Ni Jhusua Celeste
SA abuhing dalampasigan, magkatulong nilang itinayong mag-ama ang dalawang tent habang ang kanyang ina at nakababatang kapatid ay nasa kabilang dako ng resort, abala sa pamumulot ng mga kabibe. Nang matapos sila, umupo siya sa asul na beach chair. Tahimik lamang siya buong sandali: nakamasid sa maalong Subic Bay, sa madilim na kalangitan, sa nagbabadyang ulan. Tila malalim ang kanyang iniisip. Umiinom ako ng soft drink dito sa balkonahe nang dumating sila. Isang perpektong pamilya. Agad ko siyang napansin: maluwag na puting t-shirt, maong na shorts, canvas sneakers. Naka-shades din siya gayong wala namang araw.
Pagbalik ng kanyang ina at nakababatang kapatid, masayang ipinakita ng mga ito ang mga kabibe sa kanya. Wala na siyang shades nang sandaling iyon kaya nakita ko kung paano magliwanag sa isang iglap ang mukha niya. Kinuha niya ang isang kabibe, sandaling sinuri, at nasa akto nang isasauli nang ipilit ng nakababata niyang kapatid na sa kanya na lamang ito. Tinanggap niya ang kabibe, buong puso, hindi maitago sa mga pisngi ang isang malaking ngiti.
Kalaunan, naligo siya sa dagat. Lumangoy siya ng ilang metro palayo sa dalampasigan. At habang nakalutang, humarap siya sa direksiyon ng resort. Mula roon, dahan-dahan niyang minasid ang paligid. Nakita niya ba ako? sumagi sa isip ko. Pagkatapos, ibinaling niya ang mga mata sa kanyang pamilya. Sa buhangin, mag-isang naglalaro ang nakababata niyang kapatid. Sa tabi ng malagong puno ng talisay, nag-iihaw ang kanyang ama at ina. Saka lamang ako pumasok ng kuwarto pag-ahon niya. Binuksan ko ang TV, humiga sa kamang pang-isang tao ang laki, saka inilibing nang makapal na kumot ang sarili. Kahit noon pa, tuwing matutulog, nakaugalian ko nang iwan na bukas ang TV upang hindi maramdamang ako ay mag-isa.
UMUULAN nang magising ako. Sa nightstand, kinuha ko ang cellphone ko––pasado alas-diyes na ng gabi. Inaantok pa, nakatitig lamang ako sa TV kung saan may ipinalalabas na documentary, hindi rumerehistro sa isip ang mga nangyayari. Pagkaraan ng ilang minuto, nang mahimasmasan, nagtungo akong banyo. Umihi ako, naghilamos, at nagmumog. Sandali ko ring pinagmasdan ang sarili sa salamin. Pagkatapos magbanyo, lumabas akong kuwarto.
Bukas ang pinto, laking-gulat ko nang may makitang lalaking nakaupo sa balkonahe. Agad siyang napalingon sa direksiyon ko. Isinara ko ang pinto ng kuwarto, binuksan ang ilaw roon sa balkonahe, at mas nasorpresa ako nang matuklasang ang lalaki ay siya. Walang emosyon sa kanyang mukha. Walang bahid ng hiya, pagkailang, o pagkalito. Blangko. Gaya ng mapupungay niyang matang mabilis niya ring muling ibinaling sa kadiliman. Pambihira ang lakas ng ulan nang sandaling iyon. Ang hagupit ng hangin. Naririnig ko ang mabagsik na paghampas ng mga alon sa dalampasigan. May bagyo, pakiwari ko.
Inaninag ko ang dalawang tent na magkatulong nilang itinayo kanina ng kanyang ama––at naroon pa rin ang mga ito, matatag, hindi papatinag sa kabila ng masamang panahon. Naisip ko kung bakit narito siya, sa balkonahe ng tinutuluyan kong kuwarto, at may tatlong bagay ang pumasok sa isip ko. Una: pinapasok ng ulan ang loob ng tent niya. Pangalawa: protektado naman siya nito laban sa ulan subalit sadyang hindi pa siya inaantok, at imbes na magmukmok, nagdesisyon muna siyang lumabas at tumambay sa pinakaunang balkonaheng makita sa pag-aakalang bakante ang kuwarto nito. Pangatlo: kanina, pagdating nila, sa kanyang peripheral vision ay napansin niya ako, at gusto niya talaga akong lapitan, kausapin, subalit, bukod sa naroon ang kanyang pamilya, siya iyong tipo ng taong hindi basta-bastang binubuwag ang sariling pader sa kahit na sino sapagkat mahalaga sa kanya ang kanyang ego dahil sino tayo kung wala ito? Kaya naman, nang kumatok ang tamang oportunidad––agad niya itong sinunggaban. Alam niyang lalabas ako ng kuwarto kalaunan at gusto niyang maabutan ko siya roon sa balkonahe na siyang magiging daan upang magkausap kami.
