“Laging may ikalawa, ikatlo at marami pang pagkakataon. Huwag nating ikulong at basagin ang sarili sa minsang pagkatalo sa buhay…”

Ni Eden Pedrajas Concepcion

HINDI ko inaasahan ang pagkikita naming muli ni Muret, una kong nakita ang kanyang anak na noo’y isinasama pa niya sa dating publikong paaralan. Nang tinawag ang mga kalahok sa pambansang paligsahan sa pagsulat ng sanaysay, siya ang unang umakyat sa entablado. Napa-wow ako sa sarili dahil bongga talaga ang suot niya kumpara sa napakasimpleng blusang Filipiniana at itim na pantalon kong suot. Pumuwesto naman ako sa dulo ng linya.

Labinlima kaming nasa entablado na tumanggap ng sertipiko ng paglahok. Pagbaba, nasa bungad ng ikatlong hanay ng mga upuan sila nakapuwesto—si Muret, ang kanyang anak na babae at ang pamilyar na mukha ng lalaking halos kaedaran niya. Kahit dimlight, nagkakakilalanan pa rin ang nasa loob ng auditorium na iyon. Kaya nang dumaan ako sa puwesto nila, binati ko siya.

“Hi ginang,” (iyon ang nakagawiang tawag sa kanya ng nakararami) kasabay ang wagas na ngiti at paglahad ng palad bilang pangungumusta.

Ngunit walang ngiting ganti; sa halip bumuntung-hininga na sinabayan ng simpleng irap. Napahiya man, gaya ng dati nanatili pa rin ang kalmadong damdamin.

“Sige, ginang, see you around,” nagawa ko pa ring bitawan at nginitian din ang lalaking nakabarong na pamilyar ang mukha na halos kaedaran niya na gumanti rin ng ngiti gayon din ang anak niya na blangko naman ang ekspresyon ng mukha.

Sa bandang likuran kami nakaupong mag-asawa. Nagpatuloy ang programa ngunit nawala rito ang pokus ko kundi nakatuon kay Muret. Napapailing na lamang ako sa inasal niya kanina, sa loob-loob—‘na-muret na naman.’

Palihim siyang binansagang muret ng mga kasamahan sa faculty room na nagsimula naman sa isang guro sa kagawaran. Ngunit ginang (siyempre) pa rin ang tawag namin sa kanya.

Una kaming nagkita nang mag-demo teaching siya bilang aplikanteng guro sa Filipino. Tatlo kaming nakaupo sa likuran ng kuwarto ng grade 10. Mula sa 12 taong pagtuturo sa isang pribadong paaralan, nakipagsapalaran na siya sa publikong paaralan. Pinanday na siya ng maraming taong pagtuturo sa galing niya sa pagharap at pagtalakay ng aralin sa klase. At lalong wow! ang kanyang visual aids at power point na ginamit.

Natapos ang demo at post-conference namin. Ibinigay ko na sa head teacher (HT) ang papeles.

Congrats in advance, sure na tanggap ka na,” paniniguro kong sabi.

Thank you, ma’m,” naaalala ko pa ang napakaaliwalas niyang ngiti sabay lahad ng magkabilang palad at nagsanib ang mga palad namin.

“Baka naman p’wedeng maarbor ang visual aids mo? Tutal sa grade 8 ka naman ilalagay,” birong-totoo lang ang sa akin.

Sure, ma’m,” sabay abot ng malaking eco bag na kinalalagyan ng ginamit niyang visual aids,email ko din mam ‘yong ppt, kung gusto mo.”

“Aaayyy ‘di ko tatanggihan ‘yan,” maagap kong sagot.

Nang magsimula ang pasukan simpleng hi, hello at ngiti kapag nagkakasalubong sa hallway. By grade level kasi ang faculty room kaya iba-ibang subject teachers ang magkakasama sa faculty room ng bawat palapag.

Pamilyar ako sa sitwasyon ng mga bagong gurong itinatalaga sa publikong paaralan. Ilang henerasyon na ang nakalipas ngunit ganoon pa rin ang sistema at bagal ng proseso sa pag-usad ng mga papeles kahit matagal nang naisumite ng guro. Tuloy, inaabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago makasuweldo ang pobreng guro.

