Ni ANACLETO L. BUSTAMANTE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 28, 1951)
IBIG niyang limutin ang gabing yaon, yaong gabing makulay sa sarisaring ilaw sa bulwagang yaong pinagsayawan nila sa tugtuging si Delfin ang kumatha, si Delfin ang nag-ukol at nag-alay sa kanya, si Delfing nakalikha ng gayong tugtuging sang-usapan ng bayan, ng lahat ng tao… ngunit paano niya malilimot si Delfin, paano?
Ang ipinalalagay niyang pailalim na paghihiganti ni Delfin kay Roberto ay siyang ginagamit niyang katwiran upang iwaglit na sa isip ang kababata at kababayang kompositor. Nais niyang limutin yaong huling gabing ipinagsayaw nila ni Delfin sa nagbabalag na mga serpentinang papel na naggalaw-galaw sa hihip ng hangin at naglalantad ng iba’t ibang kulay sa tama ng mga liwanag. Ibig niyang ipalagay na kasindupok ng mga serpentinang iyon ang pagkakilala ni Delfin sa pakikipagkaibigan. Subalit…
Matagal na niyang kakilala si Deflin. Mahilig din si Daisy sa musika, mahilig na mahilig. At si Delfin, na anak ng maestro ng banda sa kanilang bayan, ay nagpamalas na nang malaking hilig sa mga nota nang maliit pa man sila.
Sabay silang nakatapos ng intermedya ni Delfin. Sabay silang nakatapos ng high school, subalit hindi sila sabay na makatatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Sapagkat…
“Ano ang karera mong kukunin, Daisy?” ang tanong ni Delfin.
“Edukasyon, ikaw, ano?”
“Alam mo na,” ang sagot ni Delfin.
“Hindi mo pa sinasabi, paano ko malalaman?”
“Piyano.”
“Naku, paano ‘yan? Matagal daw karera ‘yan, a!”
“Pagtitiyagaan ko,” ang sagot ni Delfin.
Hindi na nakipagtalo si Daisy. Hindi niya masisisi si Delfin. Ito ay anak ng isang musiko. Mamumunga ba ng santol ang mabulo?
At sila’y lumuwas ng Maynila.
Maganda ang musika. Alam ni Daisy na si Delfin ang kumatha ng tugtuging iyon. Mainam ang pagsasayaw nila. Ngunit ang ginawa ni Delfin kay Roberto ay siyang nakapangyayari rin sa kanya.
Nasa huling taon na ng edukasyon si Daisy nang ipakilala ni Delfin sa dalaga ang isang kaibigan.
Noon nagsimulang magkakilala si Daisy at si Roberto.
Napansin agad ni Daisy ang pagkakaiba ng magkaibigan. Si Roberto ay pangahas, mayabang, mabalita. Si Delfin ay tahimik, ngingitngiti lamang habang namamalita at nagyayabang si Roberto.
“Hindi ba’no Del?” ang malimit itanong ni Roberto sa kaibigan kapag may nais na patunayan ang binata.
“Siyanga naman,” ang naisasagot na malimit ni Delfin. “Wala kasi kayong balita, e!” At ang mga salitang iyan ay susundan ni Delfin ng isang tawa.
Ibig nang mamuhi si Daisy sa inaasal ni Delfin. Parang gumagawa ito ng paraan upang makagiliwan niya si Roberto. Iyon pa naman ang kinatatakutan ni Daisy, ang magkaroon siya ng giliw sa mayabang na si Roberto.
Hindi kaya nahahalata ni Delfin na anhin na lamang ni Daisy ay magtapat ito ng pag-ibig sa kanya?
Subalit nakatimpi ang binata. Napaglabanan ni Delfin ang maraming pagkakataong humandog sa kanya, na kung kanyang pakiramdaman ay kusa namang ipinauubaya sa kanya ni Daisy. Ngunit ang binata, ang kompositor sa tatlong taon pa lamang sa konserbatoryo’y kilala na sa lipunan ng mga musiko dahilan sa kanyang mga kathang tugtugin, ay nagwalang bahala sa nararamdaman at makikita. Ang pinagparunan niya’y baka siya magkamali.
At nakakilala nga si Daisy at si Roberto. Si Delfin pa nga ang nagdala sa binata sa tahanang tinutuluyan ng dalaga rito sa Maynila. Alam ni Roberto na magkababayan ang dalawa, magkaibigan, magkamag-aral hanggang sa magtapos ng highschool, subalit sa ibabaw ng pagkakaibigan nila ni Delfin ay gumiit din ang napukaw niyang hangarin, iniibig niya si Daisy at naipalagay niyang sa anumang kaparaanan ay mimithiin niyang maging kanya ang gayong kagandahan.