Inilagay ko sa mesa ang hapunan kong chicken biryani, kaha ng sigarilyo, beer, at ang halos bumibigay ng kopya ng librong On the Road, ngunit siya sa harapan ko––ang magandang anggulo ng kanyang mukha, ang matangos niyang ilong, ang perpektong hugis ng kanyang panga, ang mahahaba niyang pilikmata, ang malalim na biloy sa kanyang pisngi na tiyak akong sinasadya niyang ipakita kung minsan––wala na akong balak na kumain pa at magbasa, sapagkat napagtanto ko rin nang sandaling iyon na may buong buhay ako para kumain at magbasa, subalit ang pagkakataong ito, siya sa harapan ko, ay bibihira lamang kung mangyari. At gusto ko talaga siyang kausapin. Wala akong pakialam kung magmukha akong desperado sa kanyang paningin. Subalit tila nawalan ako ng boses. Tila nagsara ang lalamunan ko sa kaba kaya hindi ako nakapagsalita hanggang sa tumayo siya, bumaba ng balkonahe, at tumakbo sa ilalim ng ulan patungo sa kanlungan ng kanyang tent; hindi man lamang ako nilingon na para bang wala ako roon, na para bang walang halaga ang presensiya ko, ang pag-iral ko. Dahil doon, bigla ko na lamang gustong humagulgol ng iyak subalit pinigilan ko ang sarili. At ngayon, nagsisisi ako. Alam ko na hinihintay niya lamang akong magsalita. Alam ko na hinihintay niya lamang akong kausapin siya. Maikli ang kanyang pasensiya kaya iyon––nabagot siya. Kung nilakasan ko lamang ang loob ko, kung hindi lamang ako naduwag, ganito sana ang mangyayari:
“Hi,” ang ibabati ko. “Dom nga pala.”
Lilingon siya sa akin, nakangiti. “Brent,” ang pagpapakilala niya.
“`Di ka ba nababasa d’yan?” ang itatanong ko.
“Medyo,” ang isasagot niya.
“Gusto mo lumapit dito?”
Sasang-ayon siya.
Lalapit siya at agad na mapapansin ang librong On the Road sa mesa. Maingat niyang dadamputin ang libro, titingnan ang pabalat, una ang harap, sunod ang likod, saka babasahin ang simula ng nobela. Isasara niya ang libro pagkatapos, tatango-tango, muling ihihimlay sa dati nitong puwesto, katabi ng beer at kaha ng sigarilyo, at gayong may ideya na siya kung tungkol saan ang nobela ay tatanungin niya pa rin ako. Sasabihin kong iyon ay tungkol kay Sal Paradise, isang aspiring writer, at sa kanyang paglalakbay sa US at Mexico kasama ang matalik niyang kaibigang si Dean Moriarty. Sasabihin ko rin na ang nobelang iyon ay hango sa mga tunay na karanasan ng awtor nitong si Jack Kerouac.
“Maganda ba?” ang sunod na itatanong niya.
“Oo,” ang isasagot ko. “So far.”
Mapangingiti siya. Bubuksan ko ang chicken biryani at biglang kakalam ang sikmura ko. Itatanong ko kung kumain na ba siya at sasabihin niyang tapos na. Gutom na gutom, uumpisahan kong lantakan ang hapunan ko. Pagkatapos kong kumain, agad ko siyang aalukin ng sigarilyo at hindi siya tatanggi. Kukuha siya ng isang stick at magsisindi. Magsisindi rin ako at sabay kaming hihithit-buga. Panonoorin ko siya: ang mga mata niyang halos pumikit habang humihithit. Hindi ko alam pero humaling na humaling ako sa mga taong naninigarilyo. Misteryoso sila at hindi takot na mamatay. Sunod kong bubuksan ang beer na lumamig dahil sa nakatodong aircon ng kuwarto at malakas na ulan. Muli, aalukin ko siya. Ako ang unang tutungga at iaabot ko ang beer sa kanya. Tutungga siya at ilalapag ang beer sa mesa. Magpapasalamat siya.
