ANG TUNAY NA MISIS

“Napapabayaan na ni Lani kaming mag-aama,” sabi ni Raul. “Malapit pa ang loob ng mga bata kay Inday kaysa kanya.”

Ni BELLA ANGELES ABANGAN

(Unang Nailathala: LIWAYWAY, Disyembre 2, 1968)

KATATAPOS naming maghapunan nang dumating si Raul. Pinsang buo ko ang misis ni Raul. Katulad ng dati ay isang litanya ng mga hinanakit ang dala ni Raul at kay Peping, sa aking mister, niya inihihingang lahat.

Pagkaabot ko ng isang tasang kape kay Raul ay kinayag ko na sa silid-tulugan ang aming tatlong tsikiting. Tulog na sina Annie, Alde, at Anthony ay naroon pa rin si Raul at di matapus-tapos sa pagsusumbong kay Peping ng mga hinaing.

Ipinagpatuloy ko ang paggawa ng lesson plan para sa kinabukasan. Si Peping ay patuloy naman sa pakikinig kay Raul. Napapatingala si Peping, minsang mapailing, minsang mapatungo. Wari’y tinitimbang na mabuti ang suliranin ng kausap.

“Hindi bale sanang mag-opisina siya,” sabi ni Raul. “Pero napapabayaan na niya kaming mag-aama. Panay ang kanilang obertaim, kaya tulog na sina Marivic at Gene kung siya’y dumating. Malapit na ang loob ng mga bata kay Inday kaysa kanya.”

“Ngayon lang naman yata ‘yan mula nang mabili ng iba ang kumpanya nina Lani. At saka, di ba napataas siya ng puwesto? Assistant manager na siya? Siyempre, maraming trabaho.”

Tumindig si Raul at inilahad ang dalawang kamay, sabay wikang, “’yan ang nagpalubha sa problema. Lalong di mo mapahihinto ngayon ‘yon. Sobrang ambisyosa! Pero ang kailangan ko’y ‘sang tunay na misis, at ang hinahanap-hanap ng aming mga anak ay ‘sang tunay na Mommy.”

Napapikit ako.

Bawa’t pintas ni Raul kay Lani ay parang mga tinik na tumitimo sa aking damdamin. Paano’y pinsan ko nga si Lani. Batid kong hindi makaaalis si Lani sa kumpanyang iyon pagka’t ang pitundaang pisong kinikita niya rito ay pambayad sa kanilang tsuper, sa tutor ng mga bata, kusinera, labandera, hardinero at sa dalawang katulong sa bahay. May piano lesson pa si Marivic.

MINSAN ay nabanggit ko kay Lani na maaari naman siyang huminto sa paghahanapbuhay kung siya’y gagawa lamang ng masinop na badyet.

“Naku, Ming, mas malaki ang suweldo ko kaysa kay Raul. At saka di ako puwedeng gumawa sa bahay. Alam mo naman, kahit noong dalaga pa ako e puro utos na ako. At sayang din ang aking degree kung mabubulok lang ako sa bahay.”

“Kasi, high standard ang takbo ng pamumuhay n’yo. Di ba malaki pa ang suweldo ni Raul kaysa kinikita naming mag-asawa?”

Pumiksi si Lani at ako’y inirapan. Sayang lamang ang aking mga payo. Matigas ang ulo ni Lani, palibhasa’y nag-iisang anak ni Tiya Mameng.

Si Lani at ako’y magkababata, iisang bakuran ang aming pinaglaruan. Iisang paaralan ang aming pinasukan sa elementarya at high school. Magkaiba lamang ang aming karera. Pagtuturo ang pinag-aralan ko at siya’y Business Administration. Nang kami’y lumagay kapwa sa tahimik ay lalong nagkalapit ang aming loob pagka’t sa iisang subdivision sa karatig ng Maynila kami nagpagawa ng bungalo. Dalawang bloke ang layo ng bahay nila sa amin.

