Ni ROGELIO L. ORDONEZ
(Unang Nailathala: LIWAYWAY, Mayo 14, 1962)
mahal…
huwag mong bakasin sa dalampasigan ang masayang araw
nang kita’y kapiling
habang minamasdan ang alon ng dagat
na humihinaing…
butuhang katawan
ay nasa himlayan!
mahal…
huwag mong naising ihatid ng hangin sa iyong pandinig
ang masuyong tinig
nakaulayaw mo sa maraming saglit
na pananaginip…
mga labing mamad
ay nakikitalad!
mahal…
huwag mong hanapin sa mga bituin ang ningning ng titig
na nagsilbing tanglaw
sa iyong pagtahak sa bawa’t hilahil at dusa ng buhay…
malamlam na mata
waring pipikit na!
mahal…
huwag mong damahin sa sikat ng araw ang init at alab
ng aking pag-irog
na nagpaindayog sa kamalayan mo doon sa tugatog…
dugong tumatakbo
wala nang silakbo!
mahal…
wala na ang kinang ng talang sumaksi sa paglalambingan…
ang pingot na buwan
ay kusang nagtago sa lundo ng ulap sa pamamaalam…
ang pintig ng puso’y
madalang na lamang!








