Sangandaan ng mga Alaala

Nakatulog si Jane ng mga sampung minuto. Naririnig ko ang maninipis at malambing niyang hilik na sapat lang para ako lang ang makarinig.

Ni Renan Gozon

HALOS kalahating oras din ako naghintay bago makasakay ng bus sa Mariveles papuntang Muñoz sa Nueva Ecija. Sa tantiya ko, may apat na oras ang biyahe. Depende pa ito kung traffic sa San Fernando sa Pampanga at sa mga bayan-bayan ng Nueva Ecija dahil sa mga binubutas na daan kahit kagagawa lang ng mga ito. Nakatulog ako nang mahigit isang oras. Kaya ilang minuto ko lang nakita ang mga bulubundukin at mga dagat ng Bataan. Nagising lang ako sa malakas na bahing ng lalaking katabi ko. Puno at siksikan na ang bus pagdating sa San Fernando. May mga nakatayo pa. Amoy-tao na rin sa loob, amoy-kulob na downy, amoy-mani, at ang masakit sa ilong na air freshener. Sa isip ko, sana bumaba na ang lalaking katabi ko. Bukod sa gusto kong lumuwag ang upuan dahil nasasakop na niya ang mahigit kalahating espasyo nito, alam ko ring sa kanya nanggagaling ang amoy na nanunuot sa bawat lagusan ng ilong ko.

Pagpasok ng Mexico, bumaba na rin ang iba pang mga pasahero. Mas lumuwag ngayon at nawala ang ibang amoy na nagpapaahon sa suka ko.

Tumayo ang katabi ko. Kinalabit niya ang babaeng nakatayong nakatalikod at inalok ito ng upuan dahil bababa na rin daw siya. Kahit nakatalikod ito, alam mong maganda kapag humarap. Halos abot na sa beywang ang kanyang buhok. May kalakihan ang balakang na sakto sa mabilog niyang puwetan. Malaman ngunit may hubog ang katawan. Hindi ako lumingon nang umupo ang babae. Pero sinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko kilala ang babae. Si Jane, siya nga. Nagtama ang aming paningin at nagsagian ang aming mga braso. Napuno ng katahimikan ang buong espasyo na kinauupuan namin habang tumutugtog ang kanta ng Eraserheads.

“Wag kang matakot matulog mag-isa kasama mo naman ako”

Umabot ng halos kinse minuto ang di namin pagkibo. Nakatanaw lang kami sa bintana habang binabaybay namin ang kahabaan ng Mexico.

 “Ano di ka na magsasalita?” mahinang sabi ni Jane habang nakangiti.

“Sa’n ba ang punta mo?” sagot kong nakangiti rin.

“Sa Cabanatuan, aayusin ko ang pension ni Papa sa SSS, ikaw saan?”

“Sa Muñoz, may pupuntahan lang na school presscon.”

“E, ba’t galing ka ng Pampanga?”

“Hindi, galing ‘ko ng Mariveles dahil may team building kami. Di na ako bumalik ng Maynila dahil may invitation na binigay sa ‘kin para maging speaker nga sa presscon. Pinatos ko na at sayang ang pera. Isang araw lang naman tapos kalahating buwan na ng sahod ko ang TF.”

“Nagsusulat ka pa rin?”

“Oo, minsan, depende sa mood at kung ano pumasok sa isip ko,” pabiro kong sabi habang malayo ang tingin sa bintana. Napuno ulit ng katahimikan ang pagitan namin. Walang nagsasalita kundi ang nagbebenta ng itlog ng pugo at ang tinig ni John Lennon sa speaker ng bus.

Nakatulog si Jane ng mga sampung minuto. Naririnig ko ang maninipis at malambing niyang hilik na sapat lang para ako lang ang makarinig; sumasayaw sa ihip ng hangin ng aircon ang mga baby hair niya. Medyo tumaba lang ang kanyang batok nang huli ko siyang makita apat na taon na ang nakalipas. Matambok pa rin ang pisngi niya na sakto para sa maliit niyang mukha. Ang ilong niyang hindi gaanong matangos ngunit lumilitaw ang ganda dahil patulis ito nang kaunti at hindi kalakihan ang butas.