At habang lumalalim ang gabi at hindi pa rin tumitila ang ulan––sa katunayan, lalo pa nga itong lumakas, mag-uumpisa siyang magkuwento ng mga bagay-bagay tungkol sa kanyang personal na buhay. Sasabihin niyang kaya sila ngayon naroong pamilya sa Subic ay dahil maghihiwalay na ang kanyang mga magulang––at iyon ay dahil sa pambababae ng kanyang ama, si Tomas. Maraming beses na raw itong nahuli ng kanyang inang si Tereza. Maraming beses na rin daw itong pinatawad ng kanyang ina at binigyan ng pagkakataon na magbago. Oo, hihinto ito sa pambababae at mangangakong hindi na uulit, subalit, pagkaraan lamang ng ilang linggo, babalik na naman ito sa nakagawian. Ganoon ang siklo. Paulit-ulit. Hanggang sa hindi na natagalan pa ng kanyang ina at nagdesisyon na itong tuluyang makipaghiwalay. Idadagdag pa ni Brent na walang ideya sa mangyayari ang nakababata niyang kapatid na si Miguel. Ang tanging alam nito ay magtatrabaho lamang sa malayong lugar ang kanilang ama at bihira na itong makabibisita sa kanila. Kaya noong tinanong si Miguel kung saan nito gustong pumunta bago umalis ang kanilang ama, sinabi nitong dito, sa Sun Ra Beach Resort, kung saan ginanap ang ikaapat na taon nitong kaarawan.
Gusto kong magpakalayo-layo at magtungo sa tahimik na lugar upang kalimutan ang sarili ko, ang pangalan ko, ang mukha ko, at gusto kong maging malaya at maramdaman na konektado sa mundo…
“Kaya pala parang malalim iniisip mo kanina,” ang sasabihin ko.
Sandali siyang hindi makaiimik, tatango-tango, saka sasabihing, “`Pansin mo pala?”
Tutungga siya ng beer.
Sasabihin niyang taga-Olongapo sila. Elementary teacher sa West Tapinac ang kanyang ina, cook sa isang Pakistani restaurant sa Magsaysay Drive ang kanyang ama, at siya naman ay isang administrative assistant sa Office of the Civil Registry ng kanilang city hall. Sasabihin niyang doon siya agad nag-apply pagka-graduate ng kolehiyo, na ilang taon na rin siya roon, at gusto niya ang ginagawa niya sa trabaho. Sasabihin niyang hindi kailanman sumagi sa kanyang isipan na makipagsapalaran sa Maynila, hindi tulad ng karamihan sa kanyang mga ka-batch at kaibigan, dahil bukod sa ayaw niyang iwan ang kanyang pamilya ay hindi niya rin maatim sa sariling lisanin ang Olongapo sapagkat mahal na mahal niya ito, na kailanman, hinding-hindi niya ipagpapalit ang kinalakihang lungsod sa kahit anong makinang na oportunidad ang naghihintay sa kanya sa ibang lugar dahil una sa lahat, sabi niya, wala siyang ibang ninanais kundi ang isang payak na buhay. Lunes hanggang Biyernes na trabaho. Alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Tuwing Biyernes, paglabas ng city hall, nakaugalian niya nang gumalang mag-isa. Tutungo siyang SBMA Beach upang panoorin ang paglubog ng araw. Doon, sa hele-helerang food stall, magmemeryenda siya. Hotdog sandwich na maraming ketchup at mustard ay sapat na. Orange juice. Sasabihin niyang gustong-gusto niyang pinanonood ang paglubog ng araw, masaksihan ang nagkalat na mga kulay sa kalangitan, dahil para sa kanya, ang ganoong klase ng kagandahan ay isang malaking patunay na may Diyos, na ang buhay ay maganda, at ang mabuhay ay isang regalo. Pagsapit ng dilim, pupunta siyang SM City Olongapo Downtown. Lilibutin niya ang mall, magwi-window shopping, na limang milyong beses niya nang napuntahan tulad ng SM City Olongapo Central at Harbor Point. Sasabihin niyang madalas siyang tumambay sa National Book Store, na hindi siya mahilig magbasa subalit gustong-gusto niyang napalilibutan ng mga libro dahil sa kung ano mang dahilan, nagbibigay ang mga ito ng pambihirang ginhawa sa kanyang pakiramdam. Sasabihin niyang paglabas ng SM, tatahakin niya ang kahabaan ng Gordon Avenue upang bumili ng pasalubong. Takoyaki at shawarma sapagkat iyon ang mga paborito ni Miguel. Tuwing Sabado at Linggo, nasa bahay lamang siya. Pagkatapos sa mga gawaing bahay, maghapon silang manonood ni Miguel ng TV habang abala sa paggawa ng lesson plan ang kanilang ina. Kapag bagong sahod siya, lalabas silang pamilya. Siyempre––siya ang taya. Sa SM City Olongapo Central, kakain sila. Kung hindi fast food o sa food court, magsa-samgyeopsal sila, magbu-buffet.

