Ni Erwin M. Mallari
TULALA ang gubat. Huni lang ni Maya ang maririnig sa pagbaba ng batang si Usa mula sa tahanan niya.
Lingon sa kaliwa at lingon sa kanan. Nagtataka si Usa kung nasaan ang mga kaibigan.
Wala ang kalaro niyang si Kuneho na takbo nang takbo sa damuhan.
Wala rin ang kakuwentuhan niyang si Oso na nakatambay sa pukyutan.
Wala ang kakulitan niyang si Unggoy na sasabit-sabit sa mga puno.
Tahimik ang lungga ni haring Leon.
Pabigat nang pabigat ang yabag ni Usa.
“Goooooooook! Usa! Gooook,” tawag ni Kuwago habang pumupungas-pungas.
Napalingon agad si Usa sa mayabong na puno ng akasya.
“Kuwago, nasaan ang ating mga kaibigan? Wala ang aking mga kalaro at kakuwentuhan,” pag-aalala ni Usa.
“Sapilitan silang kinuha ng mga sirkero, Goook.”
Nanlaki ang mata ni Usa kasabay ng kaunting paghigop ng hangin para makasagot.
“Pero kaibigan natin ang mga sirkero ng gubat.
“Dati’y marami silang binibigay na pagkain at naglalaro pa kami sa kubol.
“Bumabalik din kami pagkatapos ng pagtatanghal sa bayan,” wika ni Usa.
“Kakaiba ang mga sirkerong dumating. Masasama sila, Gooook!
“Iginapos at ikinulong ang mga kaibigan nating sina Unggoy, Oso, Kuneho at maging si Leon.
“Dinala sila sa kabilang bayan, Gooook,” paliwanag ni Kuwago.
Sandaling sinilip ni Usa ang kalangitan ng kanluran kung nasaan ang bayan. Ibinuga ang natitirang mabigat na hininga.
“Puntahan natin sila, Kuwago,” pakiusap niya sa inaantok na Kuwago.
“Mapanganib, malupit ang pinuno ng mga sirkero. Isang matandang may kamay na bakal,” babala ni Kuwago.
Pero hindi nagpatinag sa babala ni Kuwago si Usa. Lumakad papuntang bayan. Sinundan ang ingay na nagpatahimik sa gubat.
Sumunod naman si Kuwago sa batang nag-aalala.
Pagdating ni Usa sa bayan. Bumulaga ang dambuhalang kubol na animo’y pinaliguan ng banderitas.
Dahan-dahan siyang umiikot papunta sa likod kung saan galing pumapalahaw na sigaw. Pagsilip niya.
“Sumunod ka!” sigaw ng sirkero kay Oso sabay haplit ng latigo.
Napayuko at napapikit si Oso.
“Huwag kang magalaw!” pagalit naman ng isa kay Kuneho habang nasa loob ng itim na sumbrero.
Tumupi ang tenga ng nanginginig na si Kuneho
“Susunod o latigo?” sigaw ng pinunong sirkero na may bakal sa kamay.
Sino ang mananaig sa matinding sagupaang naganap sa pagitan ng mga hayop at sirkero?

Lalong minadali ni Unggoy ang pagbibisikleta.
Sunod-sunod ang paghaplit ng latigo sa entablado.
Hirap at takot ang nakita ni Usa sa mga mukha ng kaibigan niya.
Nang bumakat ang mga balat ng sirkero sa kanilang kamiseta dahil sa pawis. Umalis na ang mga ito para magpahinga. Dumating na ang pinakahihintay ng batang nakasilip.
“Usa, anong ginagawa mo dito? Baka mapahamak ka!” sabi ni Oso.
“Tutulungan ko kayong makatakas para makabalik sa gubat,” bulong ni Usa.
Kinagat ni Usa ang tali ni Oso sa paa.
“Hoooooy! Ano ginagawa mo!” sigaw ng pinunong sirkero.
Nagulantang si Usa pati ang mga kaibigan niya.
Biglang nagsidatingan ang ibang sirkero.
Sinunggaban si Usa ng mga sirkero. Simbilis ng kidlat niya itong naiwasan. Pero marami ang mga sirkero at napalibutan siya kaya nadakip si Usa.
“Tulong!” sigaw ni Usa sa mga kaibigang pinayuko ng takot.
Hinawakan ng pinunong sirkero si Usa sa bibig. Halos mayukot ang mukha niya dahil sa kamay na nakabalot sa bakal.
“Ako ang masusunod sa mundong ginagalawan ninyo!” sigaw ng pinunong sirkero.
Nagpupumiglas sa sakit si Usa.
Dumagundong ang kubol sa sigaw ni Leon.
“Laban! Raaaaarwwww!” sabay damba sa isang sirkero.
Naalis ni Kuwago ang pagkakagapos kay Leon na nasa may pinakasulok ng kubol. Sumunod pala si Kuwago sa batang nag-aalala.
Nabuhayan ng loob ang mga hayop at isa-isang inalis ang mga taling pumipigil sa kanilang maging malaya.
Napaurong ang mga sirkero. Nakawala si Usa sa kamay ng pinunong sirkero. Sinugod ni Leon ang mga sirkero hanggang sa natakbuhan ito papalayo.
Naiwan ang pinunong sirkerong may kamay na bakal. Dinamba siya ni Leon at sinigawan ng pagkalakas-lakas. Halos mabutas ang bamban ng tainga niya. Nawalan ng malay ang pinuno dahil sa takot.
Itinayo ni Leon si Usa.
“Napakatapang mo, batang Usa,” ani Leon.
Sabay-sabay silang lumabas. Tumakbo sa kapatagan. Itinapon ang mga latigo at tali nagbigay takot sa kanila. Binaybay ang kahel na kalangitan patungo sa tahanang malaya.
Lumayo sa mga mapanamantalang tao na gustong magdikta sa buhay nila gamit ang dahas at takot.
Malaya na sila at malayang mamumuhay.
Pagbalik ng mga sirkero, inabutan nila ang kanilang pinuno. Nakahiga sa sahig at walang malay. Wala na rin ang mga gamit nila sa pananakit at pananakot ng hayop.
Bumangon ang pinuno at hinubad ang bakal sa kaniyang kamay.
Kinabukasan, binuksan ang sirkus.
Wala nang hayop sa palabas kundi puro salamangka at pag-aaliw sa iba’t ibang paraan ang natunghayan ng mga tao sa bayan.
Walang tigil ang palakpakan ng mga tao. Tuwang-tuwa at mangha ang mga nanonood kahit walang oso na nagbabalanse ng bola sa kamay, kuneho na lumalabas sa itim na sumbrero, nagbibisikletang unggoy, at leon na nagtatanghal.
Naisip ng pinuno na baguhin na ang klase ng sirkus sa bayan. Malaya ang gustong magtanghal at walang kinakatakutang kamay na bakal. Wala na ring hayop na pinipilit matuto at sumunod sa mga bagay na tao lang ang nag-imbento. Ito na ang naging huling sirkus ng gubat.








