ISANG GABI SA BAGUIO

“Me bala ‘yan, Regina,” aniyang nakangiti. “Gamitin mo, sakaling makakalimot si Shylock.”

Ni BENJAMIN P. PASCUAL

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 20, 1963)

HINDI masabi ni Regina kung ano ang humikayat sa kanya upang manaog ng bahay at maglakad: kung ang pagnanasang makita ang sinabing kagandahan ng mga tanawin sa Baguio o ang pagkainip niya sa pag-iisa. Wala ang kanyang papa at ang kanyang mapapangasawa, si Mr. Tan, gaya ng itinatawag niya rito, kahit ngayong mapapangasawa na niya. Pinakipag-usapan ng dalawa sa ilang kakilala ni Mr. Tan sa Baguio ang hinggil sa bagong gusaling itatayo roon ni Mr. Tan, at hindi siya sumama pagka’t, sa ubod ng puso niya, ay ayaw niyang makasama sa lakaran si Mr. Tan. Alam na niya ang mangyayari kung sasama siya. Hahawakan siya ni Mr. Tan sa braso at ipakikilala siya sa mga kakilala nito:

            “Ito ang mapapangasawa ko. Kayo na ang humatol kung nagkamai ako ng pagpili.”

            Ano man ang nag-udyok sa kanya upang maglakad, ngayong siya’y naglalakad na ay ikinasiya niya ang kanyang ginawa. Maganda nga ang Baguio. At malamig ang klima, kahit noo’y lampas pa lamang ng alas-dos ng hapon. Kataka-taka, kahit sila may kaya ay ngayon pa lamang siya nakarating sa Baguio. Sa Maynila, kung nakakukuha ng bakasyon ang kanyang papa, ay sa Nueva Ecija sila nagbabakasyon, sa bukid doon ng kanyang papa. Sumama siya kay Mr. Tan at sa kanyang ama dahil lamang sa hangarin niyang makita naman ang Baguio.

            Minabuti ni Regina na huwag sumakay sa dyip o sa taksi; gusto niyang makita ang paligid sa paglalakad; at naglakad siya nang naglakad. Sumapit siya sa pook na tinatawag na Mines View Park, at saglit siyang napahinto. Natawag ang pansin niya ng maraming lalaki at babae, mga turista, na nakadukwang sa gabay na bato at nagkakatuwaang naghahagis ng kung ano sa libis sa ibaba. Lumapit siya.

            Pera pala—mga sensilyong pilak—ang inihahagis ng mga turista sa libis sa ibaba, na pinag-aagawan ng mga batang Igorote. Naisip ni Regina na makihagis ng sensilyo at dumukot siya sa bulsa ng kanyang palda. Nguni’t ang dala niyang pera, na may dalawampung piso, ay pulos papel. Humugot siya ng piso; naisip niyang magpapalit sa isa sa mga naghahagis. Tumingin siya sa kanyang katabi, isang lalaking may mahagway na pangangatawan at zakaluper, na sa kaliwang palad ay may hawak na mahabang baryang tig-didiyes.

            “Maaari ho bang magpapalit sa inyo, Mang ano?”

            Nakangiting nilingon siya ng lalaki. “Maaari ho.” At napaunat ito ng tayo at napatingin sa kanya. “Aba…!” Iyon lamang ang nasabi ng lalaki. Nakilala siya nito.

            Nakilala rin niya ang lalaki. Hindi niya malilimot ang mukhang iyon: malamlam na matang nalalambungan ng makapal nguni’t maayos na kilay, malapad na noo, lapat na mga labi, ilong na hindi katangusan. Nguni’t ngayon, sa pagkabigla, ay hindi niya maisip ang pangalan ng lalaki.

            “Regina…” Natandaan ng lalaki ang kanyang pangalan!

            “Ikaw pala!” Hindi pa rin niya maisip ang pangalan ng lalaki.

            “Bakit ka narito? Nagbabakasyon?”

            “Matatawag na gano’n na rin. Kasi’y me nilakad kami rito ni Papa at ng… kuwan ko.” Hindi niya mabanggit ang pangalan ni Mr. Tan lalong hindi niya maipaalam na ito ang mapapangasawa niya. “Ikaw?”

