Ni Eden Pedrajas Concepcion
“EKPAN,” nagpapalahaw na sabi ni Al.
“Ek-ekpan,” ganoon din ang tono ni Ali.
Hindi ko nararamdaman ang inirereklamo nila dahil kanina pa naman nakabukas sa number 24 ang aircon. Magkanugnog lang ang kuwarto naming mag-asawa sa tulugan ng kambal. Nahahati lang ito sa de-tuping accordion door na nilagyan namin ng puwang upang madali silang mapuntahan lalo na sa gabi.
Nahatak pala ang kurdon ng electric kaya nabawasan ang lamig at naiinitan na ang kambal. Pahirapan na naman ng pagpapatulog sa dalawa. Buti na lang at wala pa si Alex. Naunang nakatulog uli si Ali habang nakapagitna ako sa kambal at salitan ang pagyakap sa kanila.
Tuluyan na akong humarap kay Al nang matiyak na tulog na si Ali.
Natutuwa akong titigan ang mukha ni Al. Mini me. Parang ako na naging lalaki. At si Ali naman, parang si Alex na naging babae. Carbon copy niya noong maliit pa. Kompleto na kami makalipas ang dalawang taong paghihintay mula nang magpakasal kami. At ngayon, tatlong taon na ang kambal namin.
Nakalipat na ako sa kuwarto nang dumating si Alex.
“Tulog na ang kambal?” Una niyang tanong nang salubungin ko siya sa may pintuan. Siya na ang nagbubukas ng gate. Naiparada na rin niya ang motor sa garahe na kasya rin ang isang kotse.
“Nagising lang bago ka dumating, nainitan.”
Nagtataka ang tingin niya sa akin.
“Nahugot kasi ang cord ng electric fan.”
Alam kasi ni Alex na bukod sa bukas na aircon kailangan bukas din ang electric fan sa number one lang naman.
“Hon, ano kaya kung sundin natin ang suggestion ni Mareng Becky,” simula ko habang patapos na kami sa hapunan.
“Ano ‘yon?”
“Patingnan na kaya natin ang kambal sa developmental pediatrician?”
“May problema ba sa mga anak natin? Wala naman, ah,” paiwas na sabi ni Alex habang inilalagay sa lababo ang pinagkainan namin. Ako naman ang nagpunas ng mesa at maghuhugas ng mga plato.
“‘Yung pagsasalita nila. Si Al mainitin ang ulo, masyadong hyper minsan parang walang pokus. Si Ali naman…”
“Walang problema sa kanila. They are normal kids—like other kids. Masyadong ka lang nag-aalala,” saka tuluyang pumasok na sa CR si Alex. Tinapos ko na rin ang pagliligpit sa kusina.
Ang bawat pantig o tugmang lumalabas sa bibig ng kambal ay tunog na mula sa kanilang pusong nag-uugnay sa aming mag-iina.
Pagdating sa kama, hindi ko na kinulit si Alex, gusto kong maging maayos ang pagtulog. Magkayakap kaming nakatulog.
Ganoon lagi ang nagiging takbo ng usapan namin tungkol sa kambal. Masyado nga lang ba akong nag-aalala? O, in-denial si Alex?
Nakatutok ako sa kambal sa maghapon.Parttime visual artist (VA) naman ako sa gabi. Sinasabayan ko sila sa pagtulog makapananghali kaya nakakabawi pa rin ng puyat apat na beses sa isang linggo.
“Maaaa!” kasabay ng malakas na iyak.
“Maaaa!” halos magkasunod na palahaw ng kambal.
Nasa CR ako ng sandaling iyon. Nabungaran ko paglabas ng CR na nag-aagawan sila sa bolang kulay berde. Nasa tabi ni Al ang bolang kulay asul naman.
Iniabot ko kay Al ang asul na bola. Inihagis niya. Iniabot ko naman kay Ali. Ayaw rin. Iisa lang palang bola ang gusto nila. Kaya laging dalawa ang binibili naming laruan sa kanila ngunit lagi ring magkaibang kulay para pareho silang may nilalaro. Iyon pala, nagkataong parehong gusto nila ang berdeng bola. Nagwawala na pareho nang hawakan ko na ang bolang gusto nila.
Sa tabi ng kanilang study table, kinuha ko ang paborito nilang big book. Nawala ang iyak ni Ali, nagningning ang mga mata sa hawak kong big book. Hindi na niya napansin nang palihim kong iabot kay Al ang bola. Natahimik na rin si Al.
