Ni Urie Clamor
SA lilim ng matandang puno ng akasya, nakatira si Lina, isang batang alitaptap. Tuwing gabi, lumilipad siya sa paligid ng puno, sinusundan ang simoy ng hangin at nakikisaya sa mga kislap ng dilim. Ngunit habang lumilipas ang panahon, ay napapansin niyang wala na ang dati niyang mga kalaro. Ang gabi ay unti-unting nagiging maingay at nakakasilaw. Ang langit ay hindi na puno ng mga lumilipad na bituin, kundi ng usok mula sa mapagbantang pag-unlad.
Isang gabi, habang nakadapo si Lina sa pinakamatandang sanga ng akasya, lumapit sa kanya ang isang marahang kislap. Siya si Lolo Ilaw — ang pinakamatandang alitaptap sa kanilang pamayanan. Medyo kuba na ang pakpak, at may kaunting sabit ang lipad, pero ang kanyang liwanag ay tila palaging may kasamang kuwento.
“Lolo Ilaw,” tanong ni Lina, “bakit parang masyado nang maliwanag ang lupa, at ang langit na makinang ay parang… nawawala?”
Ngumiti si Lolo Ilaw, saka malumanay na bumuntong-hininga. “Ah, apo… hindi naman nawala ang langit. Pero baka natabunan lang ng mga ilaw na hindi marunong makinig sa gabi.
“Dati, ang gabi ay tunay na mahimbing. Tahimik. Madilim. Payapa at mas malayang sumayaw sa hangin. Isang kumpas lang ng malambing na hangin, sabay-sabay kaming kumikislap. Ang mga paslit ay nakikipaglaro sa amin — tila pista ng mga bituin sa kalupaan.”
Napangiti si Lina. “Ang saya po no’n, Lolo Ilaw!”
“Masaya nga,” tugon ni Lolo. “Pero unti-unti, nawalan ng tahanan at may dumating na ibang uri ng liwanag. Malalakas, mainit at matatalas. Hindi na tayo ang pinapansin, pero tayo ang natatabunan at unti-unting nakakalimutan.”
Napayuko si Lina. Tumingin siya sa kanyang maliit na katawan na bahagyang kumikislap. “Kung mawawala po ang mga puno… paano po tayo makikita ulit ng mga bata?” tanong niya, halos pabulong. “Kung wala na ang dilim… para saan pa ang liwanag namin? Matatapos na rin po ang pagkinang namin sa pagsapit ng gabi.”
Hindi agad sumagot si Lolo Ilaw. Tumingala muna siya sa langit, kung saan may iisang bituin na lang ang natitira. “Ang tunay na liwanag… hindi natatapos. Minsan kailangan nitong matutong maghintay sa tamang oras na magningning sa gitna ng dilim,” sagot ni Lolo Ilaw.
“Paano po kung wala nang mga puno na tahanan? At mga paslit? Saan na po tayo pupunta, Lolo?” Muling paglalaro ng isip ni Lina.
“Apo, ang mga tulad nating alitaptap ay hindi naglalaho, dahil lahat tayo ay aakyat sa langit at doon mananatiling kikislap at kukutitap,” malumanay na tugon ni Lolo Ilaw.
Sa gabing iyon, habang ang hangin ay dumaan sa lilim ng akasya, tila may mga puso na umaawit ng pangarap at pag-asa. Nagdarasal at bumubulong sa hangin.

Kinabukasan ng gabi, habang ang ibang alitaptap ay nanatili sa mga dahon, lumipad si Lina mag-isa. Dala ang mga salitang binitiwan ni Lolo Ilaw, sinubukan niyang hanapin ang mga lugar na hindi pa naaabot ng mga tore na may nakakasilaw na ilaw. Lumipad siya sa mga batong daanan, tumawid sa mga dambuhalang yari sa makina, nagtungo sa mga gulod na hindi pa natatayuan ng bahay. Ngunit saan man siya magpunta, puro liwanag na hindi sa kanya nagmula. Nakaramdam ng pagod si Lina. Pero hindi pa siya sumusuko. Hindi pa siya nawawalan ng pag-asa.
