Ni JUAN C. BUGARIN
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hulyo 2, 1951)
At ito,
ang ligaw na punla:
nalaglag sa bato,
nawala!
Di pala nakapagsusupling
sa batong talaga
ang tanim!
Tinangay
ng amihang gala:
tumubo sa linang
ang punla.
Nag-usbong
lumaki’t lumago:
namunga na ngayon
ng ginto.
Sa sama,
dakila mang mithi,
nalalantang tangka
ang binhi.
Gayunman,
ang Ilaw ng Diyos
ay natatagpuan
sa Gulod…!








