Pagkakasala

“Alam ba niyang nandito ka?” nang tila mahimasmasan, tanong nito.

Ni Mellodine A. Antonio

“SAMAHAN mo ‘ko.”

Inabala siya ng pamilyar na boses na iyon. Malalim. Buo. Mababa.

“Saan?”

“Sa Alma Mater natin.”

“Bakit ako?” Napatingin siya sa pag-usog nito ng upo palapit sa kaniya.

“Ikaw ang gusto kong kasama, e.”

“Bakit nga?” ulit niya. Pinanlakihan niya ito ng mga mata nang dumikit ang braso nito sa braso niya.

“Kasi kabisado mo’ng pasikot-sikot sa mga building sa alma mater natin.” Hindi nito pinansin ang eksaherado niyang reaksiyon sa pagdidikit ng mga balat nila.

“Hoy! Mas matanda’ng ID mo sa ID ko ‘no!” Muntik malaglag ang eyeball niya sa pagprotesta sa sinabi nito.

Mataginting ang tawa nito sa nakitang reaksiyon niya.

“Seryoso nga, samahan mo ‘ko,” muling ungot nito.

“Bakit nga kasi ako? Bakit mo ‘ko kailangang isama may iba ka namang barkada?” Inabala niya ang sarili sa mga papel na nasa mesa para iligpit dahil oras na ng uwi niya.

“Gusto ko nga kasi na ikaw ang kasama.”

Dahil–?” Nag-angat siya ng isang kilay.

Pumiksi ito. “Heto na naman po siya! Seryoso ako!”

Humalukipkip siya. “Seryoso rin naman ang tanong ko. Bakit nga?” Nanatiling nakataas ang kaliwa niyang kilay.

Nagkibit ito ng balikat. “Kailangan ba may iba pang dahilan maliban sa gusto kitang kasama? Na ikaw ang gusto kong kasama? Hindi iba? Hindi barkada?”

Siya naman ang nagkibit ng balikat. “Sa iba siguro, okey na iyong dahilan na ibinigay mo pero sa akin kasi –” Tiningnan niya ito. “Iba ang sitwasyon ko. At iyon, alam na alam mo.”

Bumadha ang lungkot sa mga mata nito nang tumitig sa kaniya.

“Ayaw mo ba talaga?” seryosong bitaw.

Mabilis ang sagot niya. “Gusto naman.”

Dagling nagliwanag ang mukha nito. “Iyon naman pala, e. Sunduin kita bukas,” buo ang kumpiyansang sabi.

“Kaso, hindi puwede,” agap niya.

Lumambong ang lungkot sa mga mata nito kasabay ng paglitaw ng ilang mababaw na gatla sa makitid na noo.

Tumango-tango ito. “Yeah! Married. Happily. With high morals,” sarkastikong bitaw nito. “Di dapat makita with me. Maraming Marites. Mababatikan ang maganda’t malinis na pangalan.”

“Baka naman kulang pa’ng litanya mo? Baka gusto mo bang dagdagan ko?” sarkastiko rin niyang turan.

Malakas ang pagbuga nito ng hangin. “Hanggang kailan tayo ganito?”

May pagtataka niya itong tiningnan. Nagugulat siya sa mga tanong nito bagaman di niya pinagtatakhan.

Tell me, hanggang kailan natin paniniwalain ang mga sarili natin na magkaibigan lang tayo?”

Tiningnan niya ang brasong di niya namalayang hawak na pala nito.

Nakauunawang tinanggal nito ang kamay na masuyo ang pagkakahawak sa braso niya.

S-sorry,” mahina iyon. Halos bulong. “Sabihin mo kung hanggang kailan tayo ganito. Sabihin mo kung gaano pa katagal ang pagpapanggap natin sa mata ng ibang tao at maging sa mga sarili natin. Bigyan mo ‘ko ng tiyak ng panahon kung hanggang kailan ganito’ng sitwasyon natin.”

Iling pa rin ang sagot niya.

“Maayos tayo na ganito. Huwag nating kumplikahin ang sitwasyon natin.”

Nagsalubong ang makakapal nitong kilay. “Ano ang maayos dito?” Magkasalikop ang mga palad nang muling magsalita. “Ano ang maayos dito?”

Nanunuyong bigla ang lalamunan niya.  

Ito ang ayaw niya. Iniiwasan. Ang mga tanong na ayaw niyang sagutin. Komprontasyon na ilang ulit niyang iniwasan. Pagkasukol na baka di tulad ng mga nauna, di na niya malusutan.

“Sagutin mo’ng tanong ko,” mas mariin na sabi nito.

