Ni DAVID T. MAMARIL
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 19, 1950)
Nene, ang anyo mo kung pinagmamalas,
Ang nakikita ko
Ay sanlibo’t isang hugis ng pangarap;
Ilan lamang dito ang aking sinulat
Upang matanto mo
Na ikano ay supling ng Amang masikap:
Kung kalung-kalong ka ng Ina mo, Nene,
At hinahalikan
Ang musmos na pisnging kulay luwalhati …
O, ako ay lihim na nananaghili-
Baka maubusan
Ng bango ang aking mauhawing labi!
Minsang mangiti ka sa iyong pagtulog
Na kalaro’y anghel
Sa hamak na duyang binungkos na kumot;
Ang ngiti mong yaon sa diwang matayog,
Umis-dulaginding
Sa ibig magbiro na pilyong bubuyog!
Minsan ding umuha kapag binubwisit
Ng lamok na tila
Tuksong nananadya sa nananahimik;
Sa uha mo naman ang nauulinig
Ay si Maria Clara
Ni Gat Jose Rizal sa kanyang pag-awit!
Naroong isiping reyna ka sa trono,
Mona Lisa kaya,
O kaya’y ang bantog na Venus de Milo;
Minsang maging Celia o Juana de Arco-
Pag muling umuha …
Ikaw rin si Nene, ang munting bunso ko!
Nene, ang anyo mo kung pinagmamalas,
Ang nakikita ko
Ay isang babae-Inang Pilipinas;
Ibig kang subuan ng “kutsarang pilak”
Danga’t ang Ama mo
Ay isang Makatang kapatid ng hirap!
Nobeleta. Kabite