At oo…oo…kahit pa nakatatak sa kanyang isipan ang pambababae ng kanyang ama ay isasama niya pa rin ito sapagkat ama niya pa rin ito, sabi niya, at mahal niya pa rin ang kanyang ama sa kabila ng lahat. Sapagkat sabi niya, ang kamuhian ang isang tao dahil sa mga kahinaan nito ay pagtatanggi sa ating mga sariling kahinaan at gayon ay isang malaking kahangalan, na ang muhi, una sa lahat, ay isang nakalalasong emosyon at gusto niya lamang mabuhay sa kapayapaan.
Pagkatapos niyon, lilinisin niya ang kanyang lalamunan at sasabihin na ako naman ang magkuwento. Sa kabila ng alkohol sa aking sistema, mag-aalangan ako. Gusto kong ikuwento sa kanya ang buhay ko dahil gusto kong makilala niya ako at maging magkaibigan kami pagkatapos nito, hindi dalawang tao na matapos magkakilala ay muling magiging mga estranghero sa isa’t isa pagsapit ng umaga. Hindi. Bagkus, nakaramdam ako ng pag-aalinlangan dahil ang pagbubukas ng sarili mo sa iba ay pagbubukas din ng mga itinatago mong sugat. Gayunman, tutungga ako ng beer at sasabihin na hindi tulad niya, hindi ko gusto ang trabaho ko, na nagtatrabaho ako ngayon sa BPO at ginagawa ko lamang iyon para kumita ng pera, na pangarap ko talagang maging isang manunulat subalit dahil sa kawalan ng oras, hindi ko nabibigyan ng panahon ang pangarap ko. Sa magalang na tono ng boses, igigiit niyang kapag gusto mo talagang gawin ang isang bagay ay maraming paraan. Mapangingisi ako at sasabihin na iyon ay totoo, subalit, hindi ganoon kadali.
Itatanong niya ang tungkol sa pamilya ko at gayong inaasahan ko nang doon hahantong ang usapan ay mapatitigil pa rin ako. Sasabihin ko na hindi ako malapit sa kanila, na hindi ko sila ngayon kasama, na ako ay taga-Nueva Vizcaya at kasalukuyang naninirahang mag-isa sa Maynila. Sasabihin ko na maglilimang taon na ako roon, nakatira sa isang maliit na studio apartment sa Cubao, wala ni isang kaibigan, at nalulungkot akong mag-isa. Sasabihin ko na minsan, gaya ngayon, ay gusto kong magpakalayo-layo at magtungo sa tahimik na lugar upang kalimutan ang sarili ko, ang pangalan ko, ang mukha ko, at gusto kong maging malaya at maramdaman na konektado sa mundo dahil parati kong nararamdamang hindi ako nabibilang dito at gusto kong magmahal at masaktan at madurog ang puso dahil alam kong nagmahal ako nang tunay at gusto kong magkaroon ng kaibigan dahil ayaw ko nang mag-isa, dahil malungkot ang mag-isa, dahil gusto ko nang maging masaya, maging maligaya, at totoo lamang ang kaligayahan kung ibinabahagi mo ito sa iba. Kasabay niyon, gusto ko ring mawalan ng pakialam sa mundong ito, sa buhay na ito, sa lahat.