“Ma’m, nakakahiya pero lalakasan ko na ang loob ko. Medyo kapos talaga, wala na akong ibang malapitan…” katatapos lang ng pulong namin sa kagawaran nang magpahuli siyang lumabas ng conference room, kasunod ko.

Hindi pa siya tapos magsalita, palihim ko nang inabot sa kanya ang tatlong P1000.

“Pag kulang pa, bulungan mo lang ako, ha,” sabi ko naman.

Halos maiyak siya sa tuwa sa inabot ko. Panay ang pasalamat.

“Uuuyy, utang ‘yan hindi lang basta salamat,” birong-totoo para tumaas lang ang kanyang emosyon. “Pero walang tubo, basta pag kinapos ka, lapitan mo lang ako.”

Salamat din sa GSIS conso-loan sa 20 taong serbisyo-publiko medyo malaking halaga na may katumbas ng medyo malaking interes. At nakagagaan sa loob na naibahagi sa kapwa gurong nangangailangan din. Kauna-unahang loan na laan sa huling taon sa kolehiyo ng panganay kong anak. Agad namang binayaran ni Muret pagkasuweldo.

“Mukhang ang lalim ng iniisip mo, a,” boses ni Lloyd. “Excited ka na ba?”

Alam na kasi naming mag-asawa ang resulta ng paligsahan. Nagpadala ng imbitasyon sa gmail ang komite at nakasulat kung anong puwesto ang nakuha ko.

“Sumali din pala ‘yung co-teacher ko dati, si ginang,” sabay nguso sa puwesto nina Muret at mga kasama nito.

“Bongga ang Filipiniana n’ya, a, tiyak na nanalo din siya.”

Parang gusto niyang ipahiwatig kung bakit hindi ko nagpakabog sa suot.

“Ewan ko, sana din.” Totoo sa loob kong sabi kahit inisnab niya ako kanina.

Tulad ng inaasahan, magaling na guro si ginang. Istrikto pero masipag magturo sa unang dalawang taon niya sa paaralan. Ngunit sa simula pa lamang superior na ang dating niya. Subject coordinator kasi siya sa pinanggalingang pribadong paaralan at ngayon, karaniwang gurong dapat sumunod sa puno ng kagawaran. Unti-unti ring napunang hindi na siya ang dating mapagbigay at mapagbahagi ng mga ideya, kaalaman sa kapwa guro. Laging nakasigaw na sa mga estudyante sa ibang pangkat ngunit malambing sa kanyang advisory class. May nakakaalitan na rin siyang guro sa faculty room. Mabuti na lamang at wala sa kagawaran. Ang kaso, mismong HT pala ang nakasagutan niya.

FB friends kami ni Muret. Ewan kung bakit naging stalker ako sa fb niya. Nawala ang mga larawan ng pamilya niya, lalo na ang mga larawan nilang mag-asawa. Nanatili sa koleksiyon ng mga larawan niya ang kuha nilang mag-ina at mga kuha niyang solo at ilang may kasama sa magagandang tanawin sa Singapore. Nalungkot ako. May matinding pinagdadaanan si Muret. Ngunit hindi sapat na dahilan ito para masira ang magandang relasyon niya sa mga kaguro at mga estudyante.

Hindi kami close at lalong wala siyang naging malapit na kaibigan sa faculty room kaya ayokong magtanong sa personal niyang buhay. Bago magsara ang school year, naghahanda na ng loading ang HT para sa susunod na school year.

“Laging may ikalawa, ikatlo at marami pang pagkakataon. Huwag nating ikulong at basagin ang sarili sa minsang pagkatalo sa buhay…”

“Dalawa na kayo ni ginang sa grade 10, okay lang sa ‘yo?” sabi ng HT namin.

“Alam mo namang walang masamang tinapay sa akin, pero bakit ililipat s’ya sa grade 10, e, pang-third year pa lang naman niya?”