            “Matatawag ding nagbakasyon.” Tumawa ang lalaki. “Mula pa kamakalawa, nang ako’y dumating dito, e wala na ‘kong ginawa kundi tumayu-tayo rito. Pero business din ang ipinunta ko rito.” Tumawa uli ang lalaki. “Iniisip mo siguro kung ano ang pangalan ko at sa’n mo ‘ko nakita. Ako si Manuel de los Reyes. Naging magkaklase tayo sa third year high no’ng araw.

            “Inaamin ko, nakalimutan ko ang pangalan mo. Matagal na kasi.”

            “Bakit ka nag-iisa?” tanong ni Manuel. “Ang ibig mo sigurong tukuyin sa kuwang binanggit mo e ang mister mo, hindi ba?”

            “Hindi ko pa siya mister. Hindi pa kami nakakasal. Sa isang buwan pa ang kasal namin.” Ngayo’y hindi na siya makaiwas na maglahad ng tungkol kay Mr. Tan.

            “Alam mo, si Mr. Tan… ang mapapangasawa ko, e magpapatayo ng bagong building dito, sangay ng bahay-kalakal niya sa Maynila, at sa pakikipag-usap tungkol do’n ngayon e isinama nila ako ni Papa, na puno ng isang departamento niya sa Maynila.

            “A… At hindi ka sumama?”

            “Sumakit ang ulo ko. Ikaw, me asawa na?”

            Nakangiting umiling si Manuel.

            Naalaala ni Manuel ang pagpapapalit niya ng sensilyo. “Nagpapapalit ka ng barya,” anito, at bumilang ng sampung tigdidiyes at iniabot sa kanya. At kahit anong pilit niya ay ayaw kunin ni Manuel ang iniaabot niyang piso.

            Naghagis ng ilang sensilyo si Manuel at naghagis din siya. Sa ibaba, pinag-agawanan iyon ng mga batang Igorote.

            Madaling naubos ang kanyang sensilyo, at ngayon, si Manuel na lamang ang naghahagis ng pera sa ibaba. Napagmasdan niya si Manuel, na siyang-siya sa paghahagis nito ng pera, at naaalaala niya ang paghangang iniukol niya rito noong araw, noong sila’y nag-aaral pa sa haiskul. Ang isang katangian ni Manuel ay matalino ito nguni’t tahimik. Ni hindi nagtataas ng kamay, at kung kaya lamang tumindig ay kung natatawag, na tama naman ang mga isinasagot. Hindi niya masabi, ngayon, kung nalaman ni Manuel na nagkaroon siya ng pag-ibig dito.  Noon, ginawa niya ang lahat ng pagbibigay-daan kay Manuel upang pansinin siya.

            Nguni’t hindi siya pinansin ni Manuel. Marahil, ang hinahanap ni Manuel ay isang babaing matalino rin. At hindi siya matalino. Muntik pa siyang hindi makapasa nang taong iyon.

            Maginoo rin si Manuel. Minsa’y nagpiknik sila sa Antipolo, at nang kakain n, hinanap nila ang pinakaliblib na pook. Pagkakain, grupu-grupong nag-alisan ang kanilang mga kasama at naiwan sila ni Manuel sa tila gubat na pook na iyon. Hindi siya umalis; pagkakataon na niya iyon kay Manuel. Talagang kung hahalikan siya ni Manuel, o yayakapin, ay hindi siya tututol. Nguni’t hindi siya hinalikan ni Manuel, at ito ang nagyayang sumunod na sila sa kanilang mga kasamahan.

            Shylock—iyon ang tawag niya noon kay Manuel. Nang mga unang buwan ng taong iyon, itinanghal nila sa klase ang dulang The Merchant of Venice ni Shakespeare, at sila ni Manuel ang gumanap sa papel na mga pangunang tauhan. Si Manuel si Shylock, siya si Portia. Mula noon, sapagka’t hindi masalita si Manuel at parang may hiwagang itinatago, kung tawagin niya ito nang pabiro ay Shylock.

            “Shylock,” bati niya ngayon kay Manuel. Ang huling diyes sa kamay ay naihagis na nito.

            “Naalala mo ang tawag mo sa ‘kin noon, ha?” anitong nakangiti.

            Natawa si Regina. “Bagay pa rin sa ‘yo ang pangalang ‘yon.”

            “Sino naman ang mapalad na lalaking mapapangasawa mo?”

            “Ang bagay yata’y ako ang dapat mong tawaging mapalad,” sabi niya. “Nakasilo ako ng mayamang meari ng maraming bahay-kalakal ng maraming bahay-kalakal sa Maynila, si Mr. Tan.”

