PUTONG NG GITING

Ni JOSE JOSON SANTOYO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 27, 1951)

I

Munting bayang may sariling kayamanan at alamat

At sagana sa bayaning sa dayuha’y nakitalad;

Mandirigmang Lapulapu ang humadlang at umutas,

Nang si Maktan ay may isang Magallanes na lumunsad;

Isang Rizal ang masigla na sa punlo ay humarap,

Sa lunggating ang paglaya’y mabigyan ng tanging kislap;

Mayrong Burgos at Mabini, mayrong Lunang walang sindak,

May Del Pilar, Gomez, Malvar at Jacintong matatapat;

Isang Andres Bonifacio na nang humawak ng tabak,

Ang Araw ng katubusa’y nagningning sa Balintawak!

II

At sa dibdib nitong bayang Pilipinas nating mahal,

Napatirik ang dambanna ng gitng na walang hanggan;

Habang tayo’y nilulupig, habang tayo’y sinasakal,

Tumitindig ang bayaning sa katwira’y nagtatanghal;

Isang Quezon ang nakitang di sumuko sa labanan,

Di nagapi sa layuning itindig ang karapatan;

Mayron tayong Abad-Santos na inibig ang mamatay,

Kaysa maging tagasunod ng hapones na kriminal;

Libu-libong di-kilala na bayaning mararangal

Ang naputi sa Maynila, Korehidor at Bataan!

III

Magigiting na bayani: nagpupugay kaming lahat,

Sa dakilang alaala nitong araw na matimyas;

Kung kayo ma’y namayapang ang paglaya’y di nalasap,

Sa ulilang puntod ninyo’y kalayaan ang bulaklak;

Nanaw kayo, oo nguni, manalig na hanggang wakas,

Ang takas ng inyong giting, tutuntunin naming landas;

Sa inyo nga nakilalang bayan tayong mayrongg lakas,

Bayan tayong kahit munti’y di masupil ng pangahas;

Bayan tayong umiibig sa paglaya’t pagtatapat—

Sa katwira’y sama-samang matitindig o lalagpak!