Ni EMILIO A. BUNAG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 17, 1950)
Ang Bathala ay may sinag, ngalan nito’y karunungan,
O! Ang dunong, sa daigdig at sa tao’y siyang ilaw!
Nangunguna sa landasin, nangunguna sa katwiran,
nagliligtas sa panganib, nagtuturo, nag-aakay;
sa puso ng mga tao ay mayabong na halaman,
pitasan ng mga aliwa, ng ginhawa’t karangalan;
sa dibdib ng mga lahi’y agimat ng kagitingan,
hagdanan ng pagkaunlad, sandata ng kalayaan;
pagkain ng nagugutom, inumin ng nauuhaw,
pampalakas, pampasigla, pampaganda, pampabuhay!
Inuusal na dalangin sa tahanan ng mag-anak
na sa angka’t lahi nila’y may matanging isang utak;
layunin ng mga bayang ang dunong ay lumaganap
hanggang sa nayon at bukid, mulang lunsod, hanggang gubat;
tingnan ninyo: kabataang pag-asa ng ating bukas,
dala’y aklat ng talino, bao’y dunong ng panulat;
sa kanila, balang araw, ang magiting ay sisikat,
magbabangon ang bayani, ang marangal, ang mapalad,
matutuwa ang magulang na nagsimpan at naghirap,
magpupuri pati bayang kinagisnan at nilingap.
ang talino, iyang dunong, ay hiyas ng puso’t diwa,
dumadalisay ng budhi, nagpapayaman ng wika;
natutuklasan sa dunong ang pagsamba sa Bathala
at pag-ibig sa magulang na sa atin ay nagpala;
kabanala’t pagtitiis, puri’t pagpapakababa,
kung nabatid man ng tao’y sa dunong din naunawa;
pag may dunong ay may yaman, mahirap man ang binata,
pay may dunong ay may ganda, kahit pangit ang diwata;
pag may angking karunungan, ma-matanda man at bata
umaani ng tagumpay, ng pitagan at paghanga.
Anupa nga’t masasabing ang lahat ay maaari,
pag may dunong at may buhay, tagumpay at luwalhati;
Iyang halaman ng dangal, makasampu mang mabali
magagawa ng talinong makasampu ring mabawi;
kama-kamalig ding yaman ang matugnaw at mapawi
kama-kamalig ding yaman pagka dunong ang “nagsoli”;
habang may dunong ang tao’y hindi hamak na palagi,
habang may dunong ang tao’y hindi ganap na lugami,
may langit ang kaluluwa, may yamungmong ang ugali,
may laya ang bawat bayan, may puri ang bawat lahi.