Napansin agad ni Delfin ang iniisip ni Roberto. Ngunit hindi siya nagpahalata. Siya pa rin ang dating mabait at mabuting kaibigan. Mainam ang pagtanggap ni Daisy sa kanyang kaibigan, magiliw ang pakikiharap na iniukol nito kay Roberto. Kumislot nang bahagya ang kanyang puso sa tila nasundot na damdamin ng paninibugho.
Ngunit wala pa siyang karapatang manibugho. Ni hindi pa niya masasabi man lamang kay Daisy na iniibig niya ito, paano siya makapagseselos? At nagkakaibigan man sila halimbawa, hindi baga pangit na manibugho siya dahilan lamang na mainam na pagkakatanggap nito sa isa pa naman niyang kaibigan na siya pa ang nagsama at nagpakilala sa dalaga?
Nanibago si Daisy sa pagkamasalita at pagkamabalita ni Roberto. Hindi sila magiit halos ni Delfin. Malaki ang pagkakaiba nila ni Delfin. Kung panauhin niya si Delfin ay wala man lamang ibinabalita ito ukol sa kanyang sarili. Ito namang si Roberto, panay na ukol sa kanyang sarili ang isinasalaysay.
Nang sumunod na dalaw ni Roberto kina Daisy ay namangha ang dalaga. Hindi nito kasama ang kaibigang si Delfin na siyang nagsama rito nang unang dumalaw sa kanya. Ngunit hindi na pinakahigpitan ni Daisy ang pag-uusisa kay Roberto kung bakit hindi kasama si Delfin ay araw naman ng Linggo.
Nakawiwili rin namang kausap si Roberto. Makisig magbihis ang binata at mahusay rin namang magdala ng damit.
At gayon nang gayon ang nangyayari, kung minsan ay magkasama kung pumaroon sa kanila si Delfin at si Roberto, ngunit malimit ay nag-iisa ang kaibigan ni Delfin kung magtungo sa kanyang bahay na tinutuluyan.
Ang pagwawalang bahalang talaga ni Delfin ay naging kapabayaan na nang mapansin ng binatang nagiging magiliw si Daisy sa kanyang kaibigan. Mahihiyaing talaga si Delfin at ayaw niyang masabing nakikipag-agawan siya.
Kung makaliligaya kay Daisy ang pag-ibig ni Roberto ay hindi siya makahahadlang. Madalas na tuloy na naaanyayahan ni Roberto si Daisy sa mga pagdalo sa sayawan.
Alam ni Daisy na magkasamang nanasok si Roberto at si Delfin sa isang palimbagan ng musika. Buhat sa ikalima ng hapon ang kanilang pasok, hanggang ikalabing-isa ng gabi. Kapwa sila nag-aaral sa araw. Si Roberto ay sa kolehiyo ng batas ng isang pamantasang pribado nanasok at si Delfin nga’y sa konserbatoryo ng musika.
“Tsip pala si Roberto sa pinpasukan ninyo, ay hindi mo na nasabi sa akin, Delfin,” ang minsan ay parang naisumbat ng dalaga sa kanyang kababata at kababayan.
Ang unang nasok sa pag-iisip ni Delfin, sapagkat naibalita na sa kanya ni Roberto na dumalo sila ni Daisy sa isang kasalan sa Tundo, ay naipagmagaling marahil ng kanyang kaibigan na ito’y hepe. Kung sasabihin niyang hindi totoo ang pamaraling yaon ni Roberto ay baka ipakahulugan ni Daisy na siya ay naninira. Hindi niya magagampanan ang papel ng maninira. Kaya’t ang naging tugon na lamang niya’y…
“Pano, hindi mo naman naitatanong.”
“Sabi sa akin ay pinagpapasumundan daw naman niya nang mabuti ang kanyang mga nasasakop, lalo na ikaw, sapagkat magkaibigan kayo,” ang wika pa ni Daisy.
“A, oo, mabuting kaibigan at hepe si Roberto,” ang sagot naman ni Delfing ibig-ibig nang mabulalas ng halakhak.
Ang totoo’y siya lamang ang nagpasok doon kay Roberto. Kaya sa natuklasan niyang ipinamamalita at ipinagmamagaling nito sa dalaga ay nangingiti na lamang siya kung nag-iisa.