Late na. Uuwi na ‘ko,” malayo sa tanong na sagot niya.

“Hindi tayo uuwi nang hindi natin nalilinaw ‘to,” matigas nitong bitaw.

Sukol siya.

Sukol na sukol na.

Bumabangon ang kaba. Nagsisimula siyang makaramdam ng takot.

“Bakit parating nauuwi sa ganito ang magandang usapan natin?” di niya napigilang itanong. “Maayos naman tayo kanina. Maghapon tayong masaya. Bakit ‘pag malapit na tayong maghiwalay, saka may ganito? Can’t we be happy until we part ways?” pagod niyang tanong.

Maagap ang sagot nito. “Dahil hanggang ngayon, di mo hinaharap ang totoo. Di mo maamin.”

Tumayo siya. “Wala naman kasing dapat sagutin sa tanong mo,” mahinang-mahina niyang bitaw.

Shit! Parati tayong magkasama. Tayong dalawa lang. We spent so much time together and we’re enjoying it!” gigil nitong sabi. “Damn it! We’re not simply friends!”

Tumayo rin ito. Mabilis na lumapit sa kanya. Hinawakan ang magkabila niyang balikat. Tiningnan siya. Mata sa mata.

What we’re feeling is beyond friendship,gigil na sabi nito. “And don’t you dare deny it!”

Natutunaw siya sa tingin nito sa kaniya. Iyong tinging tumatagos sa kaluluwa. Tinging naghahanap ng katugunan. Tinging ipinaaabot ang kalungkutan at pagkabigong nararamdaman sa sitwasyong mayroon sila sa kasalukuyan.
But what we’re doing is still in the boundaries of friendship!” agaw niya.

“Dahil iyon ang gusto mo!” gigil na sabi nito.

“Dahil iyon lang ang kaya ko!”

“Sinungaling!” nagtatagis ang mga bagang nito. Namumula nitong sinapo ang noo. “For honesty’s sake, maging totoo ka ngayon! Kahit ngayon lang!” eksasperado nitong pakiusap.

Sunod-sunod na iling ang sagot niya.

“Hindi mo kaya?”

Pinili niyang hindi sumagot.

“Mas matimbang siya?”
Hindi siya kumibo pero nagsisimula nang mangatal ang mga labi niya. Namumuo ang luha sa sulok ng kaniyang mga mata.

“Ako, hindi ba mahalaga? Wala bang bigat?”

Tuluyang bumagsak ang mga luha niya.

“Diyan ako talo, e. Kapag ganiyan ka na,” nagbaba ito ng boses.

Kinabig siya nito. Ikinulong sa dibdib. Halos ibaon sa matigas – malapad nitong dibdib.

“Hindi mo ba sasabihin ang totoong nararamdaman mo? Gusto kong marinig mula sa ‘yo,” masuyo nitong sabi sa kabila ng pagpupumiglas niya.

Iling pa rin ang sagot niya habang pilit na inilalayo ang sarili. Pilit na kumakawala sa pagkakayapos nito.

“Kailan mo sasabihin sa akin?” bigong-bigo ang pakiramdam nito.

Iling ulit ang sagot niya.
“Maghihintay ako. Kapag kaya mo na, sabihin mo. Maghihintay ako sa sagot mo.”

“PROBLEMA?” tanong ng asawa niya nang mapansing tahimik siya. “Trabaho?”

“Wala naman.” Tumagilid siya patalikod sa asawa.

Naramdaman niya ang pagyakap sa beywang niya. Lumapat ang labi sa gilid ng tenga niya.

Napapiksi siya.

“Ang lakas ng kiliti mo rito,” pilyong bulong.

Hinawakan niya ang kamay ng asawa. Humarap siya rito.

“O, bakit umiiyak ka?” nag-aalalang tanong sa kaniya.

Hindi siya sumagot. Yumupyop siya sa ilalim ng braso ng asawa. Yumugyog ang mga balikat niya. Hindi siya lumuluha. Humagulgol na siya.

“Bakit? Napapa’no ka ba?” Hinawakan ng asawa niya ang baba niya. Itinaas upang makita nang husto ang mukha niya. “Sabihin mo sa ‘kin. Asawa mo ‘ko.”

Paulit-ulit iyon sa isip niya: Asawa mo ‘ko!

Not feeling well pa rin. Absent ulit today. – Mensahe iyong natanggap niya sa cellphone.

Pangatlong araw na ng pag-absent nito. Pangatlong araw na rin nang hindi niya pagsagot sa mga mensahe nito gaano man kaikli o kahaba.