Karaniwan kasing tuwing ikalimang taon nagpapalit ng grade level na tuturuan.

“Medyo pasaway na at walang me gusto sa kanya na partner sa kagawaran. Ikaw lang ang naisip kong p’wede at kayang pakisamahan si Muret,” nangiti lang ako sa sinabi ng HT.

No problem, alam mo namang trabaho lang ang sa akin walang personalan,” tiwala kong sagot sa HT.

Bago magsimula ang klase ng sumunod na school year, binigyan ko na siya ng grade 10 teksbuk. Sinabi ko rin na i-gmail ko na lamang sa kanya ang ppt at dll para makatulong dahil bago ang mga aralin.

“Salamat,” kinuha niya ang teksbuk. “Ako na ang gagawa ng sarili kong ppt at dll, madali lang ‘yon. Kukunin ko din pala, ma’m, ‘yung ginamit ko noon sa demo na visual aids,” sabi ni Muret.

Nagulat man ako sa huling sinabi niya, naisip ko na mabuti na lamang at maayos pa ring nakatabi ang ecobag na ibinigay niya noon. Nagamit ko naman iyon noong nakaraang taon. Isinoli ko sa kanya. Parang nagulat pa siya na nasa dating ecobag pa ito nakalagay.

“’Ma, tinawag ka na,” naramdaman ko ang palad ni Lloyd sa braso ko.

May dalawa nang nasa stage na may hawak na glass trophy, ibig sabihin ako na ang huling tinawag. Dumaan ako sa gilid ni Muret na nakaupo pa rin sa puwesto niya. Panay ang kislap ng celfone habang inaabot ang mas malaking glass trophy at envelope ng cash prize. Ang saya ng pakiramdam at ng sandaling iyon nakalimutan ko sa eksena si Muret at ang sitwasyon kanina.

Gaya ng dalawang nanalo, pababa na rin ako sa stage nang bulungan ako ng emcee.

“Ma’m, kahit short message po mula sa grand winner ng essay writing contest.”

Tumango ako. Bago umakyat muli sa stage, tinimpla ko muna sa isipan ang bawat salita, maikli lamang ngunit dapat may pinakamahalagang sangkap—may puso. Sa sandaling iyon bumalik si Muret sa huwisyo ko.

Sa ikatlong taon niya sa paaralan, madalas na siyang lumiban. Kung pumasok man, laging huli sa klase. Hindi na rin siya nakapagtuturo nang maayos na di tulad ng dati. At kung pumapasok siya, kasama niya ang anak na noon ay walong taong gulang. Nasa faculty room, sa puwesto ni Muret naiiwan kapag may klase siya. Tahimik lamang ang bata ngunit malungkot ang mga mata, na kapag binati, ilang na ngiti ang sagot. Mailap ding makihalubilo kahit kausapin.

Isang araw na pumasok siya hindi niya kasama ang anak. Nagulat na lamang ako nang mabalitaang nakasagutan niya ng araw na iyon ang HT namin at isa pang kaguro sa hindi ko na inalam na dahilan. Ramdam ko na pagkawasak ang katauhan ni Muret. Nakasubsob siya sa mesa niya habang vacant period niya.

“Ginang, gusto mo ba ng kausap?” lakas-loob ko nang sabi habang humahagod ang nagmamalasakit na palad sa likod niya.

“Hindi kausap ang kailangan ko kundi pera! Nasa ospital ang anak ko,” humagulgol na siya na nakasubsob sa mesa.

Natahimik ang buong faculty room sa lakas ng boses niya. Ewan kung narinig sa labas kahit nakasara ang pinto ng airconditioned na kuwarto. Mabilis kong sinenyasan ang mga kasamahan na lumabas muna sa faculty room. Mabilis naman silang nakaramdam.

