Ni MIGUEL C. ARGUELLES
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 20, 1952)
Sumilang sa pusong isang pagnanasa
Ang magpakalasing sa aliw sa lupa:
Kaya ang buhay mong datiy mapayapa
Ay naging maharot, malikot, masiba.
At pati ang dating sarili mong pugad
Ay pinagdamutan ng dating paglingap;
Ang mga “kasalo sa ginhawa’t hirap,”
Nilisang sarili nila ang bagabag.
Tinahak mo’y mga landas na makulay
Na pangako’y huwad na kaligayahan;
Puso mo’y nabaliw sa hidwang hantungan
Ng pagpapasasa sa ibang kandungan.
Maraming tahanang dati’y matahimik
Ang inyong hinatdan ng dusa’t ligalig;
Sa pagtatagumpay ng may lasong nais,
Halakhak mo’y halos umabot sa langit.
Sapagkat tao kang tulad din ng ibon,
Ikaw ay nagbalik isang dapit-hapon;
Ngunit sa pugad mong iniwang malaon,
May nadatnan ka nang ‘ibang sumisilong!








