Ni TEDDY REYES
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 24, 1946)
Dati’y bulaklak ka sa sariwang tangkay,
Na salang salangin ng hihipong kamay;
Noon, ang sanghaya at bango mong taglay
Pamawi ng dusa’t pampaibis-lumbay.
Dati’y ay mutya kang mabait, mahinhin,
Ningning ng bait mo’y natatanging ningning;
Kung kaya’t sa aking tapat na panimdim,
Sinuyo-suyo ka nang buong taimtim.
Subali’t… bakit ba naglaho nang ganap
ang kabanguhan mo sa pagkabulaklak?
Di ko akalaing ang tangi mong dilag,
Ay mapagkunwari’t may pusong halaghag.