Nagsimula bilang sekretarya si Lani sa malaking kumpanyang iyon. Pagkaraan ng ilang taon ay ipinadala siya sa Amerika upang magpakadalubhasa sa management. Doon niya nakilala si Raul, isang iskolar. Bago napakasal si Lani kay Raul ay pinasumpa niya ito: hindi siya patitigilin sa pag-oopisina.

ISANG hapon, naroon ako sa silid 202, kaharap ang labinlimang staffers na pawang kumukuha ng Journalism 11 sa Pilipino, nang mamataan ko sa may labas ng pintuan si Lani. Nabigla ako.

Saglit akong natigilan at napakunot-noo. Nginitian ko si Lani at sinenyasang maghintay. Maya-maya’y kumuliling ang bell. Natuwa ako pagka’t bakante ang silid 202 at ako’y bakante rin.

“O, mabuti’t napaligaw ka,” masaya kong bati kay Lani.

Walang kibo si Lani. Wari’y may lambong ng ulap ang kanyang mukha. Binatak ko siyang papasok sa silid at binigyan ng upuan.

“Bakit ka napasagsag? Wala ba kayong pasok? Ano’ng nangyari?” sunud-sunod kong tanong. Katunayan ay talaga akong kinakabahan. Wari’y may mabigat na suliranin si Lani. Gumuhit na bigla sa aking isip ang huling sinabi ni Raul na may himig pagbabanta.

“Ming, may problema ‘ko, napakalaki!” simula ni Lani na ang tinig ay tigib ng lumbay.

“Tena sa ‘ming guidance counselor.”

“Puro ka biro, eto nga’t di na ‘ko halos makahinga sa problema!”

“Aba, huwag kang hihimatayin dito. Malayo ang klinika.”

Yumuko si Lani at lalong naging pormal ang mukha. Nagbibiro man ako’y kinakabahan naman. Masakit pakinggang ang huling pangungusap ni Raul nang gabing iyon:

Kapag ganyan nang ganyan ang buhay namin ay di niya ‘ko masisisi kung ako’y maghanap ng ibang kaligayahan.

Naupo ako sa harap ni Lani. Tulad ko’y alagad ng Diyos na handang makinig ng isang pagtatapat.

At nagsimulang mangumpisal si Lani.

“Alam mo namang may tatlong buwan lang ako sa bago kong tungkulin. Utang ko ito sa bagong may-ari ng aming kumpanya na siya rin naming presidente, si Mr. Montemayor.”

“Di ba nakaklase mo ‘kamo sa UP noon si Mr. Montemayor?”

“Oo, kaya nga nang magretiro ‘yong assistant manager ay di kataka-taka na ako ang ipalit niya, tutal nasa ranking naman ako.”

“E, ‘no ngayon ang kaugnayan niyan sa problema mo?”

Inilabas ni Lani sa kanyang puting handbag ang isang liham at iniabot sa akin. “Eto, mabuti pa’y basahin mo ang sulat na natanggap ko kahapon.”

Napakunot-noo ako nang matunghayan ang maikling liham.

Lani, mahal ko.

Napakalaki ng aking suliranin na tanging ikaw lamang marahil ang makalulutas. Bukas ay hindi ako papasok. Hihintayin kita bukas, ikatatlo ng hapon, sa itaas ng Shantung Restaurant sa Sta. Cruz.

Umaasa

Ric

“Aba, sinong Ric ito?” buong panggigilalas kong usisa kay Lani.

“Sino pang Ric, e di si Mr. Montemayor, ‘yong bago kong boss. Biyudo na siya ngayon. Ayan, nag-uumpisa na. Naku, Ming, na-tatakot a-ko!”

“Talaga palang malaki ang suliranin ng pinsan ko. Napakabigat nga!”

Ngayon, narito si Lani at parang sisiw na nagpapakalinga. Sisiyap-siyap. Noon ko napagmasdang mabuti si Lani. Hapis ang maganda niyang mukha bunga marahil ng magdamag na hindi pagtulog. Matamlay ang kanyang kilos. Bahaw at malungkot ang kanyang tinig.