Nagising siya nang makalabas na kami sa bayan ng Mexico.

Walang lumabas sa bibig namin tulad ng salitang kumusta. Basta bigla na lang kaming nag-uusap. Nagtatrabaho na raw siya sa DPWH bilang writer. Tagagawa ng mga news article, caption ng mga ginagawang publication materials at mga kung ano pa na related sa pagsusulat. Nakakuha rin siya ng sideline bilang virtual assistant sa isang sikat na brand ng pabango sa Canada na mas madaling hamak ang trabaho kaysa DPWH na kailangan pang nasa field pa siya. Kung tutuusin, malayo ito sa kanyang kurso. Graduate siya ng BS Psychology pero di na siya kumuha ng board exam. Sa kung anong dahilan, hindi ko na rin naitanong.

Nakatulog si Jane ng mga sampung minuto. Naririnig ko ang maninipis at malambing niyang hilik na sapat lang para ako lang ang makarinig.

Hindi namin namalayan na nakapasok na kami sa bayan ng Cabiao, ang pinakaunang bayan sa Nueva Ecija kapag nanggaling ka sa Pampanga. Binalikan namin ang mga taon na pinagsaluhan at di na namin napagsaluhan. Nagsimula kami sa usapan kung nasaan na ang kasama namin sa dorm noon na si Dariel. Wala na akong balita ‘kako, simula nang maka-graduate kami. Architecture ang kurso ni Dariel. Tahimik lang siya, kung di mo kakausapin ay di rin magsasalita. Mahiwaga siya para sa amin ni Jane, at nanatiling mahiwaga iyon nang may nadiskubre kami sa kanya.

Isang gabi noong Nobyembre 2017, Linggo, may pinuntahan kaming birthday na halos tatlong kilometro lang ang layo sa aming dormitory. Dala na rin namin ang iba naming gamit para diretso na kami sa dorm dahil may pasok kinabukasan. Walang rules sa dorm namin. Maluwag ang landlord at dumadalaw lang ito tuwing maniningil ng upa. Sa madaling salita, malaya kami sa kung anong gawin namin. Ang biruan nga namin ni Jane noon ay kahit magtayo pa kami ng shabu laboratory doon ay di kami mahuhuli. Puwede rin nga ‘kako gawing motel para kumita kami.

Pagdating namin sa dorm, bukas ang ilaw ngunit sarado ang pinto. Narinig kong tumutugtog ang bandang Silent Santuary. Kumatok ako sa pinto, walang sumasagot. Kumatok ulit ako, may kumaluskos at namatay ang kanta. Isang tao po ang isinabay ko ulit sa pagkatok, bumukas ang pinto. Hindi ko kilala ang lalaki at babae na bumungad sa amin. Pareho pang basa ang kanilang buhok. Nagpaalam naman daw sila kay Dariel at may dinaanan lang. Agad din silang lumabas at nagmamadaling naglakad, ni hindi sila makatingin sa amin. Nagkatinginan kami ni Jane, walang nagsalita sa amin pero ngumiti kami sa isa’t isa at parang alam na namin ang dapat pag-usapan.

Naunahan kami ni Dariel na gawing motel ang dorm! Naisip din pala niya iyon at siguradong malaki na ang kinita niya rito. Tawang-tawa pa rin kami ni Jane kapag pinag-uusapan ito, na dapat daw business course ang kinuha ni Dariel at hindi architecture. Baka siya naman kasi ‘kako ang magde-design ng mga motel na inenegosyo niya. Natawa si Jane sa sinabi ko. Pero sabi ko, hindi biro iyon, baka ganoon talaga ang gusto ni Dariel, lalo siyang tumawa. Pinag-usapan pa namin ang iba pa naming mga kakila, ang mga dating guro, mga nakasama, at kaibigan na di na namin nakakasama at nakikita ngayon.

Nasa Santa Rosa na kami nang tinanong niya ako kung ano ba ang nangyari sa amin, hindi ako nakasagot. Hindi ko alam. Marahil napagod kami sa isa’t isa, o sadyang bata pa kami noong mga panahong iyon at di alam ang gusto sa buhay. Parang bigla na lang lumabnaw ang mga itinimpla naming pagmamahal hanggang mawalan ito ng lasa, hindi namin masagot ang tanong na iyon. Isang taon din kaming hindi nagpansinan sa dorm, hindi siya pumunta sa graduation ko, wala rin ako nang matapos niya ang kurso niya.