Pero nag-aalala na siya.

Mahaba ang tatlong araw kung nag-iinarte lamang ito o nagpapapansin sa kaniya.

Hindi niya naawat ang sarili. Tinawagan niya ito. “May sakit ka ba talaga?”

May mahina — hirap na tawa sa kabilang linya. “T-trangkaso yata. Naulanan  kasi ‘ko, e,” may garalgal sa boses nito. Manaka-nakang umuubo.

“May gamot ka ba riyan? Kumain ka na ba? Mataas ba’ng lagnat mo?” sunod-sunod ang nag-aalala niyang taong. Alam niyang nag-iisa ito sa inuupahan. Solong namumuhay.

“Mamaya na ‘ko bibili kapag kaya ko na. Mabigat pa’ng pakiramdam ko, e,” hirap na sabi nito.

Pagka-off ng telepono, kinuha niya ang bag. Nag-undertime siya sa trabaho.

MAY susi siya ng tarangkahan pati sa pinto ng apartment nito. Ipinahiram sa kaniya.

Just in case…” sabi nito nang tanungin niya kung bakit ibinibigay sa kaniya.

Nakita niya itong nakahiga sa sofa bed sa salas. Patagilid. Nakaharap sa dingding. Tulog.

Inilapag lang niya ang bag bago tinungo ang kusina.

Mabilis ang kilos.

Nagsalang siya ng tubig sa kalan.

Naghanap ng kahit anong puwedeng iluto. Noodles at itlog ang nakita niya.

Naglagay ng malamig na tubig sa palanggana. Kumuha ng bimpo.

Naghanap ng damit at shorts sa kabinet nito.

“Palitan natin ang damit mo. Basa na ng pawis.” Inalalayan niya itong bumangon para mahilamusan ng bimpong binasa niya ng malamig na tubig.

Nakatitig ito sa kaniya. Takang-taka. Hindi makapaniwala sa nakikita.

“Alam ba niyang nandito ka?” nang tila mahimasmasan, tanong nito.

Umiling siya.

“Paano kung may magsabi sa kaniya?” Nakadikit ang tingin sa mukha ng babaeng hindi man sinadya at kahit alam nitong hindi dapat, minahal nito.

Kibit-balikat ang sagot niya.

“Hindi ka ba natatakot?” biglang gumaan ang pakiramdam nito. Tila nawala ang iniindang sakit.

“Wala naman akong ginagawang masama, e.” Pinigaan niyang muli ang bimpo.

“Paano ang mga Marites?”

“Sabi mo, ‘wag ko silang intindihin, di ba?” ngumiti siya. “Kailangan mo ‘ko kaya nandito ako.” May suyo ang pagdampi ng bimpo sa mukha ng lalaking kaharap.

“Salamat. Mabilis akong gagaling nito.” Lumaki ang pagkakangiti nito. “Pero mas gusto ko yatang matagalan ang sakit ko kung parati mo ‘kong aalagaan nang ganito.”

Umirap siya. “Magpagaling ka na. Mas masarap sa labas kaysa rito.”

“Ayaw mo rito?”

“Mas safe sa labas kaysa rito,” birong totoo niya na pigil ang sariling igala ang mga mata.

“Di naman kita dadahasin kahit dalawa lang tayo rito sa bahay ko,” seryoso nitong tugon.

“Alam ko,” tipid ang ngiti niya nang sumagot.

“Maliban na lang kung tulad ko, gugustuhin mo rin iyong gusto ko,” birong totoo rin nito.

Naasiwa siya sa titig nito sa kaniya — sa nakamamagnetong titig nito sa kaniya.

Nagbaba siya ng tingin. Hindi niya iyon kayang salubungin.

Mabilis na sinapo ng palad nito ang baba niya. Hinuli ang mga mata niya upang tumingin din sa mga mata nito.

Unti-unti, tila siya hinihigop ng kung anong puwersang galing dito na dahilan upang magkalapit ang mga mukha nila nang husto.

“Huwag!” awat niya nang tangkain nitong ilapat ang labi sa labi niya. “Huwag!” ulit niya.

“Bakit?” napapahiyang tanong nito. “Nandito ka. Inaalagaan mo ‘ko. Ibig sabihin, mahalaga ‘ko sa ‘yo. Mahal mo ‘ko. Hindi mo na maikakaila iyon.”

“Mali, e,” sagot niya rito.

“Mali na mahal mo ‘ko?”

Hindi niya iyon sinagot.