“At pa’no ako hihinto ngayon? Ngayon pang natamo ko na ang matagal ko nang pinapangarap na puwesto?”

Pinagdaop ni Lani ang dalawang kamay. Bagama’t nakayuko ang aking pinsan ay napansin kong basa ng luha ang kanyang mukha.

“Di ko alam, Ming, ang gagawin ko,” patuloy na pagtatapat niya. “Sa darating na Linggo ay nakatakdang dumalo kami ni Ric sa kumperensiya ng Executive Development Association of the Philippines. At ito’y gaganapin sa Bagyo. Bago pa lang siya sa aming opisina kaya’t di niya alam ang mga pasikut-sikot na mga report.”

“Oy relaks, iha…relaks lang. Ganito ang ginagawa ko pag may suliranin akong nangangailangan ng pagpapasiya. Kukuha ako ng isang papel. Guguhitan ko nang pahaba sa gitna. Susulatan ko ng pamagat na Pabor at Kontra sa magkabila. At isinusulat kong lahat, “ang mga katwiran na bawa’t hanay. Pagkatapos ay titimbangin ko. At saka ko gagamitin ng isip.”

Tinitigan ako ni Lani. Nawala ang ulap na nakalambong sa kanyang mukha. Subali’t napansin kong makailan niyang sinulyapan ang suot niyang relo.

Malapit nang mag-ikatatlo ng hapon.

Kumuliling ang bell. Nagdatingan ang aking mga eskuwela. May klase ako sa susunod na period. Hinawakan ni Lani nang mahigpit ang dalawa kong kamay.

“Aalis na ako, Ming.”

Inakbayan ko siya hanggang sa may pintuan. “Lani, sa suliranin mong ito ay tanging ikaw lang ang makalulutas. Tanungin mong mabuti ang iyong sarli. Di lang puso’t isip ang ‘yong sanggunian kundi pati ng ‘yong budhi!”

SABADO. Ito ang araw na aking pinakahihintay. Maaga pa ay nagtungo na ako kina Lani. Sabik na sabik akong makita siya. Nabalitaan ko kay Raul na tuluyang nagbitiw na raw siya sa tungkulin.

Wala na ang kanilang kusinera, labandera, tsuper, hardinero at tutor. Si Lani ang umako ng lahat ng gawaing ito. Kawaksi niya si Nena, ang tanging katulong na naiwan.

Nang buksan ni Lani ang pinto ay napaurong ako dahil sa pagkabigla. Sa halip na hirap at malungkot ay masaya siya at nakangiti. Naka-jeans. Nakaturban. Wari ko’y lalong gumanda siya kaysa rati.

Para akong batang inakay niya sa bawa’t silid. Isa-isa niyang ipinagparangalan ang bunga ng kanyang mga ginawa.

Talagang iba na ang dalubhasa sa management. Kahit saan ilagay, siyempre bida. Naroon ang kanyang recipe box. Nakapaskil sa puting blackboard ang schedule of the day, menu of the week, grocery list, marketing list, at sa tabi nito ay matataguan ang budget book.

All around ka pala at mahusay kang interior decorator,” puri ko kay Lani.

“Noong una’y takot ako sa gawaing pantahanan. Pero, masarap pala ang maging isang tunay na misis. Alam mo, malambing na malambing sa akin ang mga bata. At halos araw-araw ay may bitbit si Raul na sorpresa para sa bago raw niyang misis.”

Habang kinakain ko ang masarap na keyk ay panay ang kuwento ni Lani. Napapangiti lamang ako.

“Akalain mo,” sabi pang nakatawa ni Lani, “pinasakit ko pang mabuti ang ulo ko sa kung paano ko malulutas ang suliranin kong iyon. Ang dali-dali palang lutasin…magbitiw sa aking gawain sa opisina at tanggaping maging misis na lamang. Tapos!”