Tuloy-tuloy na umagos na ang luha ni Muret. Binasag ko ang katahimikan ng basag niyang isip at puso. Sa oras na iyon nagtagni-tagni ang sari-saring emosyon sa iba-ibang magkakasunod na danas niya. Pinalayas niya ang asawa dahil nahuli niyang may karelasyon sa opisina. Nagsusustento sana ngunit ayaw niyang tanggapin. Naapektuhan ang mental health ng anak mula nang hindi na nakasama ang ama. Bumigay rin ang katawan ng bata kaya naospital. Parang batang humahagulgol na si Muret. Pinakalma ko siya. Hindi sapat ang cash na dala ko ng araw na iyon kaya gcash na lang. Kaunti na rin kasi ang suweldo niya dahil sa madalas na pag-absent.

Ang buong akala ko ay magiging maayos na ang lahat nang nakalabas sa ospital ang kanyang anak at muli, nabayaran niya ang hiniram. Lagi na siyang pumapasok ngunit madalas pa ring huli sa klase. Ginulat na lang kami ni Muret nang hindi na siya tuluyang pumasok. Walang resignation letter, lalong walang school, division at NCR clearance.

Hanggang sa nawala na sa mga usapan namin si Muret sa kagawaran at buong faculty. Ang nakapagtataka, kami na iilan lamang na fb friends niya mula sa paaralan ay binura na niya sa listahan at ang malala, blocked pa kami.

Napatingin ako sa puwesto ni Muret bago nagsalita sa stage at muli siyang nginitian na mula sa puso. Maikli lamang ngunit alam kong magpapakalma sa isip at damdamin ng mga nakikinig lalo na ng mga lumahok sa paligsahan na hindi pinalad na manalo.

“Laging may ikalawa, ikatlo at marami pang pagkakataon. Huwag nating ikulong at basagin ang sarili sa minsang pagkatalo sa buhay. Lagi nating bigyan ng panibagong pagkakataon ang ating sarili at ang ibang tao sa ating buhay,” bahagi ng maikling mensahe na muli kong sinundan ng pasasalamat.

Bago bumaba sa stage muli kong tiningnan si Muret na nakahanda na sana ang ngiti ngunit nakayuko siya. Ewan kung nakayuko siya sa panahong nagsasalita ako. Ngunit sigurado ako, pinakikinggan niyang mabuti ang bawat salita.

Desidido na ako sa magiging aksiyon ko pagdaan kay Muret pabalik sa puwesto naming mag-asawa. Ano man ang magiging reaksiyon niya ay handa na ako. Gaya noong malaman ko ang kabuuang istorya ng kanyang buhay mula sa isang high school batchmate na nagkataong pinsan pala niya at nagulat din ito nang malamang naging co-teacher si Muret.

“Grabe dinanas ng pinsan kong ‘yon. Kakatapos lang niya ng college nang mabuntis siya ng isang pastor, ang malungkot pinalaglag niya. Tapos nag-DH sa Singapore. Minalas naman, ang lupit ng amo. Sinasaktan saka kinukulong s’ya sa k’warto pag umaalis ang mag-asawang amo. Nabalita nga noon sa amin na muntik na siyang tumalon sa mataas na condo unit ng amo, e. Dalawang taon lang yata s’ya ‘don. Nang magbalik-’Pinas, napansin nga namin na parang may pagka-muret na siya. Pag problemado, nagwawala. Basta, muret siya. Huling nabalitaan ko noon, nagturo sa private school kasi Educ graduate naman siya. Lumipat na kasi kami sa Kyusi.”

Nagulat ako nang tumayo si Muret at sinalubong ako at siya na ang gumawa ng plano kong gawin. Niyakap niya ako.

Congrats, ma’m, na miss kita, a,” maluha-luha niyang sabi.

Thanks, ginang. I am so happy for you. Ang saya ko na makitang buo ka na at ang pamilya mo.”

Higit sa tropeong hawak ang saya ng kalooban na muling napakalma ang isip at damdamin ni Muret gaya noon sa eksena namin sa faculty room. Pagtanggap, pagpapatawad, pag-asa, pagkakataon at pasasalamat ang mga susing salitang pampakalma upang unti-unting mabuo ang basag na pagkatao niya. At pang-unawa naman sa mga nakapaligid sa kanya.