GAANO KALAYO ANG MGA BITUIN

"Ano ba ang gusto mong mangyari ngayon?" Sumisigaw ang tinig ni Mommy. "Wala na siya. Kanina pa umalis."

Ni ADELINA D. LEREY-PARIÑAS

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 18, 1979)

LUNES ng umaga. Nagmadali ako sa pagbubuhol ng sintas ng aking sapatos. Natanaw ko kasi sa malaking relos na malapit nang magalas-siyete at ayaw kong ma-late sa klase. Ayaw na ayaw kasi ni Miss Mariano, ang maganda kong guro, na may mahuhuli sa amin sa pagpasok lalo na kung ganitong araw ng Lunes.

            “Alalahanin ninyo, Class,” sasabihin niya sa amin bago umpisahan ang pagtuturo, “na Grade Four na kayo at dapat ay huwag na ninyong iasang lahat sa inyong mga magulang ang paghahanda ng inyong mga gamit sa eskuwela.”

            Bitbit ang bag at ang baon kong sandwich na inihanda ni Mommy, palabas na sana ako ng pinto nang siya ring paglabas ni Uncle Rommie sa kanyang kuwarto. Saglit akong napatigil nang makita ko ang dala-dala niyang maleta at paper bag. Napatigil din siya at kami’y nagkatinginan. Bago ko nasabi ang gusto kong itanong ay nasa harap ko na siya, at kahit gayong pabulong lang ang kanyang pagkakasabi ay dumating iyon na parang bomba sa aking pandinig.

            “Me sakit daw si Tatang, Junior, kaya uuwi na muna ako sa ‘min.”

            Titig na titig ako sa kanya. Kahit ganoong seryoso ang kanyang mukha ay ibig ko pa ring marinig na sabihin niyang siya ay nagbibiro lang, na hindi siya talagang aalis. Nguni’t pinisil lamang niya ako sa balikat at nang sabihin niyang “Be a good boy, ha?” ay ganap kong nalaman na hindi nga siya nagbibiro.

            Iglap, nadama kong nag-init ang aking mga mata. Paiyak na nabitiwan ko ang aking bag at sugod na yumakap sa kanya.

            Marahang binaklas ni Uncle Rommie ang pagkakayapos ng aking mga bisig sa kanya at sa natatawang tinig ay sinabi, “O, bakit ka umiiyak? Babalik naman ako, a.”

            Pinahid ko ang palad ang luhang gumulong sa aking mga pisngi. “Talaga, Uncle?” Parang ayaw kong maniwala.

            “Promise. O, lakad na’t baka mahuli ka na naman ay pagalitan ka tuloy ni Miss Mariano.”

            Sa gitna ng kalungkutan ay nagawa ko pa ring magbiro. “Kay Miss Mariano, Uncle, di ka ba magpapaalam?” Si Miss Mariano ay alam na alam kong malaking pagkakagusto kay Uncle Rommie.

            “Huwag na, Junior, dahil babalik naman ako agad.”

NASA silid-aralan na ako ay ang malungkot na mukha pa rin ni Uncle Rommie ang nasa aking isip. Ilang beses tuloy akong napagalitan ni Miss Mariano dahil pamali-mali ang sagot ko sa kanyang mga tanong. Sasabihin ko sana sa kanya na umuwi na sa probinsiya si Uncle Rommie, kaya lang ay nag-aalala akong baka siya naman ang magpamalimali ng pagtuturo sa amin. Aywan ko ngunit parang may nagbubulong sa akin na hindi na babalik sa amin si Uncle Rommie. Na hindi na kami muli pang magkikita.

            Natatandaan kong nasa Grade Two pa lang ako nang unang tumira sa amin si Uncle Rommie. Kay Uncle ang tawag ko sa kanya ay dahil pinsang makalawa siya ni Daddy.  Ayon na rin sa pagkakakuwento ni Daddy ay sabay raw silang lumaki ni Uncle sa Abra, ang bayang sinilangan ni Daddy. Doon sila nagtapos ng haiskul at kaya lang nagkahiwalay ay nang pumunta na nga rito sa Maynila si Daddy. Dito na nakilala ni Daddy si Mommy. Dito na sila ikinasal at dito na rin ako ipinanganak ni Mommy.

            Si Daddy at si Uncle Rommie ay halos hindi nagkakalayo ng itsura. Marami pa nga ang nagsasabing parang kambal ang dalawa. Pero para sa aking sarili, at ito ay hindi ko sinasabi kahit kay Mommy, ang tingin ko ay mas pogi si Uncle kaysa kay Daddy. Maputi nga si Daddy pero mas matangkad naman sa kanya si Uncle at mas malaki ang masel nito.