Ngunit sinasama si Roberto. Nagawas siya sa kanyang pinapasukan. Kinailangan ng may-ari ang magtipid sapagkat tumutumal ang mga papel ng musika. Wala nang nagiging mabili nang mga araw na yaon kundi ang uri ng musikang niyayari ni Delfin. Sa mga sayawan ay mga tugtugin niya ang parating mabili.
Agad nang nasabi ni Roberto kay Daisy ang isang kabulaanan nang dumalaw siya sa dalaga.
“Bakit, hindi ka ba pumasok, Roberto?” ang naitanong ng dalaga.
“Naalis na ako roon e!” ang walang kagatul-gatol na wika ng tinanong.
“Siyanga, bakit?”
“Seguro, may nais maghepe nang maliit ang sahod, sinulot ang puwesto ko, naniwala naman ang may-ari at ako ang binawas. Ngunit walang k’wenta sa akin ang puwestong iyon, sa isang buwan ay mapapasok na ako sa piskalya.”
Masaya rin si Roberto at nahikayat naman si Daisy na hindi nga dinamdam nito ang pagkakaalis. Ngunit may lihim nang pinaghihinalaan si Daisy sa pagkaalis ni Roberto. Ipinalalagay niyang kagagawan ni Delfin ang mga bagay na iyon. Marahil ay naiinggit ang kababayan niya sapagkat magiliw siya at nalulugod kay Roberto. Upang makapaghiganti ay siniraan si Roberto hanggang sa maalis at si Delfin ang mahalili.
Pagkalipas ng ilang linggo ay nabalitaan niyang ang hepe nga pala roon ay si Delfin. Nagkunwari siyang bumili ng isang papel ng musika sa tindahang sa likod ay may limbagan. Sa tagapagbili roon niya natuklasang hepe nga si Delfin. Hindi siya nagpahalata, subalit lihim niyang ipinagdamdam ang sapalagay niya’y kagagawan ng kanyang kababayan.
Nang dumalaw sa kanya si Delfin noon at yayain siyang dumalo sa isang sayawan ay hindi pa rin siya nagpahalata. Nagpaunlak pa rin siya. Mahiligin si Daisy sa sayawan, at lalo na sa maiinam na tugtugin. Sa bulwagang pinag-sayawan nila ay narinig niya ang mga bulong ni Deflin.
“Iniibig kita, Daisy. Matagal na matagal na ang pag-ibig kong ito sa iyo. Nagtimpi ako sa paniwalang kailangan munang ako’y makatapos ng pag-aaral bago ko pangahasang gawin ang ganitong pagtatapat. Ngunit ngayon ay hindi ko na mabata.”
Maganda ang musika. Alam ni Daisy na si Delfin ang kumatha ng tugtuging iyon. Mainam ang pagsasayaw nila. Ngunit ang ginawa ni Delfin kay Roberto ay siyang nakapangyayari rin sa kanya.
Kaya’t iniwaksi niya ang mga katangian ni Delfin. Nilimot niya ang dating nakikilala niyang kabaitan nito. Ipinalagay na lamang niyang yaon ay mga balatkayo ng kanyang kaibigan.
“Dinaramdam ko, Delfin, may iniibig na ako!” ang wika ng dalaga.
Hindi na umimik si Delfin. Ipinalagay niyang napatango na ni Roberto ang dalaga. Wala silang imikan nang nakasakay na sa taksi upang ihatid si Daisy sa tinutuluyan nito.
Kinamakalawahan ay panauhin naman niya si Roberto. Masayang-masaya ang binata.
“Ipinatawag akong muli ng opisina namin, Daisy,” ang malugod na pagbabalita ni Roberto sa dalaga.
“Ng dati rin ba?”
“Oo, ng dati rin.”
“Akala ko ba’y sa piskalya ka na papasok. Babalik ka rin ba roon pagkatapos na paalisin ka?”
“Kung ganitong nakilala nilang hindi sila maaari kung wala ako ay hindi na ako tutuloy sa piskalya. Isa pa, nalaman mo, dinagdagan ang aking suweldo at nilakhan ang kapangyarihan ko.”
Nahalata ni Roberto na nasiyahan si Daisy.
“Ngayon, ngayon ay maaari mo nang sagutin ang matagal ko nang iniluluhog sa iyo, Daisy. Iniibig mo na ba ako?”
“Huwag ka namang magmadali,” ang wika ng dalaga. “Mga ilang araw lamang ay malalaman mo na ang aking tugon.”