            Tumingin sa kanya si Manuel. Nang-aarok ang tinging iyon, waring itinatanong kung bakit kung tawagin niya ang mapapangasawa ay Mr. Tan. At alam niya: nahulaan ni Manuel na may edad na si Mr. Tan. At hindi niya iniibig.

            “Tayo na,” sabi ni Manuel. “Baka hinihintay ka na sa inyo. Ihahatid na kita.”

            MADILIM-DILIM na at biglang kinabahan si Regina. Hindi niya ngayon ngayon tiyak kung saan siya nanggaling kangina. Nangyayari iyon sa kanya maging sa Maynila, kung lumalabas siya ng sine nang gabi na at binubulaga siya ng liwanag ng mga ilaw sa kalsada; hindi niya malaman agad, sa simula, kung saan ang daang pauwi.

            “Aba, sa’n ba ‘ko nagdaan kangina?”

            Nakahinto na rin si Manuel, nakatingin sa kanya.

            “Ngayon lang kasi ‘ko napunta sa lugar na ‘to, Manuel. Ang totoo, ngayon lang ako napunta sa Baguio. “Isipin mo.” Nasakyan ni Manuel ang suliranin niya.

            “Tila rito.” Itinuro niya ang kaliwang panig ng kalsada at dito lumakad. Sumabay sa kanya si Manuel. Nguni’t ang mga nakikita niya sa dinaraanan ay waring hindi niya nakit kangina. Ngayon siya kinabahan. Makakita man siya ng palatandaan na doon siya nagdaan kangina, maaaring hindi pa rin niya matunton ang pinanggalingang bahay. Napakarami niyang dinaanan, napakaraming nilikuan. Huminto siya.

            “Hindi yata rito, Manuel, Do’n sa kabila.”

            “Teka nga,” sabi ni Manuel. “Sa hotel ba kayo tumutuloy?”

            “Sa bahay rito ni Mr. Tan.”

            “Ano’ng pangalan ng kalye?”

            “Hindi ko alam, Manuel.”

            “Hindi mo alam? Kelan pa ba kayo rito?”

            “Kagabi lang.”

            Waring pinigil ni Manuel ang hangaring mapatawa.

            “Huwag kang tumawa, Shylock. Alam mong natural lang na di ko matandaan ang pangalan ng kalye.”

            “Alam mo ang numero ng bahay?”

            “Hindi rin.”

            Sumakay na sila ng taksi at nagpalibot-libot nguni’t di pa rin makita ni Regina ang kanyang tinutuluyan. Kaya’t ipinasiya na ni Manuel na magtuloy sila sa isang restauran sa Session Road upang kumain.

            “Napakalaki kong gaga, ano, Shylock?” sabi niya.

            “Sa bagay, ganyan naman ang tawag n’yo sa ‘kin sa iskuwela no’ng araw: bobo.

            “Kailan man e hindi kita tinawag na bobo, Regina.”

            “Ang iba, ang ibig kong sibihin. Hindi mo nga ‘ko tinatawag ng gano’n. Gentleman ko no’n, e.

            “At gentleman pa rin hanggang ngayon.” Tumawa si Manuel. “At sapagka’t sa tingin ko’y ganyan pa rin ang pagkakakilala mo sa ‘kin, aalukin kita ng isang bagay. Mahihirapan tayo, Regina, kung ipagpapatuloy natin ngayong gabi ang paghahanap sa bahay na tinutuluyan n’yo. Pareho nating hindi kabisado ang lugar na ito at baka pareho tayong maligaw. Bukas na tayo maghanap. Papunta tayo sa istasyon ng pulisya… at bahala na. Ngayong gabi’y dumoon ka muna sa hotel na tinutuluyan ko.

KUNG bakit siya pumayag kay Manuel, hindi niya masabi. Marahil ay sapagka’t iyon na lamang ang pinakamabuti nilang magagawa; pagod na rin siya sa kalalakad.

            Sa otel na tinutuluyan ni Manuel, sinabi sa kanila na ang lahat ng silid ay okupado na.

            “Ang mabuti’y ganito,” ani Manuel. “Ikaw ang siyang gumamit ng silid ko at ako’y dito sa ibaba. Makakatulog ako rito kahit saan.

            Si Manuel, maginoo hanggang wakas! Tumawa si Regina.