Dahil guwapo nga si Uncle Rommie, maraming dalaga sa aming lugar ang may lihim na gusto sa kanya. Pero ang alam kong mahigpit ang pagkakakursunada sa kanya ay ang kapitbahay naming biyuda na si Aling Emy.

            Kung araw ng Linggo at walang pasok si Uncle–empleyado siya sa kompanyang pinapasukan ni Daddy—ay pumupunta sa amin ang aling Emy na iyon at ang idadahilan ay ang pagpapakumpuni raw ng kung anong kasangkapan na nasira sa kanila.

            “Meron ba si Rommie, Junior?” Itatanong niya sa akin sa pilipit na Tagalog, na ang ibig sabihin ay kung nasa amin si Uncle Rommie. Bisaya kasi si Aling Emy ay hindi sanay managalog.

            Ngunit dahil hindi nga siya ang gusto ko para kay Uncle kundi ang guro kong si Miss Mariano kaya nagkakaila ako. Sinasabi kong wala o kaya nama’y natutulog si Uncle kahit hindi.

            Minsan ay naitanong ko kay Mommy kung ang mga taga-probinsiya ay totoong masisipag. Kasi, si Uncle, masipag na at matulungin pa. Kapag wala rin lang siyang pasok ay hindi lang ang aming sirang bakod ang kanyang kinukumpuni kundi pati sirang bakod ng kapitbahay. Kung ganoong abala siya sa ginagawa, nagkukumpuni o nagdidilig kaya ng halaman sa aming munting garden na siya rin at si Mommy ang magkatulong na nagtanim, ay pinanonood ko siya at ako’y malungkot na magpabuntunghininga. At maibubulong ko sa aking sarili: Bakit ba hindi pa siya ang naging Daddy ko? Siya rin lang ang laging may panahon sa amin ni Mommy.

            Si Daddy, maski noong maliit pa ako, ay hindi ako natatandaang nagyaya sa amin ni Mommy na mamasyal sa Zoo, sa Rizal Park o sa sine man. Hindi nagkuwento sa akin sa mga gabing maliwanag ang buwan ng tungkol sa mga maligno, tiyanak o nuno sa punso. At lalong hindi bumanggit ng tungkol sa kagandahan ng kanyang bayang sinilangan, ang kabundukan sa paligid na waring walang katapusan, ang malawak na ilog na sagana sa isda. Si Uncle lamang ang nagkukuwento sa akin ng mga iyon. Siya lang ang matiyaga.

            Sapagkat si Daddy ay laging abala… lagi siyang umaalis ng bahay. Mabibilang sa daliri ang mga araw na napipirme siya sa amin at kung nasa amin naman ay para rin siyang wala. Maghapon siyang nagkukulong sa kuwarto. Kung hindi nagbabasa ay nagsusulat. Tungkol daw sa negosyo ang pinagkakaabalahan ni Daddy, sabi ni Mommy. At ang lahat ng iyon ay para raw sa akin, para sa aking kinabukasan. Ang parang pagwawalambahala sa amin ni Daddy ay hindi ko na gaanong napansin buhat nang tumira sa amin ni Uncle Rommie. Sa tagal ng pagtira niya sa amin ay napamahal na siya sa amin nang husto. Ngayon, ngayong nararamdaman kong higit ko pa siyang mahal kaysa kay Daddy ay saka pa niya naisipang umalis.

            Matagal nang tapos ang klase namin at nag-uuwian na pati ang mga guro ay naroon pa rin ako sa lilim ng malaking akasya sa harap ng aming paaralan. Dumidilim na, ngunit ang aking mga paa ay parang hindi ko maihakbang pauwi sa ming bahay na malapit lang at ang bubong ay tanaw mula sa aking kinaroroonan. Ang isiping sa pag-uwi ko’y wala na sa amin ni Uncle Rommie ay nagpapalungkot sa akin at parang ayaw ko na tuloy umuwi. Ngunit naaalala ko naman si Mommy. Siguradong mag-aalala siya pag hindi ako uuwi ngayon. Nasa kusina ang aming katulong na si Epang at alam kong kanina pa niya naihanda ang aking meryenda, ngunit wala akong ganang kumain, kaya tuluy-tuloy na akong pumanhik ng hagdan patungo sa itaas. Nasa kalagitnaan na ako ng hagdan nang marinig kong parang may nag-aaway sa itaas. Itinuloy ko ang pagpanhik. Sa loob ng kanilang silid, naroon si Mommy at si Daddy. Nakaupo si Mommy sa kama at si Daddy naman ay nakatayo sa kanyang harap.

