HINANAKIT

Di ko na mabakas ang daloy ng awit, tigang na ang buhay Na sa aki’y dating matulaing batis

Ni BENJAMIN V. CONDINO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 9, 1950)

Di ko na mabakas ang daloy ng awit,

tigang na ang buhay

Na sa aki’y dating matulaing batis

Ikaw ang sonata na inihihimig,

kaya’t nang mawalay,

Nagluksa ang agos, napaos ang tinig

Subalit bayaang sa pangangahapo’y

umantak ang sugat

Ng pusong kuyumos ng mga linggatong;

Luha ko rin naman ang luhang dadaloy,

mainit na patak

Sa pisnging malamig ng aking kabaong.

Kumampay kang muli sa panunugatog,

huwag nang pansinin

Ang ulilang daing ng pusong nadurog;

Ililibing kita sa hukay ng limot,

lamang ay kapiling

Din akong, sa hukay ay muling iirog…!