Galak na galak si Roberto at sa pagkagalak ay nakalimutan tuloy ang kanyang dalang sobreng malaki na nailapag niya sa isang silyang walang laman nang manhik siya kina Daisy.
Matutulog na lamang si Daisy nang mamataan ang malaking sobre. Nalalaman niyang iyon ay kay Roberto at katunayan ay may sulat ng pangalan nito sa isang sulok. Kung bakit naman siya natuksong tingnan ang mga laman niyon. Wala namang laman ang malaking sobre kundi ang ilang walang gaanong kabuluhang mga papel, ilang sulat na rekomendasyon ng kung sinu-sinong kinatawang bayan, senador at gobernador sa gayon at ganitong opisina na ang inirerekomenda ay si Roberto. May isang maliit na sobre siyang nakita na ang isang sulok ay may titik ng dating pinapasukan ni Roberto. Ang petsa ng koreo sa ibabaw ng sobre ay tatak nang araw na sinundan. Marahil ay iyon ang liham ng pagpapabalik ng dating opisina ni Roberto. Gupit na ang dulo ng sobre at naakit siya na ito’y buksan at basahin ang nilalaman. Ngunit nagtaka siya at ang nakalagda sa ilalim ng sulat ay si Delfin. Binasa niya:
“Berting:
“Ngayong araw na ito ay naipakiusap ko sa may-ari na mabuti-buti na rin lamang ang takbo uli ng negosyo at mabili na naman ang mga papel ng musika, ay tanggapin ka na uli rin sa dati mong gawain. Nalalaman kong natigil ka ng pag-aaral dahilan sa pagkabawas sa iyo. Nalalaman ko ring hindi matatagalan at mag-aasawa ka na. Kahit na paano ay mainam na rin ang may pinapasukan ka. Kaya ko nais na mabalik ka agad ay may iniaalok sa aking isang mainam-inam na gawain sa isang tindahan ng mga piyano at iba pang kagamitan sa musika. Sasanayin kita sa gawain ko at nang pag-alis ko’y maipakiusap natin sa may-ari na ikaw na ang ihalili sa akin.”
“Makipagkita ka agad sa may-ari at nang malaman mo kung kailan ka magsisimula.”
Napakunot ang noo ni Daisy nang mabasa ang liham. Natuklasan niya ang buong katotohanan, nabatid niya ang mga katha at kabulaanan ni Roberto at ang kawalang kibo at katimpian, kabaitan at karangalan ng pakikipagkaibigan ni Delfin. Naunawaan niyang talagang si Delfin ang hepe roon at hindi si Roberto.
Isang buntunghininga ng kasiyahan ang pinalaya niyang makahulagpos sa kanyang dibdib. Pagkaraan ay kinuha ang kanyang pluma de tinta. Kumuha ng papel at sobre at gumawa siya ng isang liham.
Sinulatan niya si Delfin. Maikli ang kanyang liham ngunit maliwanag at walang liguy-ligoy. Sa isang bahagi ng sulat niya ay ganito ang kanyang sinasabi:
“….kaya matutuhan mo sanang mahalin ang pangakong ito sa iyo, na ikaw ay iniibig ko at kung kailangang magtapos ka muna bago tayo pakasal, ako’y nakahandang maghintay, magtitiis at magpakatapat sa pagmamahal ko sa iyo.”
Kinabukasan, umagang-umaga ay humihingal na dumating si Roberto. Kaya lamang ito parang nabawasan ng pangamba ay nang makitang ang sobre niyang nakalimutan ay hindi nagagalaw, kung ano ang ayos nito nang ilagay niya roon nang sinundang gabi ay siya ring ayos nang kanyang datnan. Hindi nagagalaw.
“A, naiwan mo ba riyan?” ang tanong ni Daisy. “Hindi ko napansin, naihabol ko sana sa iyo.” Tutungo ka ba mamaya sa opisina ninyo?” ang tanong pa niya.
“Oo, bakit? Mamayang hapon ako magsisimula, e!”
“Ipakibigay mo lamang ito kay Delfin,” ang wikang iniabot ng dalaga ang isang sobreng nakalapat.
Walang kamalay-malay si Roberto na siya pa ang naghatid kay Delfin ng kaligayahan nito at ng kanyang kasawian. Nakangiti pa si Daisy nang maiwan, na ang ginugunita ay ang bulwagang huling pinagsayawan nila ni Delfin, ang tugtugin, ang mga bandilang papel, ang mga nagbangway na serpentinang iba’t ibang kulay sa tama ng mga ilaw.
(Wakas)









