BAWAT PAGKABIGO …

Ni CONRADO C. FAJARDO

(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 26, 1950)

Hinintay-hintay mo sa gabi ng palad

Ang isang umagang lipos ng pangarap;

Inasam-asam mo sa diwa at hagap

Ang ningning na isang darating na bukas.

Ang puniwala mo: sa buting itanim

Ay ibayong buti ang aning kakamtin:

Ang pananalig mo: sa gawang magaling,

Malao’t madali, bunga’y magaling din.

Umaga’y dumatal: pagkaganda-ganda;

Ngunit hindi iyo, umaga ng iba:

Ang sugat ng pusong dati’y makirot na,

Sa nangyaring ito’y lalung kumirot pa.

Kaysaklap mabatid ng katutohanang

Ang ganda ng bula’y nasa tingin lamang!

Kaypait lunukin ng balighong buhay:

Bayaran ng “tanso” ang “gintong” pautang.

Sa pagkabigo mong halos susun-suson,

Pati ng Bathala’y nasisisi tuloy;

Ang paniwala mo’t pananalig noon,

Ibig mong talikda’t baguhin na ngayon.

Subalit mali ka! Puso mo’y tatagan,

At magtiwala ka sa Poong Maykapal:

Bawat pagkabigo’y … palapit na hakbang

Sa kahit mahuli’y … tiyak na tagumpay!