Tumabi sa akin si Ali habang binabasa ko nang malakas ang istorya sa aklat at masaya naman niyang itinuturo ang mga larawan sa big book. Pagsulyap ko kay Al, gumagawa na ito ng sariling mundo sa piling ng lobo. Si Ali naman, nadadala na rin sa sarili niyang mundo sa piling ng mga larawan sa aklat.
Napangiti ako, may sariling mundo ang mga anak ko, pero ako silang– mag-aama ang aking mundo. Si Alex na napakaresponsableng asawa at ama. Sina Al at Ali na kahit bulol magsalita ay naiintindihan. Ang bawat pantig o tugmang lumalabas sa kanila ay tunog na mula sa kanilang pusong nag-uugnay sa aming mag-iina.

Madalas nga laging nagtatanong sa akin si Alex kung sino raw ang sinasabi ng kambal kasi hindi niya maintindihan. At sasabihin ko naman.
“Hon, kayo ang magkakasama maghapon kaya nagkakaintindihan kayo.”
“Nanay kasi ako. Gano’n daw ‘yon, Hon. Nanay lang ang nakakaintindi sa pagkabulol ng mga anak. Kasi sa akin galing ang mga ‘yan,” birong totoo naman ang sagot ko.
“Para namang wala akong ambag,” birong ganti rin ni Alex.
“Gusto kong pa-check-up sila sa pedia.”
“Wala naman silang sakit. Katatapos lang ng vaccination nila sabi mo.”
“Sa ibang pedia—sa developmental pediatrician. Advice na din ni doc kung gusto ko raw makasiguro.”
Iyon ang unang beses kong pagbubukas ng ganoong usapan kay Alex na binalewala niya. Nabanggit ko rin kay kumareng Becky kaya nagmungkahi na rin siya na ganoon ang gawin ko. Kaya nabanggit ko uli kagabi kay Alex. Na binalewala niya ulit.
Nakapokus na si Al sa bola na kahit tawagin ko siya hindi niya ako nililingon. Madalas ay ganoon. Ganoon din si Ali. Ngunit mas madaling pasunurin si Ali. Oras na ng pagluluto ko. Mula naman sa kusina ay natatanaw ko ang kambal habang naglalaro sa kabahayan. Hawak pa rin ni Ali ang isa pang big book. Si Al naman, maliit na piano na ang hawak. Naririnig ko ang bawat tono na tinitipa niya.
Palingon-lingon ako sa kanila habang nagluluto, baka kasi mag-away naman. Baka kasi mag-agawan na naman ng laruan. Baka kasi may sumigaw habang umiiyak nang malakas. Puno ng pag-aalala sa kambal.
Nagulat pa ako nang tumunog ang celfone.
“Okay naman kayo d’yan? Pasilip nga ng kambal.”
Laging nagbi-video call si Alex mula sa opisina kapag break time nila. Nangungumusta. Inilapit ko ang kamera sa kambal. Pagkakita sa ama, nag-unahan sila sa harap ng kamera, pinagkakasya ang kanya-kanyang mukha. Tawa nang tawa. Nag-aagawan na sa screen, inawat ko na. Mukha ko na ang humarap sa kamera.
“Baka mag-away na naman at magulo ang mundo namin pare-pareho,” biro ko kay Alex. Balik sa paglalaro ang kambal.
May kanya-kanya ring puwesto ang kambal sa mesa. Nakapagitna ako dahil kailangan pang alalayan sa pagsubo. May pagkakataon kasing nag-aalburuto si Al sa harap ng pagkain. Panay ang kalampag niya ng kubyertos na pinggan kapag nagsunod-sunod ang pagsubo ko kay Ali. Minsan, ganoon din si Ali. Gaya ngayon.
Sinubukan kong tumahimik, hindi ako nagpanik sa pagsaway sa kanila na dati kong ginagawa sa. Iyong tahimik na parang nagpaparamdam sa kanila na napapagod na ako, na parang nagtatampo na ako sa kanila. May isang minuto siguro iyon.
Sa gilid ng mga mata, tinitingnan ko sila. Inaabangan ang magiging reaksiyon nila. Nagkatinginan sila. Ewan kung nagkaintindihan. Sabay silang umiyak na malakas sabay sabing, “Maaaaaa…”
Hindi pa rin ako kumilos o nagsalita kahit nag-aalala na rin. Kasabay ng malakas nilang iyak, pareho silang yumakap sa akin. Magkabilang dibdib at muling nag-ugnay ang aming mga puso.
“Ab Ma, ab Ma”, bulol sa sabi ni Al.
“Ab-ab Ma,” si Ali naman.
Niyakap ko nang mahigpit ang aking mundo dahil damang-dama ko na hindi lamang ang mga laruan ng kambal ang kanilang mundo.








