Ni SEVERINO REYES
(Muling nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 25, 1962)
NOONG unang panahon, may isang hari na may labindalawang anak na pawang babae at magaganda. Ang labindalawang prinsesa ay itinira ng mahal na hari sa isang kastilyong kakatnig ng palasyo. Ang palasyo at ang kastilyo ay minana pa ng mahal na hari sa kanilang mga ninuno.
Ang mga prinsesa’y nangagsilaki nang pawa. Ang labindalawa’y nagsituntong na sa ganap na gulang na maaari nang mag-asawa; sampu ng pinakabunso sa lahat ay may gulang na ring sapat upang makapag-asawa.
Isang araw, ang labindalawang prinsesaay nagsiharap na sabay-sabay sa kanilang amang hari, at sabay-sabay na nagturing:
“Mahal naming ama, ibig na naming magsipag-asawa.”
“Oo, ako nama’y sang-ayon na, ngunit dahil sa karamihan ninyo ay hindi ko malaman kung saan ako magbibilin ng maraming prinsipe upang kayong lahat ay maitakal ko. Ang bagay na iya’y malaon ko nang iniisip, mga anak ko.”
Isa-isang pinagmasdan ng hari ang kanyang labindalawang dalaga at sakka nagpatuloy:
“Kung kayo lamang ay maaaring makapag–asawa kulob kanino, hindi sana suliranin iyan, ngunit hindi maaari kundi sa mga dugong mahal din.”
Nang makatalikod ang hari ay nag-usap-usap ang magkakapatid.
“Gaya ko,” anang matanda sa lahat,” ako’y gumulang nang totoo… nakaiisip na tuloy akong magmongha.
“Talagang mahirap ang may dugong bughaw, pagka’t hahanap ka pa ng kapwa may dugong bughaw,” anang pangalawa.
“Kalokohan,” anang bunso, “hindi ako makapaniniwala na tayong mga anak-hari ay may dugong bughaw. Kahapon lamang ay nasugatan ako, at nakita kong pagkapula-pula ng dugo ko. Kasinungalingan ang sabihang iyan! Walang dugong bughaw!
“Tila nga nasa isip lamang iyan ng magpagmataas na mga hari,” ang pakli ng panganay.
TAHIMIK na tahimik ang loob ng mahal na hari hingil sa kalagayan ng kanyang labindalawang anak, na inaasahan niyang malayo sa pagkapahamak, pagka’t alagang-alaga ng kanyang mabuting pag-iingat.
Ngunit isang araw, ang alilang tagapaglinis ng mga sapatos ng mga prinsesa ay dumulog sa mahal na hari. Dala-dala ng alila ang labindalawang pares na sapatos ng mga prinsesa. Ang mga sapatos ay may putik sa ibabaw at gasgas ang dulo, na waring matagal na ginamit ng may-ari sa pagsasayaw.
“Anong kaululan ang mga pinagsasabi mo? Bakit magkakaputik ang mga sapatos ng mga prinsesa, sa sila’y di naman nananaog? At saan sila magsasayaw?”
Ngunit nakita ng hari na totoo ang sinasabi nga alila. Ang mga sapatos nga ay putikan at gasgas ang mga dulo. Para pa ring hindi siya makapaniwala.
Matapos na makapag-isip nang mahabang oras, ang mahal na hari, ay nagturing: “Linisin mo ang mga sapatos na iyan at ipaglalagay mong muli sa dating lalagyan. Huwag mong pamalayan sa mga prinsesa na nagsumbong ka sa akin.”
“Opo, mahal na Hari.”
Nakita man ng madla ang nangyari sa prinsipe, marami pa ring nangahas magbantay sa mga prinsesa. May mga lahing mahal, mga karaniwang taong-bayan—at sila’y pawang napugutan pagka’t silang lahat ay nakatulog sa pagbabantay. Nang malaon, wala nang nangahas pumasok na tagapagbantay ng mga prinsesa. “Wala na yatang pariritong magbabantay,” anang mahal na hari sa sarili.
“Ikaw ang bahala. Ipaglihim mo at kahit kangino man dito sa palasyo’y huwag mong sasabihin, kapag nagkulang ka’y kapalit ang ulo mo.”
“Opo, mahal na hari, wala pong makaaalam na sino man.” At umalis na ang alila.
Kinabukasan ay iniharap na naman ng alila ang mga sapatos ng mga prinsesa sa mahal na hari.
“Diyata?” ang nasabi ng hari sa laki ng pagtataka.
