KAY-TAAS NG MGA BITUIN

“Sendo… Sendo… aalis na kami!” pagpapaalam mo. Tinangka kong ngumiti ngunit…

Ni GREGORIO FLORENCIO

(Ang akdang ito ay nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa timpalak na Pang-Estudyante at unang inilathala noong ika– 11 ng Oktubre, 1954)

ANG bundok na iyon… kay layo, kay tarik. Ngunit sa tuwing matatanaw ko ang bundok na iyon ay sinasagilahan ako ng pagkalungkot, pagkabalisa, pagkainip at pangungulila.

            Ang katarikan ng bundok na iyon ay iba na ang kahulugan sa akin. Iyon na ang aking kalbaryo, ang kalbaryong kailangan kong maahon at matawid pagka’t sa kabila niyon ay naroroon ka, ang aking pangara, ang aking kinabukasan.

            Natatandaan mo pa ba? Alam kong hindi mo malilimutan ang ating pagkikilala. Ginabi ako sa pag-uwi noon pagka’t sinimulan na namin ni Tatang ang paghahawan sa mga pilapil ng inyong bukid na aming sinasaka. Oo, sumisipol pa nga ako sa pangangalabaw noon nang marinig ko ang iyong tili.

            Magkakasama kayo noon ng iyong mga kaibigang sina Mameng at Chit. Nahulog ang iyong bakya sa batis. Umibis ako sa pagkakasakay kay Damulag, saka ako tumalon sa tubig.

            “Maraming salamat, Sendo,” nakangiti mong sabi samantalang iniaabot ko sa iyo ang iyong bakya.

            “Alam mo pala ang pangalan ko,” may pagtatakang puna ko sa pagkakabigkas mo ng aking pangalan.

            “A, e, sinabi sa aking ngayon lang ni Mameng.”

            “Siya ang anak ni Don Manuel, Snendo, si Chit,” pagpapakilala naman sa iyo ni Mameng sa akin.

            Magbuhat noon ay dinaratnan ko na sa paso kayo ni Mameng na nagtatampisaw sa tubig. Habang nakalublob si Damulag ay nagkukuwentuhan tayo, naglalaro, dili kaya’y ipinangunguha ko kayo ng bayabas sa baybay-tibag.

            Kay-bait-bait mo, hindi ka katulad ng ibang mayaman. Kuwento ka nang kuwento, ngunit ako’y hindi makapagsalita. Ewan ko nga ba, habang nalalaunan ay parang sumisidhi ang pagkahiya ko sa iyo. Saka, alam mo, nang matagalan ay kinakabahan ako kapag nakikita kita. Parang ibig kong umiwas sa iyo, ngunit nananabik naman akong makita ka kapag wala ka sa abot ng aking paningin. Kung natutulog naman ako ay lagi kitang napapanaginip.

            Datapwa’t sa araw-araw na pagkikita nati’y wala akong nakikitang pagbabago sa iyo. Lagi kang nakangiti, lagi kang masayya at sa wari ko’y musmos na musmos ka pa.

            Sabi ni Mameng, talaga raw ibig na ibig mong maglaro at magtampisaw sa sapa, mangyari’y bihira ka raw nakalalabas sa kolehiyo. Kaya pala araw-araw ay nasa paso kayo, ano?

            Minsan ay nasabi mo sa akin na gusto mong magkaroon ng ibon. At isang hapon  nga ay binigyan kita ng isang inakay.

            “Naku, wala pang bagwis! Gusto ko, Sendo, e may bagwis na.”

            Hindi ako nakakibo. Ibig ko sanang isagot sa iyo noon na katulad din ako ng inakay na iyon na walang bagwis upang makalipad.

            “Hindi bale, siguro, pag-alis namin e may bagwis na ito, ano, Mameng?”

            “Saan kayo pupunta?” Noon lamang ako nakapagsalita.

            “Saan pa, e di sa Amerika. Doon daw ako mag-aaral, sabi ng aking Mama,” ang sagot mong parang musmos na musmos pa nga.

            “Saan ba ang Amerika, Chit?” tanong naman ni Mameng.

            “Doon sa kabila ng bundok na iyon, sabi ng Papa!” At saka moi itinuro ang bundok na iyon. Hindi mo namalayang dahan-dahang akong nakatalikod.

            Mahirap na lamang sabihin kung gaano ang dinanas kong pangungulila. Sa tabing kalsada  na lamang ako nagpapastol  sa pagbabakasali kong makita kita kahit sa pagdaraan mo man lamang.

            Doon ko hinintay-hintay ang iyong pagdaraan. Isang araw ay nagkita kami ni Mameng. Nagmamadali siya pagka’t aalis na raw kayo. Parang binayo ang aking dibdib. Aalis na kayo… aalis na kayo! Parang ibig kong umiyak. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Tatantangin ko na lamang ang pamitik ni Damulag upang ilipat siya sa gawing kananng kalsada nang dumaan ang isang kotse… ang kotse ninyo. Sandaling itinaas ni Damulag ang kanyang ulo at parang may isp na tinanaw ang papalapit ninyong sasakyan. Malayo pa kayo’y nakita kong nakasungaw ka at kumakaway sa akin.

            “Sendo… Sendo… aalis na kami!” pagpapaalam mo.

            Tinangka kong ngumiti ngunit napatingin na lamang ako sa iyo. Nabakas ko pa rin sa iyong mukha ang kamusmusan.

            Malayo na kayo’y nakataas pa rin ang ulo ni Damulag at nakatingin sa inyong kotse. Malayo na nga kayo, ngunit nakatanaw pa rin ako sa inyo. Tinantang ko ang pamitik ni Damulag. Pagkapihit na na pagkapihit ni Damulag ay natanaw ko ang bundok ngang iyon, na sa kabila ay sinasabi mong doon kayo pupunta. Ngunit hindi ko natagalan ang pagkakatitig sa bunok nna iyon,  pagkat nahilam na ang aking mga mata.