Ni EMILIO A. BUNAG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 16, 1951)
AKO’Y nanalangin sa dakilang Diyos,
yukung-yuko ako at luhud na luhod,
ang hinihingi ko’y katawang malusog,
matipunong bisig at lamang malintog;
sapagkat aniko, kung ako’y marupok
ang mga layon ko’y hindi masusunod,
anumang balaki’y di-maitatagpos,
anumang gagawi’y madaling malugmok,
AKING iniluhog nang buong taimtim
na sa kayamanan ako ay busugin,
sa pilak at ginto’y kaya ko nang bilhin
ang anumang bagay na nakaaaliw;
saka, kung may yama’y di ko na daramhin,
ang hirap ng “wala” kung dusta-dustain;
magbibigay ako sa bawat dumaing,
igagalang ako at titingalain.
AKIN ding hininging mahigit sa lahat
na sa karunungan ako ay matanyag;
ang dunong, aniko’y susing magbubukas
sa alinmang pinto ng mabuting hangad;
ang mangmang na tao ay aking talastas
laging nasisikil, laging umiiyak;
kaya, Panginoon, Ikaw ay mahabag
at sa aping buhay, ako ay iligtas,
AWA ng Bathala, ako’y pinakinggan,
lahat ng hiling ko’y Kanyang tinaggihan;
Kanyang pinarupok ang buto ko’t laman
upang di malimot na ako’y magdasal;
ako’y pinalaging maralita’t mangmang
upang hindi maging palalong kinapal;
ang makasasama’y hindi ibinigay,
at ako’y naligtas sa kabubuliran!