Sa kanyang mabagal na paglipad, napadpad si Lina sa isang bakanteng lote sa gilid ng isang bagong tayong gusali. Wala na ang mga dating puno, pero may iisang punla na tila nakaligtas sa bingit ng pag-unlad. Sa ilalim nito, may batang naglalaro mag-isa — nangongolekta ng mga batong makikinang at inaayos ito sa isang bilog. Napatingala ang bata, tila may naramdamang dumaan sa hangin. At doon, sa unang pagkakataon, nakita niya ang munting kislap ni Lina. Napahinto siya. Ngumiti.
Tahimik silang nagtitigan — si Lina na nakalutang sa hangin, at ang bata na hawak pa rin ang isang maliit na batong kumikislap sa ilalim ng buwan. Walang umiimik. Walang kumukumpas. Ngunit sa katahimikan, tila may sambit ng taimtim na tinig. Dahan-dahang iniabot ng bata ang kamay, hindi para hulihin si Lina, kundi para damahin ang liwanag. At si Lina, sa unang pagkakataon, ay napaindak. Sinasayawan ang inosenteng palad… may ngiti at marahang indak ang supling, tila pagsasalu-salo ng mga munting kaluluwa.
Ilang sandali lang ang iginawad sa kanila ng mga oras na iyon, pero tila tumigil ang mundo sa pag-ikot. Nang muling lumipad si Lina papalayo, napatingin ang bata sa paligid. Muli niyang napansin kung gaano karami ang liwanag at kung gaano kaingay ang paligid — ang poste sa kalye, ang ilaw sa bintana, ang mga tunog mula sa makina ng sasakyan at mga elektronikong nagbibigay libang. Dahil sa gabing iyon, parang ibang liwanag ang mas tumatak sa kanya — at ibang huni ang kanyang narinig — ang liwanag na totoo, tahimik, at payapang awit.
Samantala, si Lina ay patuloy na lumilipad pauwi. Mabagal ang kanyang lipad, ramdam ang hapdi sa pakpak at ang pagod ng paglalakbay. Ngunit sa bawat pag-indayog ng hangin, may kasamang tuwa — at luha ng galak ng pag-asa. Sa kanyang pagbalik sa lilim ng akasya, naroon si Lolo Ilaw na sa kanya’y nag-aabang.
Paglapag ni Lina sa sanga, naroon si Lolo Ilaw, gaya ng dati — tahimik, tila matagal nang naghihintay. Hindi niya tinanong kung anong nangyari. Hindi na niya kinailangan alamin. Sa galak ng mata ni Lina at sa taglay nitong liwanag, alam na niya ang lahat.
“Matagal ko nang hindi nakikita ‘yang liwanag na ‘yan, bulong ni Lolo Ilaw habang nakatingin kay Lina. “Iyan ang liwanag na hindi lang basta galing sa katawan… kundi galing sa puso.”
Tahimik si Lina. Tumingin siya sa paligid. “Lolo Ilaw… dati po ba, marami tayo at marami rin po ang paslit na naglalaro kasama natin?”
Ngumiti si Lolo. “Aba, napakarami. Kapag sabay-sabay kaming kumikislap, akala ng mga paslit, may pista sa langit. Pero hindi naman talaga langit ang tinitingala nila noon… kundi tayo. Mga bituin sa lupa.”
“Nasaan na po ang mga kapwa natin bituin at ang mga paslit?” tanong ni Lina.
Huminga nang malalim si Lolo Ilaw. “Naghanap ng punong matitirahan. Nagbabakasakali na muling matandaan. Nawalan na tayo ng masisilungan at naglaho tayo sa alaala ng maraming kabataan.”
“Lolo…” tanong ni Lina, halos pabulong, “kung bumalik po ang mga paslit at makakaalala ang lahat sa atin, babalik din po kaya sila?”
Tumingala si Lolo Ilaw sa langit. Sa pagitan ng mga alon ng ulap at ingay ng lungsod, may iilang bituin na sumisilip.
“Maaari,” tugon ni Lolo Ilaw. “Kung ang mga punong tahanan ay muli nilang itatanim. Aalagaan at mamahalin. At dumating ang oras na may mga batang marunong tumingin. Mga batang marunong makinig sa gabi. Baka magdiwang muli sa hangin.”
At sa gabing iyon, habang ang hangin ay dumaan sa lilim ng akasya, tila may mga puso na umaawit ng pangarap at pag-asa.
Nagdarasal at bumubulong sa hangin.
Na kung may pusong munti na magmamahal sa paligid —baka dumami ulit ang bituin sa lupa.