            “Me tiwala ako sa’yo Shylock. Do’n ka na rin. Mag-uusap lang naman tayo. Pararaanin natin ang gabi sa pag-uusap.

            “Kung iyon ang gusto mo. Ang silid ni Manuel ay may isang malaking kabinet, isang kama at isang lababo. May dalawang silya.”

            Mula sa ilalim ng kama, kinuha ni Manuel ang isang bag. Inilabas nito ang isang rebolber at iyo’y iniabot sa kanya.

            “Me bala ‘yan, Regina,” aniyang nakangiti. “Gamitin mo, sakaling makakalimot si Shylock.”

            Nakaupo na si Regina sa isang silya, sa tabi ng kama. Ang isa pang silya ay hinatak ni Manuel sa tabi ng kama. Ang isa pang silya ay hinatak ni Manuel sa tabi ng nakabukas na bintana at doon naupo, pasandal. Napangiti si Regina.

            “Mapapatulog ko ang lola ko sa tabi mo nang di ako mag-aalaala,” biro niya, at ngumiti si Manuel. “Siguro, ang katangian mong ‘yan ang bumihag sa ‘kin no’ng araw. Nagkaro’n ako ng crush sa ‘yo no’ng araw. Manuel, alam mo ba ‘yan?”

            Tumango si Manuel. Nakatingin ito sa kisame.

            “Alam mo? Alam mo ring ginagawa ko noon ang lahat ng magagawa ko para pansinin mo ako?”

            Tumango si Manuel. “Alam ko rin ang naging damdamin mo nang minsang mapag-isa tayo sa Antipolo. Isang bagay naman ang di mo alam, Regina. Nagkaro’n din ng pagtatangi sa ‘yo si Shylock. Lihim nga lamang. Ayokong ipaalam. Mayaman ka, mahirap ako.”

            O, Manuel! Shylock!

KINABUKASAN, pagkaalmusal, ay ipinagtanong nila ang istasyon ng pulisya at nagtungo roon, at gayon na lamang ang pagkamangha ni Regina nang datnan doon ang kanyang papa at si Mr. Tan, na kausap ng sarhento de mesa. Sinalubong siya ng yakap ng kanyang ama.

            “Ang anak ko! Magdamag kaming pabalik-ablik dito sa paghahanap sa’yo! Sa’n ka ba galing? Sa’n ka natulog?”

            “Naligaw ako kagabi, Papa, at… at sa hotel ako natulog… sa hotel na tinutuluyan niya!” Itinuro ni Regina si Manuel. “Siya si Manuel. Naging kaklase ko siya no’ng araw. “At sinabi ni Regina ang lahat ng nangyari.”

            “Ang mabuti’y umuwi na tayo,” masama ang loob na sabi ni Mr. Tan, at matapos na magpasalamat sa sarhento de mesa ay inilakad na sila ng kanyang papa patungo sa pinto. Ni hindi tumingin si Mr. Tan kay Manuel.

            Nilingon niya si Manuel.

            “Diyan ka na… Shylock!”

            “Hindi naikubli ng kanyang ngiti ang pagdaramdam sa kanyang tinig.”

            Sa kotse, walang kaimik-imik si Mr. Tan, habang ipinauulit sa kanya ng kanyang papa ang nangyari sa kanila ni Manuel. At nang dumating sila ng bahay, nag-usap nang sarilinan ang kanyang papa at si Mr. Tan. Bahagya na lamang niyang naulinigan ang pag-uusap, nguni’t may sinasabi si Mr. Tan tungkol sa “kahihiyan sa mga kakilala at kaibigan” na napagbalitaan na ng kanyang pagkawala, na makaaalam ng nangyari, tungkol sa “walang humawak ng palayok na hindi naulingan”, at baka siya, si Mr. Tan, ay “tantong napakatanda na.” Pagkatapos, nagpaalam sa kanila si Mr. Tan at nanaog. Lumapit sa kanya ang kanyang papa.

            “Hindi na matutuloy ang inyong kasal, Regina.” Malungkot ang mukha ng kanyang ama, nguni’t ngumiti ito. “Na siya namang gusto mo. Ang kabutihan ke Mr. Tan e sport. Hindi naman ako siguro aalisin sa trabaho ko.

            Hindi bale, Papa, hindi bale, sinasabi ni Regina sa sarili. Ang isip niya’y nasa Mines View Park. Pupunta roon si Manuel.

(Wakas)