“Hala, linisin mong muli at ilagay sa dating pinaglalagyan. Huwag mong masasabi kanino man ang nangyayaring ito.”
Minabuti ng mahal na hari na ang kanyang kapatid na babae ang pagbantayin sa mga prinsesa.
“Kapatid ko, walang ibang dapat na tumingin sa iyong mga pamangkin kundi ikaw. Sila’y bantayan mo.”
“Ikaw ang masusunod, kapatid ko.”
“Ako’y lubhang pinapag-iisip kung bakit pagkaumaga, ang mga sapatos nila’y puno ng putik at gasgas ang dulo. Maliwanag na sila’y nakapagliliwaliw at nakadadayo ng sayawan na di ko malaman kung saan nagdaraan.”
“Hindi ba nakasusi ang kastilyo?”
“Nakasusi, kaya masira-sira na ang ulo ko sa kaiisip kung paano nakaaalis ang mga batang iyan. Ngayong gabi ay sa kastilyo ka matulog. May silid na nakalaan doon sa iyo. Ibig kong malaman kung paano nakaaalis ang mga prinsesang iyan. Nag-aalaala ako na baka ang mga batang iyan ang pumugay sa dangal ng ating angkan.”
“Oo nga. Dapat nga nating pag-ingatan sila.”
Nang gabing iyon ay nagsimula na ng pagbabantay sa mga prinsesa ang kapatid ng hari.
KINABUKASAN, maagang-maaga na namang iniharap ng alila sa hari ang mga sapatos ng prinsesa. Gaya ng dati, puno rin ng putik at gasgas ang dulo ng mga sapatos.
Madaling ipinatawag ng hari ang kanyang kapatid, at ibinalita rito ang pangyayari. Ipinakita rin niya ang narumhang mga sapatos ng mga prinsesa.
Napahiya ang kapatid ng hari. “Patanuran mo na sa iba ang mga anak mo,” aniya.
Sa gayo’y ipinasiya ng hari na magpakalat ng patalastas na nangangailangan siya ng tagapagtanod sa kanyang mga anak.
MAKARAAN ang ilang araw ay may nagsadya sa palasyo na isang prinsipeng taga-ibang-lupa.
“Ang anak ko’y labindalawang lahat,” ang simula ng mahal na hari, “at diyan nakatira sa kastilyo. Hindi ko malaman kung ano’t pagkaumaga’y nakikita ng alilang maglilinis na ang kanilang mga sapatos ay may putik at may mga gasgas, bagay na nagpapakilalang ang mga may-ari ay nakipagsayaw. Ang mga anak ko ay babantayan mo, at kapag nahuli mo sila sa pag-alis sa kastilyo kung hatinggabi ay ipakakasal ko sa iyo ang mahirang mo sa kanila. Subali’t kapag nakalipas ang tatlong gabi, at hindi mo sila nahuli, ay papupugutan kita ng ulo sa liwasan.
Pumayag ang prinsipe sa gayong kondisyon. Ngunit walang nangyari, sapagka’t lagi siyang nakakatulog nang mahimbing sa pagbabantay. Pagkaraan ng tatlong gabi ay pinapugutan siya ng hari.
Nakita man ng madla ang nangyari sa prinsipe, marami pa ring nangahas magbantay sa mga prinsesa. May mga lahing mahal, mga karaniwang taong-bayan—at sila’y pawang napugutan pagka’t silang lahat ay nakatulog sa pagbabantay. Nang malaon, wala nang nangahas pumasok na tagapagbantay ng mga prinsesa. “Wala na yatang pariritong magbabantay,” anang mahal na hari sa sarili.
“Ano kaya ang mabuti kong gawin sa mga anak kong maliliko?” At siya’y nag-isip.
Nasa ganoong anyo ang mahal na Hari nang may nagpataupo.
“Tuloy,” anang mahal na hari. “Ano ang atin?”
“Ako po’y naparito upang magbantay sa mga prinsesa.”
Ipinaliwanag ng mahal na hari ang magiging tungkulin ng pumapayag na bantay at kung ano naman ang magiging pananagutan nito.
“Yari po tayo ng salitaan.”
“Kung gayon, mamayang gabi ay magsimula ka na ng pagbabantay.”
ANG humarap na iyon sa mahal na hari ay hindi dugong mahal. Dati siyang kawal sa hukbo ng artilyera ng kaharian, at ngayo’y naninirahan sa labas ng bayan at nag-aalaga ng mga hayop. Isang gabi ay napanaginipan niya na siya’y napangasawa ng isang prinsesa. Tuwang-tuwa siya nang magising. Naalaala niya ang babala ng mahal na hari, at sumaloob niyang marahil ay dumating na ang oras ng kanyang magandang kapalaran.