Sapo nito ang magkabilang pisngi niya. “Suwerte niya, malas ko. Nauna siya, nahuli ako. Kung ako siguro ang nauna –”

“M-makuntento at maging m-masaya na lang tayo sa kung ano’ng mayroon tayo.” Hirap siyang ipaliwanag iyon maging sa sarili niya.

Tumayo siya.

Pinuntahan niya ito bilang isang nagmamalasakit na kaibigan — iyon ang dahilang ibinigay niya sa sarili para bigyang katwiran ang desisyon niyang puntahan ito sa kabila ng maraming ‘baka’.

“Teka!” maagap nitong hinaltak ang kamay niya.

Nawalan siya ng panimbang. Muli siyang napaupo sa tabi nito.

Mabilis siya nitong kinabig. Mahigpit na niyakap.

Dama niya ang init ng katawan at hininga nito. Kung dahil sa lagnat o sa kung ano, ayaw na niyang malaman pa.

Hinalikan nito ang bumbunan niya. Dumako ang halik sa sentido. Sa pisngi. Sa tungki ng ilong.

Hindi siya makagalaw. Gumagapang ang maliliit na kaba na may kasamang pinong kiliti.

“H-huwag –” Hindi niya tiyak kung lumabas sa lalamunan ang pananaway niya.

Damang-dama niya ang mainit na labing dumampi sa kanyang baba. Napasinghap siya nang dumako ang mga labi nito sa pagitan ng kaniyang leeg at panga.

Nagtagal sa kaniyang balikat.

“Mahal kita. Mahal na mahal,” malambing — masuyong bulong nito.

Idinuduyan siya ng mga salita nitong sumisigid sa kaniyang kaluluwa. Tumatagos sa pagkatao niya.

Nalilito siya.

Maingat siya nitong itinulak upang lumapat ang kaniyang likod sa sandalan ng mahabang upuang iyon.

Tutol ang kaniyang isip ngunit traydor ang puso lalo na ang katawan.

Pumikit siya. Mariin.

Dama niya ang mga daliring nagmamadali sa pagbukas ng mga butones ng kaniyang blusa. Nagpapatindig sa kaniyang mga balahibo ang lamig na unti-unting sumisigid sa bahagi ng katawan niyang unti-unting natatanggalan ng takip.

Sumapo ang isang kamay nito sa gilid ng kaniyang dibdib habang ang isa ay abala sa pagkapa sa iba pang butones na tinatangkang buksan.

May nadama siyang kiliti. Hindi nakatatawang kiliti kundi kiliting may kung anong ginigising sa kaniyang kaibuturan.

Dama niya ang malalalim na halik. May pagpipigil sa pagmamadali at nanuksong mga halik.

Dumidiin din ang haplos. Tila may hinahanap na kung ano.

Nadadarang siya. Mali. Darang na darang na siya.

I love you. Sabihin mong mahal mo rin ako. Please…” malambing na pakiusap nito.

Lumalalim ang kiliti.

“Ma—” Naputol ang sasabihin sana niya nang marinig ang sinabi nito.

“Ang lakas ng kiliti mo rito,” pilyong bulong.

Pamilyar ang mga salitang iyon. Pamilyar na pamilyar. Kilalang-kilala niya ang madalas panggalingan ng mga salitang iyon.

Saka siya tila binuhusan ng napakalamig na tubig.

Napaigtad siya. Tila may humatak sa diwa niya na nagpanumbalik sa kaniya sa katotohanan.

“T-teka… Teka…” pigil nito sa kaniya.

Ginamit niya ang lahat ng lakas para tuluyang makawala mula sa mga bisig nito.

“Mali ito! Mali tayo!” Pinagsalikop niya ang blusang dalawang butones ang nabuksan. Mabilis na hinagilap ng mga paa ang sapatos na nahubad. Hinaklit ang bag.

“Sandali!” habol nito.

Hindi siya lumingon.

“Sandali!” sigaw nito ngunit mas malakas kaysa boses nito ang usig ng kaniyang budhi.

Muntik maabutan ng kamay nito ang balikat niya.

Mabilis niyang binuksan ang gate na bakal. Hinagilap ng mata kung may sasakyang maaaring parahin. Nang walang makita, mabilis na humakbang. Lakad-takbo siya.

Humihingal siya. Pinagpapawisan. Malayo-layo na siya nang may makitang taksi.

Mabilis na kumaway. Nagmamadaling sumakay.

“Ma’am, sa’n po tayo?”

“Sa pinakamalapit na s-simbahan, ho,” nangangatal niyang tugon kasama ng labis na hiyang nadarama sa sarili. Sapo ng mga palad ang buong mukha.

Kung maaari lang siyang lamunin ng lupa.