            “Ano pa ba ang gusto mong mangyari ngayon?” Sumisigaw ang tinig ni Mommy. “Wala na siya. Kanina pa umalis. Sa palagay mo ba’y tatagal pa siya rito gayong pinag-iisipan mo na siya ng masama?”

            Hindi sumasagot si Daddy. Nakatingin lamang sa umiiyak na si Mommy. Nasa may bungad na ako ng kuwarto nila ay hindi pa rin nila ako napapansin.

            “Isipin na lamang na naging napakabuti niya sa atin, lalung-lao na sa anak mo, para pagselosan mo siya. Pasalamat ka at hanggang sa huling sandali ng pagtira niya rito ay nakuha pa rin niyang magpakaginoo.” Si Mommy pa rin.

            Hindi na ako nakatiis. Nilapitan ko si Mommy at umupo sa kanyang tabi. Ngayon ko lang nakitang nag-away si Daddy at Mommy at gusto kong magalit kay Daddy.

            Tumigil sa pag-iyak si Mommy nang makita ako. “Kangina ka pa, Junior?” Ibig niyang tiyakin kung narinig ko ang pinag-usapan nila.

            “Kadadating ko lang, Mommy.” Tinignan ko ang namumula niyang mga mata. “Ba’t kayo nag-away ni Daddy, Mommy?”

            Napatingin si Mommy kay Daddy. Parang humihingi ng sagot sa aking tanong.

            “Walang anuman iyon, Junior.” Si Daddy ang sumagot. Iniba niya ang usapan. “Nagugutom ka na ba? Magpapahain na ako kay Epang.”

LINGGO. Sa harap ng agahan, habang kumakain ay mayroon akong kakaibang nadarama. Si Daddy at si Mommy. Ang sweet nila ngayon sa isa’t isa. May paakbay-akbay pa ngayon si Daddy kay Mommy, bagay na hindi nila dating ginagawa.

            At lalo na akong nagulat nang sabihin sa akin ni Daddy na isasama niya kami ni Mommy sa beach para mag-swimming.

            Sa beach, gustuhin ko mang maging masaya ay hindi ko magawa. Nagkasya na lamang ako sa panonood sa ibang batang gaya ko na dahil hindi marunong lumangoy ay gumagamit ng salbabida. May magdaraan sa tapat kong isang lalaki na kasingkulay at kasintaas ni Uncle Rommie at iyon ay susundan ko ng tanaw hanggang sa hindi na maabot ng aking paningin. Muli, ang pangungulila kay Uncle Rommie ay hindi ko maihanap ng katugunan. Kahit na sa nakikita ko ngayong unti-unting pagbabago ni Daddy. Naghihintay pa rin ako kay Uncle Rommie, umaasa sa kanyang pangakong magbabalik.

FIRST year na ako ngayon sa haiskul at ang sabi nila’y patungo na sa pagbibinta. Hindi ko na inaasahan pa ang pagbabalik ni Uncle Rommie. Alam kong hindi na iyon matutupad. Hindi na rin ako masyadong nalulungkot. Ganap nang nagbago si Daddy at ang pag-aasikasong iniukol sa akin noon ni Uncle ay siya na ang nagbibigay. Si Epang, ang aming mabait na katulong, ay tuwang-tuwa rin sa pagbabagong naganap sa aming pamilya. Sa pagmamahal na iniuukol sa akin ni Mommy at Daddy ay wala na akong maipipintas.

            Ngunit sa mga gabing kabilugan ang buwan, sa mga gabing maraming bituin sa langit ay hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagpunta sa balkon, sa mismong lugar na inuupuan namin ni Uncle Rommie kung nagkuwento siya sa akin. At hindi maiwasan ay babalik sa aking gunita ang minsan ay sinabi niya sa akin noong narito pa siya. Ang mahal ko’y narito lamang, ngunit siya’y kasinlayo ng mga bituin.

            Mangangalumbaba ako at habang malungkot na nakatanaw sa mga bituin na kikindat-kindat sa langit ay manggugumiit ang nag-iisang katanungang iyon na hindi ko na naihanap ng katugunan: Gaano kalayo ang mga bituin?

(Wakas)