Nang siya’y paluwas na ng bayan, at haharap na nga sa hari, ay may nasalubong siyang isang matandang babae.
“Saan ang tungo mo, Silvio?” ang tanong ng matanda.
“Haharap po ako sa mahal na hari. Papasok akong tagapagbantay ng mga prinsesa.”
“Nalalaman mo ba ang papasukan mo? Kamatayan! Hindi mo ba nalalaman kung ilan na ang napapupugutan? Marami na! Ikaw ay ikalabainlima na marahil.
“Hindi po bale.”
“Lokong tao ito. Ang buhay ang mahal sa lahat. Huwag kang magnasang mamatay. Ililigtas kita.”
“Salamat kung gayon.”
“Tatandaan mong lahat ang tagubilin ko sa iyo.” May dinukot ang matanda sa kanyang lukbutan na isang maliit na balutang papel.
“Ang laman nito’y mga buto ng isang bungangkahoy. Paiinumin ka ng mga prinsesa ng masarap na alak. Pero huwag kang magpahalata sa kanila. Magsubo ka agad ng isa sa mga butong iyan at nang hindi ka makatulog. Lahat ng napuguta’y nakatulog; pinatulog sila ng mga prinsesa sa pamamagitan ng masarap na alak. Ito namang aking balabal na itim ay dalhin mo. Kapag ibig mong huwag ka nilang makita ay ibalabal mo. Ang dalawang bagay na iyan ang magliligtas sa iyo sa kamatayan.”
Kaya nang humarap si Silvio sa mahal na Hari ay dala niya ang dalawang bagay na kaloob ng matandang babae.
UNANG gabi ng pagbabantay ni Silvio.
Nang nakahiga na si Silvio sa kanyang katre ay pinasok siya sa kanyang silid ng dalawang prinsesa.
“Kaibigang bantay, kami’y may ugaling bago matulog ay umiinom ng isang kopitang masarap na alak.”
Sinalinan ng prinsesang may dalang botelya ng alak ang kopitang dala naman ng isang kapatid.
“Iinom ka, kaibigan, hane?”
“Aba, oo. Kung talagang ugali iyan ay dapat akong makiugali. Kaybubuti ninyo!” ani Silvio na tatawatawa, at tinungga ang laman ng kopita.
Pagkatalikod ng mga prinsesa, ay nagsubo si Silvio ng isang butong bigay ng matanda. Pagkatapos ay nahiga siya at naghilik nang malakas, kunwa’y himbing na himing sa pagkakatulog.
Ang balabal na kaloob ng matanda ay nakahanda na sa ulunan ni Silvio. Bahagya siyang dumilat, at nakita niyang nagbibihis na ang mga prinsesa.
Pagdaka’y kinuha ni Silvio ang balabal niya, at ipinatong sa kanyang balikat.
Sumunod siya sa mga prinsesang nanaoog sa isang hagdanang maliit na nakakbuli pagka’t may takip na tabla.
Masasaya ang mga prinsesa habang nagsisilakad.
Natuklasan tuloy ni Silvio na ang kastilyo ay may daanan pala sa ilalim ng lupa. Ang daanang iyon ay humahangga sa isang malawak na bukirin.
NAGLALAKAD na sa bukid an mga prinsesa at si Silvio na di nila nakikita. Walang anu-ano’y nagsigawan ang mga prinsesa nang makitang namumuti at nangingintab ang isang punungkahoy.
“Pilak na lantay ang mga sanga ng kahoy na iyan!” anang panganay.
“Kumuha tayo ng sanga pag-uwi natin.”
“Huwag na’t makikita pa ni Ama,” ang pakli ng isang prinsesa.
Nagulat ang bunso nang marinig ang lagitik ng waring nabaling sanga ng punong pilak.
“Narinig kong may bumali ng sanga,” ang sabi ng bunso.
“Loka ito,” anang mga kapatid, “guniguni mo lamang iyon.”
Sa may dako roon ay may nakita na naman silang isang punungkahoy na tadtad ng brilyanteng makikinang.
Nagulat na naman ang bunso, pagka’t narinig niyang may bumali na naman ng sanga ng puno.
Walang anu-ano’y dumating sila sa isang daungang kinaroroonan ng labinndalawwang bangkang maliliit, na bawa’t isa’y may lulang isang makisig na prinsipe, na naghihintay sa kanila.
