Ni J. VILLA PANGANIBAN
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hulyo 14, 1947)
Sa mukhang maragat ng ating daigdig, —sa kasilanganang
ang bawa’t umaga ay laging kayakap ng gintong liwayway
ay may mga pulong tinampok na supling ng nunukang Araw,—
mga pulu-pulong parang isinabog na binhi ng palay
at ang pinatira’y mga kayumangging nilipi sa tapang
na sapul sa mula’y agad minalaya sa kabayanihan.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Mga munting bintang sa pisngi ng dagat ay guhit at bula,
hagibis ng hanging sandaling madama’y madaling mawala
ang may dalang “Mangging” “kayo” kung igalang ng bata’t matanda;
at sa mga pulong dito’y nakasabog: nangalat, nagpunla,
nagsipanahan, nangagsipamuhay, nagbato’t nagkuta;
mga pulu-pulo’y lupang tinubuang ginawang dambana.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Pulpugan ng unos, daanan ng bagyo, lansangan ng hangin:
ang dalampasigang walang kasinghaba’t di masukat-tingin,
ang mga baybaying napapalibutan ng maraming bangi’y
kahalikan naman ng mga amihang mayaman sa lambing?
at ng mga ulang may dalang hilagyong pambuhay pananim…
kaya bawa’t pulo’y sariwa’t lungtiang walang pagdidilim.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Mga bundok, gubat, burol, lambak, tangway, ilog, dagat, lawa,
ay pawang may ingat na yaman ng bayan at yaman ng diwa;
sa labas: tanawing pambagbag ng puso’t pangarap makata;
sa loob ay ginto, pilak, bakal, ling,—mina’t yamang pawa…
mga tagong lihim na sa panunuklas di ka magsasawa
at di mauubos sa libong dantaon ng pagtitimawa.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Kung sa panahon man ng Hadyi sa Sidi at ni Madya Pahit,
mga nuno nati’y binisaya nila’t inaliping pilit
at ang hinging buwis ng hadyi at madya’y ang padalang-sulit
na bungkal sa lupa o kadlo sa lawa at malamang pasig,
panaho’y napit ding nikat ang paglaya; at taas ang titig
na sa mga pulo’y napapamalasak ang angking pag-ibig.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Nang dito’y ipadpad ng along malundo ng malaking dagat
ang isang dayuhang sa lupang mayama’y sadyang naghahanap,
pagsapit sa pulo, sa puso’y niyaring dito na mamugad
pagka’t di lang yaman ng gintong maningning at minang makislap
ang dito’y nakita: pusong kayumangging marangal mangarap
at katiwasayang walang katapusan at walang katulad.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Nagmula na noon ay lalong nabuklod sa isang damdamin
at ang kayumanggi’y marahang napukaw sa pagkagupiling,
natutong tumingin sa trono ng langit sa pananalangin
sa kanyang sarili’y natutong dumiwa’t natutong manimdim:
—Talaga ng Diyos!—ang damdaming-bansa ay kusang nagising,
Mga kasingmanggi’y kapuso’t katibok sa isang hangarin.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Magsabing malinaw yaong kasaysayan nitong kapuluan…
Sa alitang-bansa ng lumang panahon ay bagong dayuhan
ang nuha sa pulo…nguni’t puno namang malamig ang kamay
na ang kayumanggi’y sa sipag at dunong madaling inakay.
“Magtanim ng bait, ang magiging ano ay kaligayahan.
“Magpunla ng dunong, ang magiging bunga ay katiwasayan.”
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Sa talang maitim ng bagong daigdig ay madugong digma
ang sa mga lahi at sa mga bansa’y lumingkis, gumiba.
Panginori’t dilim, ang ngitngit ng langit, ay nagsak sa lupa
Ang lahat ng pulo at maraming haying bayaning napuksa.
Pulong Korehidor, Bataa’y kasama ng mundong nagluksa.
Nguni’t nang mahawi ang karimlan, tayo ay naging malaya.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
Ngayong hawak natin ang sariling laya at sariling palad,
tungkulin ng lahat ay magtulung-tulong sa isang hinagap.
Ipakita nating sa buong daigdig na tayo ay ganap
na lahing dakila, — ay pagkakaisa at di tulak-tulak;
sa iisang lahi at isang wika’y magkasamang lahat,—
Mutya ng Silangan ay tunay ngang mutyang marangal ang sikat.
Ang bayan ko’y ito…
Ito ang bayan ko.
(Tulang binigkas ng may-akda sa Malakanyang noong ika-8 ng Hulyo, bilang pagdiriwang sa pagkaganap ng unang taon ng pagsasarili ng Pilipinas)








