OH, ANG BUHAY…

Ni CATALINA P. FAJARDO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 24, 1946)

Ang buhay ng tao dito sa sinukob

Minsa’y maligaya kung minsa’y malungkot;

Guhit ng palad kong sa ligaya’y kapos

Kasabay ng mundo sa kanyang pag-inog.

            Ang buhay ay ganyan sa mundong ibabaw

Minsa’y matapat ka sa kaligayahan;

Ang buhay ng tao na animo’y ilaw

Minsan maliwanag, kung minsa’y malamlam…

            Sadyang ganyan yata ang buhay na angkin

Ang ninanais mo’y mahirap na kamtin;

At sa paghahangad ng ligaya’t aliw

Madalas maligaw sa maling landasin.