Si Silvio’y walang kibong sumakay agad sa bangkang nasa huli sa lahat. Iyon pala ang lululanan ng bunsong prinsesa. Nang nakalullan na ang lahat ay nagsimula na ng pagsagwan ang mga prinsipe.
“Napakabigat natin ngayon!” anang prinsipeng sumasagwan sa kinalululanan ng bunsong prinsesa.
“Bakit naman, magbabago pa ba ang timbang natin?” wika ng bunsong prinsesa. Di nila nalalamang sila’y tatlong lulan ng bangka.
Nagpaligid-ligid sa malawak na ilog ang mga bangka ng mga nagliliwaliw. Ang mga prinsipe’y may dalang mga kudyapi at sila’y nagkakantahan.
Nang mangagsawa na’y nagsituloy ang mga prinsipe at prinsesa sa isang mahiwagang palasyong nasa tabi ng ilog. Sa tinurang palasyo ay may orkestang nagpaparinig ng magagandang tugtugin. Nagsayaw sila.
Maya-maya’y tumawag ang mayordomo at sinabi nitong nakahanda na ang hapag. Nagsidulog ang lahat sa mahabang dulang na kinahahainan ng masasarap na pagkain. Si Silvio ay sumingit sa tabi ng bunsong prinsesa. Nakikain siya at nakiinom.
Ang mga kasangkapan sa hapag ay panay na ginto. Ipinamulsa ni Silvio ang isang kopitang ginto.
Mag-uumaga na nang magsiuwi sila.
SA pag-uuwian ay sa bangka ring nilululanan ng bunso lumulan si Silvio. Ang lahat ng prinsesa’y nangakahilig sa dibdib ng kanikanilang kaparehang prinsipe.
Pagdating sa daungan, ay nangagbabaan na ang mga prinsesa, at halos patakbong nagsiuwi sa kastilyo. Nang makaakyat sa kastilyo’y dinatnan nila roon si Silvio na naghihilik pa. Ang totoo’y nagpauna nang pumanhik si Silvio at nagkunwaring natutulog.
Kinaumagahan, ipinatawag ng harii si Silvio.
“Ganap pong tagumpay, mahal na hari,” pagbabalita ni Silvio.
“Diyata?”
“Ibig ko pong magsalaysay sa harap ng mga prinsesa. Sila po’y ipatawag ninyo at habang nag-aagahan sila’y magsasalaysay ako.
Maya-maya pa’y nangakaupo na sa paligid ng mensang kainan ang labindalawang prinsesa, kasalo ng hari at ni Silvio. Nang inaakala ni Silvio na dumating na ang sandaling dapat siyang magsalita ay tumindig siya.
“Kagalang-galang na mahal na hari, pinagpipitaganan kong mga mahal na prinsesa, dumating na ang oras na tadhana ni Bathala na ako’y magsasalaysay.”
Ang mga prinsesa’y nagpalitan ng mga makahulugang sulyap.
“Mahal na hari,” ang patuloy ni Silvio, “itanong nga po ninyo sa inyong bunso, kung may nakita silang punungkahoy, kagabi, na ang sanga’y panay na pilak, na katulad nito?” At inilabas ni Silvio ang kaputol na sanga ng kahoy na pilak.
Hindi nakakibo ang bunso.
“Itanong naman ninyo, mahal na hari, sa kanilang lahat, kung kagabi’y nakakita sila ng isang punungkahoy na ang dahon ay tadtad ng brilyante, na katulad nito?” At inilabas naman ni Silvio ang isang sanga ng kahoy na ang dahon ay tadtad ng brilyante.
Walang nakaimik sa mga prinsesa.
“Itanong din ninyo, mahal na hari, sa kanilang lahat kung di ganito ang kopitang ginto na kanilang ininuman ng alak sa piging na inihandog sa kanila ka kagabi ng labindalawang prinsipe?”
“Ano ang inyong masasabi?” ang tanong ng hari sa mga anak.
Ang mga prinsesa’y nangakatungong pawa nang magturing nang sabay-sabay:
“Talaga, Ama, siya’y ganap na nagtagumpay! Kami’y kanyang nahuli!”
Ang hari ay biglang nagtindig, at niyakap niya si Silvio.
“Maligayang bati, kaibigan! Makapamimili ka na sa labindalawang iyan.”
“Mahal na Hari, pagka’t ako’y may kagulangan na, pipiliin ko ang panganay.”
Sa loob ng madaling panaho’y ginanap ang pag-iisandibdib. Palibhasa’y matanda na ang mahal na hari, di nagtagal at isinalin ang kanyang korona kay Silvio.