Itatanong niya kung kailan ako dumating dito at sasabihin kong kanina lamang, na ako ang tanging guest hanggang sa dumating sila ng kanyang pamilya, na dahil nabi-burnout ako sa trabaho at umpisa na ng dalawang araw kong pahinga, dito agad ako dumeretso paglabas ko ng opisina. Sasabihin ko na hindi ito ang unang beses ko sa Subic, na makailang beses na rin akong nakapunta rito, na sobrang espesyal sa akin ang lugar na ito dahil bukod sa mahilig ako sa dagat, noong nasa pinakailalim na sandali ako ng buhay ko at gusto ko nang sumuko, pumunta ako rito at isinalba ako ng lugar na ito. Tatango lamang siya, ang inaantok na mga mata ay puno ng simpatiya, at lalagukin ang natitirang laman ng beer. Sa kung ano mang dahilan, yuyupiin niya ang lata at ilalagay sa mesa na parang nilukot na papel. Pagkatapos, titingnan niya ang kanyang cellphone at sasabihing, “Alas-dose na pala.” Sunod niyang titingnan ang kanyang tent at alam ko kung ano ang tumatakbo sa isip niya. Subalit umuulan pa rin at ayaw ko pa siyang umalis kaya itatanong ko kung gusto niya bang pumasok sa loob at doon matulog sa halip. Magdadalawang-isip siya kunwari, siyempre, pero nababasa ko rin sa kanyang mukha na gusto niya. Matapos ang ilang segundo ng katahimikan at limanlibong kabog sa aking dibdib, papayag siya at ako ang magiging pinakamasayang tao sa buong daigdig. Papatayin ko ang ilaw sa balkonahe at papasok kaming kuwarto. Mauupo kaming dalawa sa kama dahil walang mga upuan sa loob. Manonood kami ng TV, ng Ancient Aliens sa History, pagsasaluhan ang higanteng supot ng tortilla chips at marshmallows hanggang sa dalawin kami ng antok.
Magpapasiya kaming matulog na. “Sa lapag na lang ako,” ang sasabihin niya dahil ganoon siya kabuting tao. Subalit hindi ako papayag at ipipilit na sa kama na lamang kaming dalawa dahil oo, bukod sa gusto ko siyang makatabi, hindi ko rin maatim isipin na sa malamig at matigas na sahig siya matutulog sapagkat siya ang bisita ko. Sasang-ayon siya dahil alam ko na gusto rin niya at pagsasaluhan namin ang iisa subalit mainit na kumot. Papatayin ko ang ilaw at TV subalit hindi hihinaan ang aircon. “`Di ka na tuloy nakapagbasa,” ang sasabihin niya at nakangiti ko namang sasabihing, “Okey lang.” Makatutulog kaming dalawa nang mahimbing, parehong antok na antok at bahagyang lasing, habang wala pa ring tigil ang buhos ng ulan sa labas. Walang ibang kailangang mangyari. Wala. Ang makasama siya at hindi matulog nang mag-isa ay sapat na.
Posible sana ang lahat ng iyon kung kinausap ko lamang siya. Ngayon, wala na siya. Hindi ko na kailanman malalaman maski ang pangalan niya. Wala akong ibang dapat na sisihin kundi ang sarili ko.
NAGISING ako sa pamilyar na lamig. Hindi pa rin tumitigil ang ulan. Kinuha ko ang cellphone ko sa kama. Inalam ang oras. Pasado alas-nuwebe na ng umaga. Inaantok pa, nakatitig lamang ako sa bukas na TV––para akong nakatitig sa kawalan. Nang mahimasmasan, pumunta akong banyo. Umihi ako. Naghilamos. Nagmumog. Pinagmasdan ang sarili sa malabong salamin. Pagkatapos magbanyo, ibinalot ko ng kumot ang sarili. Lumabas akong kuwarto. Umupo sa basang balkonahe. Tinangay ng hangin, nagkalat sa sahig ang lata ng beer at takeout container ng chicken biryani na naiwan ko sa mesa kagabi. Napakalakas ng ulan. Napakadilim ng kalangitan. Naghihimagsik ang mga alon sa dalampasigan. Bagyo na ito, sigurado ako. Napansin ko rin na wala na ang dalawang tent sa kinapupuwestuhan ng mga ito kahapon. Umalis na siya at ang kanyang pamilya. Mag-isa na naman ako.








