dahong nag-andukha’y iniiwan sa linggatong.

            Ang tao ay uud mandin ang kauri at katulad,

Pag malakas na ang buto’t malalabay na ang pagpak,

Ang tahana’y iniiwa’t sa lupalop naglalayag,

Ang magulang na nagkupkop sa tahana’y umiiyak.

            Ang malaking punong mangga ay langit ang pinupugad,

Ang bayabas na maliit, tinutungha’t hinahamak;

Kung bumagyo itong mangga ay sa lupa rin babagsak,

Ang bayabas na mahina’y nakatayong hahalakhak.

            Ang tao ri’y punong mangga ang katulad at kauri,

Kung malakas at mayaman ay sa langit gumigiri,

Mayrong kutya sa mahina’t sa mahirap, may aglahi.

Pag naglaho ang salapi, sa mahirap ngumingiti.

            Ang mataas at dakila sa rurok ng bahag-hari,

Nagtatalik sa ligaya’t nalilimot ang pighat;

Pag bumagsak na sa lupa, at nakaramdam ng hapdi,

Saka lamang nagbabago ng isipan at ugali.