Huminto ang bus, tumayo si Jane na hindi man lang nagpaalam. Nakatingin lang ako sa bintana hanggang makarating sa Muñoz.

Pagkayari ng presscon, umuwi na agad ako. Di ko maramdaman ang pagod ng biyahe pero ramdam ko pa rin ang bigat ng simpleng tanong ni Jane.

Huminto ang bus sa Cabanatuan para magsakay ng bagong pasahero, nagtama ulit ang tingin namin ni Jane nang makita ko siyang umaakyat. Bakante ang isang upuan sa tabi ko ngunit pinili naming hindi magkatabi ngayon. Isang oras at kalahati akong nakatulog, at hindi ko na rin siya nakitang bumaba.

Wala ngang nagbago. Ilang taon na ang lumipas, takot pa rin kami. Takot pa rin sa mga tanong na kami lang ang makakasagot. Hindi ko alam kung ilang biyahe pa ang gagawin ko para makuha ang gustong sagot kay Jane at maibigay ko ang sagot sa tanong niya. Huwag lang sana akong maaksidente sa iisang ruta na pinagsasaluhan namin ngayon. Batid kong hindi pa tapos ang biyahe namin ni Jane, magtatagpo at magtatagpo kami sa mga sangandaan ng gitnang Luzon.

Nang makauwi, ibinaba ko agad ang bag ko sa gilid ng kama. Nakatulala ako sa kisame—naglalangib ang kisame, lumalaylay ang ibang balat ng plywood, nangingitim ang lislis nito. Sa isip ko, parang tula ang gabing ito, matalinghaga sa hindi malaman na dahilan dahil may mga pakiramdam na gustong isilang ang ganitong mga pagkakataon.

Alas nuwebe na ng gabi nang makarating ako sa bahay pero inabot ako ng alas onse sa paghiga lang at pagtingin sa kisame. May malaking puwang sa dibdib ko na hindi mapunan, maraming tanong sa aking tiyan na nagkukumahog na lumabas na parang mga bulateng natataranta sa pagkislot. Bumangon ako saglit, kinuha ko sa bag ang aking wallet. Inilabas ko lahat ng pera, ticket ng bus, at iilang mga barya para madukot ko ang sikretong bulsa rito. Bumungad ang wallet size na graduation picture ni Jane na ginupit ko pa nang patago noong mag-isa lang ako sa dormitoryo, kalakip nito ang isang maliit na resibo ng papel ng photography studio na kumontrata sa unibersidad namin noon. Kinuha ko ang aking cellphone, tinawagan ko ang number, nagring, sinagot niya ang tawag. Pero sa pagkakataong ito, hindi ako nagsalita, hindi ako nag-hello, hindi rin siya nagsasalita. Katahimikan ang bumalot sa dalawang linyang namamagitan sa amin at ang mangilan-ngilan na tunog ng sasakyan. Tumayo ako, inilabas ko ang laptop sa aking bag, ikinonek ito sa de-bluetooth na speaker. Pinatugtog ko ang Here, There and Everywhere ng The Beatles. Sapat lang ang lakas ng speaker para marinig ng kabilang linya. Sa pagkakataong ito ay hindi lang ugong ng sasakyan at katahimikan ang tunog na naririnig ko, may mga buntonghininga na sumasabay sa boses ng Beatles ngunit wala pa ring mga salitang lumalabas.

Nawala ang talinghaga ng kisame, pinabayaan kong kitilin ako ng pagod ng maghapon kasama ng Beatles, at ni Jane sa kabilang linya. Kung bangungutin ako sa pinakamahabang gabing ito, may kasama ako.

Nagising ako kinaumagahan na nakapatay na ang tawag, kumakanta pa rin ang Beatles.

“Here, making each day of the year

Changing my life with a wave of her hand

Nobody can deny that there’s something there”

Tinawagan ko ulit ang number ni Jane, ngunit ang tanging naririnig ko lamang ay, “The number you have dialed is unavailable”.